Miyerkules, Enero 28, 2015

Ang Katarungan at Katuwiran ng Diyos


Sa nakaraang araw ng Panginoon, tuwirang sinagot ng ating Katesismo ang kabaluktutan ng kaisipan ng natural na tao: "Hindi ba’t Diyos ang dapat sisihin sapagkat ginawa Niya ang tao ng ganoong kalagayan?" Hindi! Sapagkat, itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na mabuti. Hindi maaaring ibaling ng tao sa Diyos ang sisi para sa kaniyang kasawian sapagkat tanging tao lamang ang marapat na sisihin sa kaniyang pagkalugmok at mga kasalanan.

Kung sakali mang makita niyang wala siyang kawala rito, maaari nga niya itong aminin. Subalit sa kaniyang katampalasan ay kaniyang pag-aalinlangan ang katarungan ng Diyos: “Oo nga, ako nga ay maituturing na gayon katulad niyan. Subalit, maaari bang  panagutin ng Diyos ang tao sa katulad na responsibilidad na hindi naman niya kayang tuparin? Hindi ba’t para itong pagpapalipad sa isang tao na kagaya ng isang ibon kahit na ito ay hindi na saklaw ng kaniyang kakayahan? Hindi ba’t ito ay hindi makatarungan?”

Makatarungan ba ang Diyos sa paghingi sa atin ng isang bagay na hindi natin kaya, sa isang bagay na hindi natin maibibigay?

Tunay na makatarungan ang Diyos sa kadahilanang ginawa Niya ang tao na may kakayahan upang tuparin ang mga kahilingan ng Kaniyang Kautusan. Tanging sa tao lamang ang pagkukulang sapagkat naiwala niya ang lubusang kakayahang ito dahil sa kaniyang pagkasala. Pinili ng ating mga naunang magulang ang sumuway sa Diyos. Sabihin nating binigyan ka ng iyong mga magulang ng pera upang makapag-aral sa kolehiyo subalit nilustay mo lamang ang pera sa walang kabuluhan. Ikaw ay lumapit sa iyong mga magulang at sinabing hindi mo na kayang makapag-aral dahil sa nagawa mong iyon. Hindi ba’t makatarungan kung magagalit ang iyong mga magulang at bigyan ka ng naaangkop na kaparusahan sa iyong nagawa? Hindi ba't makatarungan na panagutin ka ng iyong mga magulang at hilingin sa iyo ang nauna nilang tinuran? Tunay nga! Ang Diyos ay lubusang makatarungan sa paghingi sa atin ng ganap na pagkamasunurin na kaya nating sundin bago ang tao ay nahulog sa pagkasala.

Lilitaw na naman ang isang tanong: “Kung gayon, eh, hindi ba’t makabubuting baguhin na lamang Diyos ang kanyang hinihingi? Hindi ba pwedeng padaliin na lang Niya ang kanyang kahilingan dahil sa kahinaan natin?”

Hindi! Sa katunayan, kung hindi hihilingin ng Diyos sa tao ang Kanyang ibinigay na tungkulin, lalabas na hindi makatarungan ang Diyos. At bakit? Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang tipan na binigay Niya sa tao. Sa kung papaanong tapat Siya sa tao sa kanyang tipan dito, tapat rin Siya sa kanyang sarili "sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili" (2 Timoteo 2:13). Marapat lamang na maging makatuwiran din ang Diyos sa kaniyang sarili at sa ganoong kadahilanan, hindi kailangang magbago ang mga hinihiling ng tipan.


Maaari namang sabihin ng isa, “O siya, siya. Subalit hindi ba’t mahabagin naman ang Diyos? Siguro naman ay kakaligtaan na lamang Niya ang ating mga kasalanan.”

Subalit, dahil ang Diyos ay tapat sa kaniyang tipan (at sa hindi nagbabagong katangian nito), tapat din ang Diyos sa kaukulang parusa sa paglabag sa tipan na ito. "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng Kautusang ito upang gawin" (Deuteronomio 27:26). Kung tayong mga tao ay hindi pinalalagpas ang mga mabibigat na bagay na nagawa laban sa atin, papaano pa kaya ang Diyos na Banal at Makatarungan? Ang bigat ng ating pagkakasala ay isang pagtataksil, isang pagsalansang sa ating nagpupunong Hari. Hindi Siya nalulugod dito at ang mga ito ay kasuklam-suklam sa Kaniya.

Walang lusot ang tao! Saan siya ngayon tutungo? Tayo ay bumalik sa sinasabi ng ating Katesismo: “Ang Diyos ay maawain at makatarungan.” Ang katarungan at pagkamaawain ng Diyos ay nagtagpo sa katauhan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Hindi palalagpasin ng Diyos ang ating mga kasalanan at ang kanyang galit ay Kaniyang ibubuhos sa mga makasalanan. Subalit, sa halip na galit ay nakatanggap tayo ng kapatawaran. Inangkin ni Kristo ang galit ng Diyos para sa atin. Inangkin Niya ang kaparusahan at ang sumpa ng ating kasalanan. “Ngayon ay wala nang kahatulan sa mga na kay Kristo Hesus.” (Roma 8:1)


Ang kahilingan ng Kautusan na ganap na pagsunod ay hindi natin maibibigay. Subalit may Isa na siyang tumupad sa kahilingang ito, si Hesu-Kristo na bumaba sa lupa bilang ang pangalawang Adan na siyang sumunod sa Kautusan ng Diyos ng ganap at lubusan.

Ating natanggap ang Kaniyang pagkamatuwid, na tila ba’y naisakatuparan natin ang hinihiling ng tipan ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya (Roma 5:18-19). Ito ang ating kaaliwan bilang mga mananampalataya.

Lunes, Enero 19, 2015

Nilikhang Kawangis ng Kanyang Larawan


"Pasensya na, tao lang." "Tao lang, nagkakamali rin."

Pamilyar, hindi ba? Sino pa nga ba ang hindi pa nakakarinig sa katagang ito? Madalas nating marinig itong sabihin ng isa kapag siya ay nagkasala sa isa o kaya'y nagkamali sa kanyang mga gawa. Subalit, ang pagiging tao ba mismo ang dahilan ng ating kahinaan na ito?

Sa nakaraang araw ng Panginoon, ating nalaman ayon sa Katesismong Heidelberg na ang ating kasawian ay matutuklasan sa ating pagsuway sa Kautusan ng Diyos. Makatuwiran lamang na lumitaw ang isang tanong pagkatapos: “Ganito nga ba nilikha ng Diyos ang tao?" Sa katanungang ito ay mariing sumasagot ang ating Katesismo: HINDI.


Pansinin natin ang mga unang talata sa Genesis partikular sa ulat ni Moises patungkol sa paglalang ng Diyos. Ilang makaulit na sinabi sa ulat na ito na ang lahat ng nilalang ng Diyos ay “mabuti” (1:4, 10, 12, 18, 21, 25, 31). Kabilang diyan ang pinakatatangi Niya sa lahat ng Kaniyang mga nilalang – ang tao. At hindi lamang nilalang ng Diyos ang tao na “mabuti,” nilalang Niya rin ito na “kawangis ng Kanyang larawan” (Genesis 1:26-27).

Ganito isinalarawan ng Westminster Confession of Faith, sa ikaapat na Kabanata nito ("Tungkol sa Paglikha"), ang larawan ng Diyos na nasa tao:
“Pagkatapos likhain ng Diyos ang lahat, nilikha niya ang tao. Nilikha niya sila na lalaki at babae (Genesis 1:27) at binigyan niya sila ng katuwiran at walang kamatayang kaluluwa, (Gen. 2:7; Eclesiastes 12:7; Lucas 23:43; Mateo 10:28) at pinagkalooban Niya ng kalaaman, pagkamakatuwiran, at tunay na kabanalan – ang mga ito ay ang Kanyang wangis (Gen. 1:26; Colosas 3:10; Efeso 4:24). Ang Kautusan ng Diyos ay isinulat sa kanilang mga puso, (Roma 2:14-15. ) at mayroon silang kakayahang sundin ito (Gen. 2:17; Ecl. 7:29.). Gayon man, dahil sila ay may kalayaang gamitin ang kanilang malayang kalooban na maaring  magbago, maari silang magkasala (Gen. 3:6, 17). Bukod sa Kautusang ito na nakasulat sa kanilang mga puso, sila ay inutusan ng Diyos na huwag kumain ng bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Habang sila ay sumusunod sa utos na ito, sila ay maligaya sa kanilang pakikisama sa Diyos, (Gen. 2:17; Gen. 2:15-3:24) at gayon din sila ay magpapapatuloy sa kanilang pamamahala sa mga nilikha (Gen. 1:28; Gen. 1:29-30; Awit 8:6-8)."
Ang tao ay sakdal at may tunay na kaalaman patungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban at may kakayahan na malayang sundin ang Diyos sa lahat ng Kanyang Kautusan ng kaniyang puso at kalakasan. Ang tao ay nilikha sa pangunahing layunin na papurihan ang Diyos at sambahin Siya at tumawag sa Kaniyang Pangalan.

Subalit ano nga ba ang nangyari? “Ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan” (Eclesiastes 7:29). Pinili ng ating mga unang magulang na sumuway sa Diyos. Dahil kay Adan, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa sanlibutan (Roma 5:12-14; 1 Corinto 15:22). Ang lahat ng supling nina Adan at Eba ay nagmana ng kanilang kasalanan, kung sa gayon, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pagkahatol at kapangyarihan ng kasalanan at ng paghahari ng kamatayan (Roma 1:18, 19; 3:9, 19; 5:17, 21).

Sinabi ng apostol Pablo na ang tao, sa kanyang kalikasan, ay patay sa kaniyang “pagsalangsang at mga kasalanan” (Efeso 2:1). Sa ganitong kalagayan, ang tao "ay walang pag-asa at walang Diyos sa mundo" (Efeso 2:12). Nawala ang karingalan ng larawan ng Diyos na tinataglay ng tao. Bagama’t nananatili man sa atin ang larawang ito, tayo ay naging alipin ng kasalanan. Hindi natin lubusang maisasalamin ang kabanalan ng Diyos. Napakasamang balita. Subalit, ang ating Katesismo ay nagbibigay ng pag-asa.

Isa sa mga ipinagkaloob ng Diyos para sa ating kaligtasan ay ang pagbabago ng ating baluktot na kalikasan (o regeneration sa wikang Ingles) patungo sa pananampalataya. Ang pagbabagong-espirituwal ito ay hindi gawa ng tao, bagkus ay natatanging gawain ng Diyos lamang. Ang mga mananampalataya naman ay Kaniyang patuloy na ipinanunumbalik ang larawang ito sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesu-Kristo na siyang "naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan" (1 Corinto 1:30). Ang ating Panginoong Hesus naman, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay binabago tayo "sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian" (2 Corinto 3:18). Sa pagkilos Niya, tayo ay muling binuhay, samakatuwid ay isinilang-muli na may bagong pusong nagnanais na tumalima sa Diyos, galing sa ispirituwal na kamatayan patungo sa buhay na walang-hanggan.


Ang larawan sa itaas ay bahagi ng pinta ni Michaelangelo na "The Creation of Adam"

Linggo, Enero 11, 2015

Ang Pagkabatid sa Ating Kapighatian



"May balita ako sa 'yo, ano'ng gusto mong mauna? Good news o bad news?"
"Hmm... Siguro 'yung bad news muna."

Madalas ay ganiyan ang ating tugon sa tuwing makatatanggap tayo ng balita mula sa ating kakilala o kaibigan. Marahil ay alam niyo na kung bakit: alam nating may kaaliwang ihahatid ang mabuting balitang maisasambit pagkatapos nating malaman ang masamang balita.

Ayon sa sagot ng pangalawang tanong ng Katesismong Heidelberg, ang mga bagay na kinakailangan nating malaman para sa ating tunay na kaaliwan ay kinapapabilangan ng mga sumusunod: una, ang kaalaman patungkol sa "kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at ang ating kapighatian. Pangalawa, kung paano tayo iniligtas mula sa ating mga kasalanan at kapighatian.Pangatlo, kung paano tayo dapat magpasalamat sa Diyos na nagligtas sa akin." Kapighatian? Papaano ang kaalaman nito ay magbibigay sa atin ng kaaliwan? Makapaghahatid ba ang kaalamang ito ng kaaliwan sa akin? Hindi. Hindi kailanman makapagbibigay ng kaaliwan sa isang lubos na makasalanan ang Kautusan bagkus ay makapagbibigay lamang sa isa ng kahabagan sa sarili. Subalit, papaano nating nasabi na ito ay kailangan para sa ating kaaliwan? Tulad ng ating halimbawa sa itaas, mas mapapahalagahan natin ang mabuting balitang ating maririnig kapag nalaman natin ang masamang balita.

Upang mapagpatibay ang kaalaman ng kaaliwang ito, marapat na malaman muna natin kung gaano kalubha ang kalagayan natin. Ang tunay na kaaliwan ay dumarating lamang sa isa na nangangailangan nito tulad ng isang maysakit na maghahanap ng manggagamot o lunas sa oras na malaman niya ang kaniyang malubhang karamdaman.

Ang kaalaman ng kasawiang ito ay inilalahad ng Kautusan ng Diyos, "sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan" (Roma 3:20). Sa puntong ito, ating dapat isaisip na ang problema ay hindi ang Kautusan sapagkat ito ay "mabuti" (1 Timoteo 1:8). Ang suliranin ay nasa sa atin. Hindi natin lubusang nasusunod ang Kautusan, "sapagkat [tayo] ay likas na namumuhi sa Diyos at pati na sa aking kapwa" (sagot 5).

Ano nga ba ang hinihingi sa atin ng Kautusan? Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesu-Kristo ang kabuuan nito: "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng buo mong puso, ng buo mong kaluluwa, ng buo mong pag-iisip, ng buo mong lakas at mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng sa iyong sarili."

"Ayun lang pala. Mahalin lang pala ang Diyos at ang aking kapwa."

Subalit, hindi iyan ganiyan kadali. Mahalagang malaman na noong sinabi ng ating Panginoon iyan, isa sa mga nakikinig sa kanya ay ang mga Pariseo at mga eskriba na siyang naglista ng mga karagdagang mga kautusan upang maging masusi ang isa sa pagsunod sa banal na mga alituntunin. Sinasabi ni Hesus na hindi ang pagsunod punto por punto sa listahang ito ang pagtupad sa Kautusan subalit mas higit pa.

Sino nga ba ang nagmahal sa Diyos ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas niya? Sino na ba ang ipinakatangi Siyang lubusan kaysa sa iba pang mabubuting bagay? Sino na nga ba ang sa Kanya lamang kumuha ng kaligayahan at nagbigay ng tiwala sa Kanya? Sino na nga ba ang naghangad na ang lahat ng kanyang mga gawain ay para lamang sa kaluwalhatian ng Pangalan Niya? Sino na nga ba ang nagmahal sa kanyang kapwa ng walang halong kasakiman o anumang pansariling interes?

Narito ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa atin: "Walang matuwid, wala, wala kahit isa" (Roma 3:10) at ang "lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23). Ang ating mga "puso ay mandaraya kaysa sa lahat ng bagay at lubhang napakasama" (Jeremias 17:9).

Kung susukatin tayo ayon sa Kautusan, lalabas na tayo ay tinimbang ngunit kulang "sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat" (Santiago 2:10). Hindi natin makakamit ang pamantayan ng katuwiran na hinihingi ng Kautusan.

Gayon na lamang ang mataas na kahilingan ng Kautusan na matapos marinig ng propetang si Isaias na "banal, banal, banal ang PANGINOON" ay naibulalas niya ang mga salitang "Kahabag-habag ako!" (Isaias 6:3, 5)

At narito ang masamang balita: "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin." (Deuteronomio 27:26). Hindi natin nagawa ang lahat ng kautusan. Samakatuwid, tayo ay nahaharap sa kahatulan. Napakasamang balita.

Ngunit hindi natatapos sa masamang balita ang kalagayan ng tao. Ipinagkaloob ng Diyos ang kaaliwan ng Mabuting Balita na sa atin ay ipinahayag: "Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin" (Galacia 3:13). Nakatanggap tayo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan dahil kay Hesu-Kristo, ang ating Tagapamagitan, ang Anak ng Diyos na siyang nagmahal sa Diyos ng buo Niyang puso, kaluluwa, isip, at kalakasan at siyang tumupad sa lahat ng katuwiran na hinihiling ng Kautusan.


Panuto: Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay ginawa ng Diyos ang sinumang iniligtas Niya na "taos-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kanya" (Katesismong Heidelberg, Sagot 1). Ang papel ng Kautusan sa buhay ng mga mananampalataya ay bibigyang-pansin sa Araw ng Panginoon 32.

Ang larawan sa itaas ay pinta ni Rembrandt na Moses Breaking the Tables of the Law

Biyernes, Enero 9, 2015

Kasaysayan at ang Probidensya ng Diyos




Nitong mga nakaraang araw lang ay nakapanood ako ng isang pelikula tungkol sa isa sa mga magigiting na bayaning Pilipino. Ginugol ko ang mga sumunod na araw sa pagbabasa ng mga aklat patungkol sa kasaysayan ng ating mga bayani at maging ng ating bansa. Simula pa ng ako'y bata pa lamang ay napukaw na ang aking kagustuhan sa mga personalidad at mga kaganapan sa nakaraan. Tunay nga na ako ay maituturing na mahilig sa anumang bagay na may relasyon sa kasaysayan.

Minsan ay naturan ng isa sa aking mga kapatid sa pananampalataya, na isa ring mahilig sa anumang usaping historikal, ang katotohanan na kumikilos ang Diyos sa ating panahon. Sa probidensya ng Diyos, ang pagkasakop ng Pilipinas ng mga dayuhang Espanyol sa loob ng mahigit tatlong-daang taon ay nagsilbing paghahanda sa kawan ng Diyos sa dakong ito patungo sa kaalaman ng kanyang Mabuting Balita na inihatid ng mga misyonerong Amerikano.  Kung hindi dahil sa pagkatuklas ni Fernando Magallanes sa mga islang ito sa Silangan, malamang tayo ay naging isang bansang Muslim o kaya'y isang bansa ng mga pagano.


May mga panahong dumarating na tayo ay napag-iisip: "Paano kaya kung hindi ito nangyari?" "Paano kaya kung ito naman ang nangyari imbis na ganito?" "Paano naman kung ito ang mangyari?"

Wala tayong kasiguraduhan sa mga sagot sa mga tanong na iyan. Subalit, mayroon tayong tiyak na kaalaman na ang Diyos ang nagtakda at nagpangyaring-ganap ng lahat ng mga bagay.

Sa kanyang talumpati sa mga tagapakinig sa Areopago (Gawa 17:21-31), ipinahayag ni Pablo ang katotohanan patungkol sa Diyos na Siyang "gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto" at Siyang "Panginoon ng langit at ng lupa." Siya rin ang "nagbibigay sa lahat ng buhay, ng hininga, at ng lahat ng mga bagay." Sa Kaniyang paglikha ay sinimulan ng Diyos ang ating kasaysayan. Nilikha Niya ang tao upang Siya ay "papurihan at kagalakan magpasawalang-hanggan" (Maikling Katesismong Westminster). Subalit nahulog sa kasalanan ang ating mga ninuno kaya't ang "buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin" (Roma 8:22). Napasinayaan ang Mabuting Balita matapos na magkasala ang tao nang ipinangako ng Diyos ang isang binhi na dudurog sa binhi ng serpiyente (Genesis 3:15) at siyang magpapanumbalik ng karingalan ng nilikha Niya. Sa kanyang aklat na City of God, sinabi ni Augustine na ang kasaysayan sa ating panahon ay  nahati sa dalawang binhi na ito, ang dalawang lungsod na kung saan "ang makamundong lungsod ay pinamumunuan ng pag-ibig sa sarili at pagkasuklam sa Diyos at ang makalangit na lungsod ay pinamumunuan ng pag-ibig sa Diyos at pagkasuklam sa sarili" (XIV.28) Sa napakabuting karunungan ng Diyos ay Kaniyang minagaling na ang dalawang lungsod na ito ay mamuhay ng magkasabay sa mundong ito ng minsan ay may kapayapaan subalit madalas may pagkakatuligsa. Lumago ang dalawang binhing ito maging ang kabihasnan ng tao at nangalat sila sa lupa (matapos ng Malaking Baha). Sa puntong ito ay maaalala natin ang winika ni Pablo na "ginawa Niya sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan" (Gawa 17:26).

Sa mga sumunod na kabanata ng aklat ni Augustine ay nagbigay siya ng pagtalakay ng pagsulong ng kasaysayan ng daigdig mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Napakahusay nga ng pagbuklat ng bawat pahina ng kasaysayan at ating masasaksihan kung papaano yumabong ang bilang ng tao at sa kumpol na ito ay pumili ang Diyos ng isang bayan para sa Kaniyang Pangalan na kung saan Siya ay naghatid ng mga pangako una sa mga Hudyo at sa ngayon ay maging sa mga Hentil. At "nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak" (Galacia 4:4).

Kung babalikan si Pablo, ginawa ito ng Diyos upang "kanilang hanapin [Siya] baka sakaling maapuhap nila siya at Siya'y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin" (Gawa 17:28). Hitik na ang panahon at "ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Diyos; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos Niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako: sapagka't Siya'y nagtakda ng isang araw na Kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking Kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang Siya'y buhayin niyang muli sa mga patay" (Gawa 17:30-31).

Ang Diyos ay ang Simula at ang Huli at Siyang Panginoon ng kasaysayan. Simula sa pagkalikha ng mundo na nahulog sa pagkasala ng unang tao ay natamo ng kasaysayan ang rurok nito nang ipinanganak si Hesus na siyang Kristo, ang Salita na nagkatawang-tao, na namatay sa krus at muling-nabuhay. Pumanhik Siya sa langit at naupo sa kanan ng Ama at ngayo'y pinamumunuan ang Kaniyang iglesya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng Kaniyang Salita. At sa kaganapan ng lahat ng mga bagay, Siya ay babalik upang hatulan ang mundo sa Araw ng Paghuhukom at ihatid ang panibagong langit at lupa at ang buhay na walang-hanggan. Kung ang layunin ng Diyos ay matutupad, tunay nga at marapat lang na ang kabuuan ng kasaysayan ng mundo ay dapat nating tingnan ng may kaugnayan sa mga bagay na ito at sa kawalang-hanggan.

Subalit papaanong ang kaalaman na ito ay makatutulong sa atin? Ano ang kapakinabangan nito sa atin?

Sa kanyang aklat na Institutes of the Christian Religion, sinabi ni John Calvin na ang "paglikha [ng Diyos sa lahat ng bagay] at ang [Kaniyang] probidensya ay magkakabit at hindi-maipaghihiwalay" (I.xvi.1). Sa mga sumunod na mga talata rin ay pinagtibay ni Calvin na ang probidensyang tinutukoy niya ay nangangahulugan na "ang Diyos sa langit ay hindi lamang nakapanood sa lahat ng nangyayari sa lupa ng walang anumang ginagawa bagkus ay kaniyang ginagawang ganap ang lahat ng mga bagay" (I.xvi.4). Tunay nga na ang Diyos ay hindi naglikha at basta-basta na lamang iniwan ang Kaniyang gawa. Sa pagkalikha nga ng lahat ng mga bagay, sa simula ng kasaysayan, ay nasa likod na ang mga kamay ng Diyos. Ipinapakilos Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kaniyang hindi-malirip na karunungan para sa naaayon nitong tunguhin. Hindi ba't "sa Kaniya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa Kaniya ang ating pagkatao" (Gawa 17:28) at "inaalalayan Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng [Kaniyang] kapangyarihan" (Hebreo 1:3)?

Tangan-tangan ang kaalamang ito, tayong mga nabubuhay sa panahong ito ay makaaasa, na tulad ni Jose na anak ni Jacob, tayo ay magkakaroon ng pagtitiyaga at kapanatagan na kahit na may mangyaring masama sa atin, "inilagay ng Diyos [ang mga ito] para sa [ating] kabutihan" (Genesis 50:20). Tayo ay may katiyakan sa kinabukasan na darating sa atin na kahit na ang mundo ay tila isang barkong papalubog at ang mga kaganapan sa paligid ay hindi na kanais-nais, tayo ay may pastol na siyang kasama natin "bagaman [tayo'y] lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan" (Awit 23). Gayon na lamang ang tuwa ni Calvin sa pagkaalam ng probidensya ng Diyos at tinawag niya ito na "kaaliwan ng mga mananampalataya."


Linggo, Enero 4, 2015

Ang Natatangi Mong Kaaliwan


Panibagong taon na naman ang sa atin ay dumating. Malamang ay atin ng narinig sa iba ang mga salita ng pag-asa para sa taon na ito. Halos lahat ay humihiling ng kaginhawahan at kaaliwan para sa mga susunod na buwan.

Ano ba ang kaaliwan na ito? Marahil sabihin ng isa na ang kaaliwan ay isang bagay na napakabuti kasalungat sa anumang mga bagay na masasama. Sa pagsasaalang-alang ng kaisipang ito, ating mapapagaan ang ating mga sarili sa ating mga kapighatian. Taglay ang kaaliwang ito, tayo ay makapagtitiis ng may pagtitiyaga sa kabila ng anumang kasamaan.

Subalit, saan ba matatagpuan ang kaaliwan na ito? Karamihan sa atin ay naghahanap ng kaaliwan sa mga bagay na nakapagpapasaya sa atin o sa mga bagay na pinahahalagahan natin. Maaaring tayo ay kumukuha ng kaaliwan sa ating pamilya, mga kaibigan, sa kaluwagan ng buhay, sa ating mga yaman, sa ating mga libangan. Subalit, ang mga bagay na ito ay parang mga damo na lumalanta at lumilipas. Papaano tayo makakakuha ng aliw sa mga bagay na alam nating maaaring mawala kinabukasan?

Nagsimula ang katesismong Heidelberg sa mga salita ng kaaliwan (Araw ng Panginoon 1). Ating pansinin ang sagot sa unang tanong ng katesismong ito: ang ating kaaliwan ay matatagpuan sa katotohanan na "hindi [natin] pag-aari ang [ating mga] sarili, sa halip, [tayo] ay pag-aari, sa katawan at kaluluwa, sa buhay at sa kamatayan, ng [ating] tapat na Tagapagligtas na si Hesu-Kristo." Tayo ay hindi ng ating mga sarili subalit tayo ay kay Kristo (1 Corinto 6:20; 7:23). Hindi lamang ito basta kaaliwan o isa sa mga bagay na makapagbibigay-aliw, bagkus, ito ay ang siyang natatanging kaaliwan nating mga mananampalataya sa buhay na ito at sa parating pa.

Tunay nga na ang buod ng ating kaaliwan ay nasa kaalaman na tayo ay kabahagi ni Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya, at sa pamamagitan din Niya, tayo ay naipagkasundo at inibig ng Diyos na siyang nagligtas at nangangalaga sa atin.

Dahil sa “binayaran Niya ng buo ang lahat ng [ating] mga kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang dugo,” tayo ay hindi na kaaway ng Diyos. Dating mga “anak ng kapootan” (Efeso 2:3), tayo ngayon ay kinupkop Niya upang maging kaniyang mga anak sa pamamagitan ni Kristo at ngayon ay may katiyakan ng kapatawaran ng mga kasalanan (Efeso 1:5).

Hindi lang tayo ipinagkasundo,“pinalaya Niya rin [tayo] sa lahat ng kapangyarihan ng Diyablo” kung kaya’t ang kasalanan, kamatayan, at si Satanas ay wala ng kapangyarihan sa atin (Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8).

Hindi lamang iyan, sa pang-araw araw ay patuloy na “iniingatan Niya rin [tayo] sa pamaraang kung walang pahintulot ng [ating] Amang nasa langit ay walang malalaglag kahit isang buhok mula sa [ating mga] ulo. Tunay na ang lahat ng bagay ay magkakatugma-tugma para sa [ating] kaligtasan.” Tayo ay minamatyagan Niya sa ilalim ng mapagpatnubay na gabay at nakatitiyak tayo na sa kabila ng mga pagdurusa sa "lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya" (Roma 8:28).

At narito ang ganap na kaaliwan natin — “sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ay binibigyan rin Niya tayo ng katiyakan ng buhay na walang hanggan.” Tayo ay may lubos na katiyakan na tayo ay mga tagapagmana at benepisyaryo ng lahat ng mga mabubuting bagay, tulad ng pananampalataya at ang lahat ng biyaya na nakapaloob sa ating kaligtasan. Ang Banal na Espiritu ang nagkintal sa ating mga puso sa pamamagitan ng kaniyang Mabuting Balita kung sa gayon, wala tayong agam-agam na tayo ay pagmamay-ari ni Kristo at lubusang ipinakatatangi ng Diyos.

Sa kaalaman ng mga bagay na ito at pagkakaroon ng “pusong sumasang-ayon at handa”, sinabi ni John Calvin sa kanyang Institutes of the Christian Religion (3.7.1) kung papaano tayo “mamumuhay mula ngayon para sa Kanya":
“Tayo ay hindi sa ating mga sarili, nawa’y huwag sanang pamahalaan ng ating katwiran at kalooban ang ating mga plano at gawa. 
Tayo ay hindi sa ating mga sarili: nawa’y  huwag nating gawing layunin na mithiin ang mga bagay na naaangkop para sa atin ayon sa laman. Tayo ay hindi sa ating mga sarili: sa gana ng ating makakaya, nawa’y limutin natin ang ating mga sarili at ang lahat ng bagay na sa atin. 
Sa kabaligtaran, tayo ay sa Diyos: samakatuwid, tayo ay mamuhay para sa Kanya at mamatay para sa Kanya. Tayo ay sa Diyos: nawa’y ang kanyang karunungan at kalooban ang mamuno sa lahat ng ating mga kilos. Tayo ay sa Diyos: nawa’y tayo ay magsumikap sa natatanging layunin na mamuhay ng naaayon sa Kanya sa lahat ng bahagi ng ating mga buhay” (aking salin sa Tagalog).

Huwebes, Enero 1, 2015

Ang Tangi Nating Kaaliwan na Hindi Matitinag


Tayo ay may kaaliwan na hindi tayo pag-aari ng ating mga sarili, sa halip, tayo ay sa Panginoong Hesu-Kristo. Subalit, papaano nga ba nating masasabi na ang ating kaaliwan na ito ay hindi kailanman matitinag?

Tayo ay may kaaliwan na kasing-tatag ng kahit na anumang moog na naitayo, na hindi mapaparam ng kamatayan ni kahit anuman, sapagkat “mabuhay man tayo o mamatay, tayo’y sa Panginoon” (Roma 14:8). At “sino ba ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?” Wala. Wala. Wala (Roma 8:25-39).

Ngunit sa buhay na ito, patuloy na nanunukso at sumasalungat ang ating kaaway – ang diyablong si Satanas. Sa kanyang komentaryo ng Katesismong Heidelberg, nagbigay ng mga sagot si Zacharias Ursinus laban sa pag-aakusa nito.

“Ikaw ay isang makasalanan.”

At narito, ang aking tanging kaaliwan ay sumasagot – binayarang lubos ni Hesu-Kristo ang aking mga pagkakasala, at Kanya niya akong tinubos sa pamamagitan ng Kanyang mahalagang dugo, kaya’t hindi na ako pag-aari ng aking sarili bagkus ako ay sa Kanya na.

“Subalit ikaw ay isang anak ng kapootan at isang kaaway ng Diyos.”

Sagot: Ako nga, sa katunayan, ay ganyan sa aking kalikasan at bago ng aking pakikipagsundo sa Kanya, subalit ako ay naipagkasundo na sa Diyos at natanggap na sa Kanyang kalugdan sa pamamagitan ni Kristo.

 “Subalit ikaw ay siguradong mamamatay.”

Sagot: Inihango ako ni Kristo mula sa pagkakasakop ng kamatayan at nalalaman ko na dahil sa Kanya ako ay napalaya mula sa sumpa ng kamatayan patungo sa buhay na walang-hanggan.

     “Subalit maraming mga kapighatian ay sa iyo, o ikaw na matuwid, darating sa buhay na ito.”

Sagot: Gayon nga, subalit ako ay ipinagsasanggalang at kinukupkop ng aking Panginoon at ginagawa Niya ang lahat ng mga bagay na ito na maipagtugma-tugma para sa aking ikabubuti.

 “Subalit papaano kung ikaw ay mawala sa grasya ni Kristo? Sapagkat maaari kang magkasala, at mapanghinaan ng loob, sapagkat ang daan na patungo sa Langit ay mahaba at mahirap."

Sagot: Hindi lamang ipinagkaloob ni Kristo sa akin ang lahat ng Kanyang natamong mga biyaya, Kanya rin akong pinapanatili sa ilalim nila at binibigyan ako ng kasigasigan nang hindi ako mapanghinaan ni mahulog mula sa Kanyang grasya.

 “Ngunit paano kung ang kanyang grasya ay hindi pumaabot sa iyo, at ikaw ay hindi kasama sa bilang ng mga taong kabilang sa Panginoon?”

Sagot: Ngunit alam ko na ako ay kabilang sa lawig ng Kanyang grasya at ako ay kay Kristo, dahil ang Banal na Espiritu ay nagbibigay-saksi sa aking espiritu na ako ay isang anak ng Diyos at mayroon akong tunay na pananampalataya, sapagkat ang pangako ay para sa lahat ng sumasampalataya.

“Ngunit papaano kung ang iyong pananampalataya ay hindi pala tunay?”

Sagot: Alam ko na mayroon akong tunay na pananampalataya dahil mayroon akong budhi na may kapayapaan sa Diyos at may taos-pusong pagnanais at kagustuhan na manampalataya at sumunod sa Panginoon.

“Ngunit ang pananampalataya mo ay mahina at hindi lubos ang iyong pagsisisi.”

Sagot: Mahina man at hindi lubos, gayunpaman, ito ay tunay at walang pakunwari, at ako ay may katiyakan na  “sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay” “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!” (Lucas 19:26; Marcos 9:24)

Ito ang kaaliwan nating mga Kristiyano, ang kaaliwang hindi matitinag: na sa kabila ng mga kahirapan sa mundong ito,  si Kristo, at ang lahat ng Kaniyang mga biyaya, ay natatamo natin. Tayo ay mga tunay na anak ng Diyos.