Ngayong araw ng mga Bayani, maraming mga pangalan ang papasok sa ating mga isipan. Nariyan ang mga bantog na Filipino na minsan ay ipinaglaban ang ating kalayaan. Nariyan din ang mga tanyag na taguri sa kanila, ang "Supremo," "Gat," atbp. Nakakabit sa kanilang pangalan ang dangal na inihatid ng kanilang mga nagawa.
Ngunit, ano nga ba ang nasa pangalan ng isang tao? Malamang ay nakakita na kayo ng mga aklat na may listahan ng mga pangalan na ibinibigay sa mga bagong-panganak na sanggol. Ang aking magulang ay pinangalanan akong Ryan na nangangahulugang "maliit na hari". Nakatutuwang isipin na tanging ang pagiging maliit lamang ang aking nakuha sa kahulugan ng pangalan kong iyon.
Sa Bibliya, makikita natin ang kahalagahan ng pangalan na ibinibigay ng Diyos ayon sa kabuuan ng kasaysayan ng Kaniyang kaligtasan. Nariyan ang manunugis na si Saulo na naging ang apostol na si Pablo na siyang ginamit ang Griyegong katumbas ng kaniyang pangalan para sa kaniyang pangangaral ng Mabuting Balita sa mga Hentil. Sino rin nga ba ang makakalimot kay Abram (na sa wikang Semitiko ay nangangahulugang “iginagalang na ama”) na siyang naging Abraham na nangangahulugang “ama ng maraming bansa” (Genesis 17:5)? Alalahanin din na si Jacob na “mandaraya” ay siyang naging si Israel na “nakipagtagumpayan sa Diyos” (Genesis 32:27-28). Hindi rin mawawaglit sa isipan si Josue na siyang naging pinuno ng Israel pagkamatay ni Moises at siya ring naghatid sa bayang ito patungo sa ipinangakong lupa sa Canaan. Ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “si Yahweh ay ang kaligtasan.” Pansinin na siya ay isang larawan na nagtuturo sa Isa, na siyang magiging kaligtasan ng sinumang mananampalataya sa Kaniya—ang ating Panginoong si Hesus.
Subalit huwag lamang tayo basta tumingin sa pagpapakahulugan ng pangalan bagkus ating ituon ang ating pansin sa Kaniyang gagampanan. Sa isang gabi, sinabi ng anghel kay Jose, na asawa ni Maria, “Siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Hesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:21).
Kung Siya lamang ang ating natatanging Tagapagligtas (Gawa 4:12, Juan 3:18, 1 Juan 5:11, 1 Timoteo 2:5 Isaias 43:11), marapat ba na tayo ay maghanap pa sa iba ng kaligtasan? May iilan na nagsasabing kanilang niluluwalhati ang Panginoong Hesus bilang Tagapagligtas subalit ibinabaling pa ang kanilang sarili sa mga santo, sa salaping-kaloob sa simbahan, sa mga gawa, sa mga pag-aayuno, pagdarasal, at pagbibigay ng tulong sa iba. Ating maitatanong kung tunay nga ba silang nananalig ng lubusan sa Kaniya bilang Tagapagligtas. Sa kabilang panig, tayo naman ay makakasagot ng oo! Tunay nga at Siya lamang natatangi!
Nakakatuwa na nakakalungkot ding isipin na marami sa atin na kapag narinig ang pangalang Hesu-Kristo, naniniwala sila na ang salitang “Kristo” ay ang kanyang apelyido na kung papaanong naniniwala rin ang ilan na ang "Caesar" sa dulo ng pangalan ni Augustus o ni Julius ay kanila ring mga apelyido. Ang pagpapakahulugan ng salitang Griyego na "Christos" (kung saan nakuha ang Tagalog na Kristo) ay makikita natin sa Lumang Tipan pa sa kahambing nitong salita sa Hebreo—"Messiah" o sa katumbas nito sa Tagalog na "ang Pinahiran".
Pinahiran? Anong ibig sabihin ng pinahiran? Noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga may mahahalagang tungkulin ay pinapahiran ng langis sa kanilang pagkakatalaga. Nariyan ang unang hari ng Israel na si Saulo na siyang pinahiran ng langis ng propetang si Samuel (1 Samuel 10:1) at gayundin ang tanyag na si Haring David (1 Samuel 16:13). Sa ganitong kaparaanan, ipinapakita ng Diyos na ang hari ng Israel ay Kaniyang pinili at biniyayaan. Makikita rin natin na ang mga saserdote at ang mga propeta ay pinahiran din ng langis sapagkat sila ay inihiwalay ng Diyos upang maging Kaniyang lingkod para sa Kaniyang layunin (Exodo 28:41, 1 Mga Hari 19:16).
Ipinangako ng Diyos sa mga Israelita ang isang Mesiyas na magliligtas sa kanila sa kanilang mga kasalanan. At ang Pinahirang ito ay mas higit pa sa mga propeta, saserdote, at hari ng Israel. Ayon sa Katesismong Heidelberg 31, siya ay tinawag na Kristo, “sapagkat Siya ay itinalaga ng Diyos Ama, at hinirang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na maging ating Punong Propeta at Guro na Siyang lubos na nagpahayag sa atin ng lihim na payo at kalooban ng Diyos tungkol sa ating katubusan; na maging ating tanging Punong Saserdote na Siyang nagtubos sa atin sa pamamagitan ng minsanang pag-alay ng Kanyang buhay bilang handog at Siyang nagpapatuloy na namamagitan para sa atin sa harapan ng Ama; at maging ating walang hanggang Hari na Siyang namamahala sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu, at Siyang nagtatanggol at nag-iingat sa atin sa katubusang tinamo Niya para sa atin.”
Si Kristo ay ang ating Dakilang Propeta (Gawa 3:22) na siyang nagpakilala sa Ama (Juan 1:18) at siyang “tunay na larawan ng kanyang likas” (Hebreo 1:3). Siya na nagpahayag at nagpakita ng kalooban ng Diyos ay siya ring nagtupad nito para sa atin.
Si Kristo ang ating Punong Saserdote (Hebreo 7:17). Ang mga saserdote ng huli ay nag-aalay ng mga sakripisyo at pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa Araw ng Pagtubos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan. Subalit si Kristo ay pumasok na sa Dakong Banal at siyang naging alay (Hebreo 9:12, 25-26). Ginawa Niya ito “minsan magpakailanman nang kanyang inihandog ang kaniyang sarili” (Hebreo 7:27) at naupo na sa kanan ng Ama at doon ay patuloy na namamagitan para sa atin (Hebreo 10:11-18).
Si Kristo ang Namumunong Hari (Mateo 21:5) at ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay sa Kaniya. Ipinagpunyagi Niya tayo bilang kaniyang bayan laban sa kamatayan at sa kasalanan. Kaniyang ipinagtatanggol at pinamumunuan tayo bilang kaniyang Iglesia sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at Espiritu.
Bilang ating Nakatatandang Kapatid na kung saan tayo ay kabahagi Niya at unti-unting hinuhubog ayon sa kanyang larawan, tayo ay gumaganap din ng katulad na mga katungkulan bilang mga Kristiyano. Ating ipinapangaral ang katotohanan sa Diyos bilang mga propeta, iniaalay natin ang ating mga buhay bilang mga saserdote, at ipinagpupunyagi natin ang pananampalataya laban sa kasalanan at sa kaaway at pinapamunuan ang buong nilikha bilang mga hari.