Lunes, Hunyo 15, 2015

Kunin at Basahin: The Confessions of St. Augustine


“Ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang sa sila ay makapahinga sa Iyo.” – Augustine

Pamilyar na pamilyar sa atin ang mga salitang ito mula sa bantog na aklat na “The Confessions of St. Augustine” anupamat kayang-kaya nating sambitin ang mga linyang ito mula sa memorya ng napakadali. Subalit, sino nga ba sa atin ang tunay na nakapagbasa na o nakakaalam ng iba pa niyang mga sinabi sa aklat na iyon?

Sa puntong ito, tingnan muna natin ang isang maikling introduksyon upang ating makilala ang may-akda. Si Aurelius Augustinus, o mas kilala sa tawag na Augustine of Hippo, ay ipinanganak sa bayan ng Thagaste na ngayon ay isang lugar (Souk Ahras) na malapit sa silanganang bahagi ng bansang Algeria ngayon. Sa kapanahunan niya, ang pook na ito ay isa sa mga naging lugar na kung saan may pagkakahalo ng kultura ng iba’t ibang mga grupo –ang mga Griyego, Romano, at maging mga Hudyo ay minsan nang nakipagkalakalan, o nanakop, sa mga lupain dito.  Sa ganitong uri ng kapaligiran, siya ay lumaki sa isang pamilya na may pulitikal at relihiyosong pagkakakilanlan: ang kaniyang ama na si Patricius ay isang konsehal habang ang kaniyang inang si Monnica ay kilala sa mga Kristiyanong pamayanan sa lugar na iyon.

Lumaki ang batang si Augustine ng may angkin na katalinuhan. Sa kaniyang murang edad ay nakakitaan na siya ng potensyal. Sa edad na labing-isa, siya ay ipinadala sa Romanong lungsod ng Madaurus, tinaguriang kuta ng paganismo noong panahon na iyon, upang mag-aral ng Latin at ng mga paganong literatura at maaaring doon ay nakapagbasa siya ng ilang mga gawa ng mga pilosopong si Plato at Cicero. Bumalik siya sa kanila dahil sa kakulangan ng ipansasapat sa mga gastusin subalit may nag-alok ng suporta upang makapag-aral siya sa mga paaralan ng retorika sa Carthage.

Mababasa sa kaniyang aklat na siya ay nasadlak sa karumihan sa kaniyang pamamalagi sa Carthage. Siya ay naging mapusok sa mga kababaihan na siyang humantong sa pagkakaroon ng anak na labas sa kasal. Sa panahon ring iyon ay naging kasapi siya sa isang grupo na tinatawag na mga Manichaean. Hindi naglaon ay nabighani naman siya sa mga pilosopiya ng mga Griyego, partikular ng kay Plotinus.

Pumunta siya sa Roma upang magturo, sapagkat ang mga kabataan sa Carthage ay mga madadaya na hindi nagbabayad ng pasahod para sa kaniyang serbisyo, at dito ay nagsimulang umusbong ang kaniyang kaalaman tungkol sa pananampalatayang Kristiyano sa impluwensya ng obispo ng Milan na si Ambrose.

Patuloy na binagabag ng kaniyang mga sariling kaisipan si Augustine, siya ay nawalan ng kapahingahan. Ngunit dahil sa probidensiya ng Panginoon, sa rurok ng kaniyang pagkabalisa at kalasingan, kaniyang narinig ang tinig ng isang bata na nagsasabing “Kunin mo at ikaw ay magbasa. Kunin mo at ikaw ay magbasa.” Binuklat niya ang Bibliya na nasa kaniyang tabi at nabasa roon ang mga salita na nasa Roma 13:13-14: “Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho. Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.” Sinabi niya na matapos niyang basahin ang naturang teksto ay nakadama siya ng kapayapaan sa kaniyang puso at ang kadiliman ng pag-aalinlangan ay naiwaksi (Confessions, 8.12.19).

Siya ay binautismuhan ni Ambrose noong Pasko ng Pagkabuhay, taong 387. Naging isa siyang mahusay na tagapagturo at tagapagtanggol ng pananampalataya laban sa mga Manichaean, na dating mga kasamahan niya, sa mga Donatist na nagtuturo na hindi dapat magbautismo o bautismuhan at tanggapin sa iglesya ang mga dating tumiwalag dahil sa malawakang pag-uusig, at sa mga Pelagian na nagtuturong ang tao, sa kaniyang pagkahulog, ay likas na nanatiling walang kasalanan. Siya ay itinalaga bilang Obispo ng Hippo Regius sa hilagang Aprika noong 395.

Nasaksihan ni Augustine ang unti-unting pagbagsak ng Roma sa kamay ng mga barbaro na siyang nag-udyok sa kaniyang isulat ang “City of God.” Namatay si Augustine habang ang mga manlulupig na mga Vandal ay nananalakay sa bayan ng Hippo. 

Hindi matatawaran ang kaniyang ginawang serbisyo para sa iglesya na maging parehong sangay ng Romano Katolisismo at Protestantismo ay nakikinabang sa impluwensya ng kaniyang mga naisulat.

Ngayon, tayo ay tutungo sa mismong akda. Ito ay nasa anyong patalambuhay, siya nga, isang paglalahad ng sariling karanasan. Sa kaniyang mga pagtatapat ng kasalanan, inisa-isa ni Augustine ang mga ito, maging intelektuwal man o moral na pagkakasala laban sa Diyos. Kabilang na riyan ang mga pagkakasala ng pagsunod sa layaw ng katawan, ng kayabangan at ambisyon, ng pagpapakasasa at kawalang-kabuluhan, ng kawalang-pasasalamat, ng pananakit sa kapwa, pandaraya, at pagsisinungaling. Isinulat niya maging ang kaniyang mga maling paniniwala na inakala niyang tunay na karunungan. Kahit na pagmamalabis man kung maituturing, wala atang sinuman ang kasingtapat sa pag-amin ng mga kasalanan na tulad ng ginawa ni Augustine sa pagsulat nito (maging ang kaniyang pag-aamin at pagsusumikap na magbago ay kaniyang itinanong kung may bahid ba ng pagkakasala ng pagkamayabang o pagtitiwala-sa-sarili!).

Ayon sa isang Romano Katolikong teologo na si John K. Ryan, marapat na ating pansinin ang pamagat nito upang lalong mabigyan ng halaga ang aklat na ito. Bagamat ang pag-aamin ng mga kasalanan ay ang prominenteng daloy ng aklat, hindi lamang ito ang pangunahing layunin nito. Ito rin ay isang pagsambit ng pananampalataya at awit ng papuri sa Panginoon. Ang lahat ng nalaman niya tungkol sa kaniyang sarili at sa lahat ng bagay na natagpuan niya sa kaniyang sarili ay nagpapatunay sa pag-iral ng Diyos. Ang lahat naman ng kaniyang nagawa, maging ang kaniyang mga kasalanan,  at ang lahat ng mga bagay na ginawa sa kaniya ay nagpapahayag ng kapangyarihan at probidensya ng Panginoon. Sa hindi-sana-nararapat na kahabagan ng Diyos ay kaniyang nakita at naging kaniig ang Diyos. Hindi lamang siya nagtapat ng kaniyang mga kasalanan, siya rin ay nagtapat ng kaniyang pananampalataya, pasasalamat, at papuri sa Diyos na sa kaniya ay nagligtas.

Ang mga pagbubulay-bulay sa aklat na ito, na lilitaw sa blog na ito, ay hindi isang gawa ng isang dalubhasa kay Augustine kundi ng isa lamang pangkaraniwang mambabasa na nagnanais na minahan ng ginto ang kayamanan na makikita niya sa bawat pahina nito. Samahan niyo akong "kunin at basahin" ang napakahusay na aklat na ito.

Biyernes, Hunyo 12, 2015

Kay Kristo ay May Kalayaan


Napakatamis nga ng salitang kalayaan. Hindi ba’t ang salitang ito ang nagbigay ng daan sa pagkakasulat ng maraming tula, kanta, at nobela? Hindi ba’t ang salitang ito ang naghahatid ng luha sa mga mata at ngiti sa mga labi sa bayang dati ay lugmok sa pagkaalipin? Tunay ngang kasingtamis ito ng pulot at kasing-ganda ng bukang-liwayway. Ngunit wala ng mas tatamis pa sa kalayaan na nakamit natin dahil kay Hesu-Kristo.

Anu-ano ang mga bagay na nabibilang sa kalayaang ito? Magbibigay ako ng ilang mga halimbawa mula sa hindi-mabilang na kasaganaan na mayroon ang pag-ibig ng Diyos:

Dahil kay Kristo na siyang Salitang nagkatawang-tao, ating nakilala ang Ama at tayong mga dating alipin ng kasalanan (Juan 8:34) ay nakakita ng liwanag at nalaman “ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (v. 32) sapagkat tayo ay pinalaya ng Anak (v. 36) na siyang Katotohanan mismo (Juan 14:6).

Dahil kay Kristo na siyang bugtong na Anak, tayo ay inampon upang maging mga anak ng Diyos na may kalayaang lumapit sa Kaniya sa panalangin bilang isang Ama na dumidinig sa mga panaghoy ng Kaniyang mga anak. Tayo rin ay tiwalang lubos at walang-pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito (Katesismong Heidelberg 26). “Sapagkat hindi [tayo] tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap [tayo] ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito’y tumatawag tayo, Abba! Ama!” (Roma 8:15).

Dahil kay Kristo na siyang walang kasalanan na naging kasalanan para sa atin, tayo ngayon ay napalaya sa paghahari ng kasalanan at sa pag-uusig ng kaaway. Noon tayo ay “mga patay sa [ating] mga pagsalangsang at mga kasalanan, na dati [nating] nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito” at “dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kapootan” (Efeso 2:1-3). Ngunit dahil sa kayamanan ng awa ng Diyos at sa Kaniyang pag-ibig sa atin, “binuhay Niya tayo kay Kristo” (v. 5) at sa pamamagitan ng kaniyang mahalagang dugo, tayo ay Kaniyang itinubos at pinalaya mula sa lahat ng kapangyarihan ng Diyablo upang gawing Kaniyang sariling pag-aari (Katesismong Heidelberg 34).

Dahil kay Kristo na siyang Kordero na namatay, ang kamatayan ay nalupig at tayo ay naging malaya mula sa kapangyarihan at kapighatian nito (Roma 8:1-2). Ang ating kamatayan ay hindi isang bagay na dapat katakutan sapagkat wala na itong kapangyarihan. "O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong pasakit? Ang pasakit ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (1 Corinto 15:55-57). Ang kamatayan, para sa ating mga mananampalataya, ay isa ng yugto patungo sa kaluwalhatian at sa kaligayahan ng pakikipagniig sa Diyos (Katesismong Heidelberg 42).

Dahil kay Kristo na siyang ating Punong Saserdote na patuloy na namamagitan para sa atin, tayo ay malayang "lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig" (Hebreo 10:21-22) sapagkat tayo ay mayroong pagtitiwala na makapapasok “sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buhay na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa Kaniyang laman" (v. 19-20).

Dahil kay Kristo na siyang ating katuwiran, tayo ay inaring-ganap ng Diyos at ngayon ay malayang mamuhay ng isang buhay na nakalulugod sa paningin Niya. Dahil sa ginawa ng ating Panginoon, sa Kaniya ay “makalalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kaniya” (Efeso 3:12).


Tunay nga, ngayon, “ang Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan” (2 Corinto 3:17). Samakatuwid, tayo ngayon ay “mamuhay nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag [nating] gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos” (1 Pedro 2:16).

Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Puso na Handa at Tapat, Puso na Nakahanap ng Kapahingahan



“Cor meum tibi offero, Domine, prompte et sincere”

“Inihahandog ko sa Iyo, o Panginoon, ang aking puso na handa at may katapatan.”

Makikita sa selyong ginamit ni John Calvin sa kaniyang mga sulat ang isang larawan ng kamay na may hawak na puso at itinataas ito sa langit. Nakapalibot ang mga salitang nakasulat sa itaas; isang patunay na ang mga araw niya ay kaniyang isinabuhay para lamang sa ikaluluwalhati ng pangalan ng ating Panginoon. Sa kabila ng kaguluhan sa mga panahong iyon, isabay pa ang kalagayan ng kaniyang kalusugan, siya ay nagpatuloy at hindi tumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita at pagtuturo ng Kaniyang Banal na Salita.

Isa rin sa mga higante sa pananampalataya ang nagsabi, “nilikha Mo kami para sa Iyong sarili at ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang ang mga ito ay makasumpong ng kapahingahan sa Iyo.” Ang mga layaw ng mundong ito na sa tingin ng karamihan ay makakapagpanatag sa kanilang mga puso ay naranasan ni Augustine. Katalinuhan? Ipinagkaloob siya ng magaling na kaisipan. Karangyaan? Nakamit niya ito kasabay ng kaniyang kasikatan. Kapangyarihan? Aba’y, sa kaniyang angking kakayahan at katanyagan, siya ay nakakuha ng mga tagasunod. Subalit, siya ay nakaramdam ng kalungkutan, panlulumong hindi masapatan na para bang sa mga anino siya nananakbuhan. Kaniyang natagpuan ang kapayapaan sa Panginoon, “sapagkat sa tuwing kita’y hinahangad, aking Diyos, aking hinahangad ang masayang buhay.”

Ano nga ba ang mayroon ang puso na ito na sinasabing kaniyang inaalay ng “handa at may katapatan”? Isang pusong handa na nangangahulugan na nais niyang ibigay ito ng walang anumang pag-aalinlangan o pagdadalawang-isip. Isang pusong may katapatan na ibig sabihin ay tunay at tiyak na naghahangad na paluguran ang Panginoon.

Ano pa nga ba kundi isang puso na nakahanap ng kapanatagan sa Diyos na Maylalang at Tagapanatili ng lahat ng mga bagay. Isang puso na handang ilaan ang anumang kinakailangan para sa Kaniyang kaluwalhatian. Isang puso na mapagpakumbaba at nagtitiwala sa Kaniyang Salita. Tayo ay hindi sa ating sarili, kaya’t ating iniaalay sa Diyos ang ating puso bilang isang hain na nakalulugod sa kaniya. Tunay nga! Isang pusong nakasumpong ng kapahingahan sa Panginoon!

Marapat na ating alalahanin na bagamat maituturing na bahagi ng ating "makatuwirang paglilingkod" (Roma 12:1) ang ganitong uri ng pananabik sa Panginoon, ang pangunahing pinagmulan ng ating kagalakang ito ay ang Diyos. Sa aklat ni John Calvin na Institutes of the Christian Religion (3.1.3), kaniyang sinabi na ang Banal na Espiritu ang siyang “nagpapaalab sa ating mga puso ng pag-ibig ng Diyos at ng masiglang debosyon.”  Sa “pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu,” ang sabi sa sagot sa unang katanungan ng Katesismong Heidelberg, “ay binibigyan rin Niya ako ng katiyakan ng buhay na walang hanggan” at tayo ay “ginagawa [Niyang] taus-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kaniya.”

Ang ating pagkabukal-na-puso ay nanggaling sa bukal ng kasaganaan ng grasya ng Diyos.  Tayong mga mananampalataya ay pinagkalooban ng isang binagong-puso na nakahanap ng kapahingahan, at ngayon ay isa ng puso na handa at tapat na magsilbi para sa Panginoon. Nawa’y tayo ay manampalataya kay Kristo na siyang pinagmumulan ng lahat ng biyaya at kaluwalhatian at sa Kaniya’y ating masumpungan ang tunay na kapanatagan.