Nitong mga huling araw ay nawili ako sa pagkuha ng mga
litrato ng mga ulap. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na kunin ang aking
mobile phone upang kunan ng larawan ang magagandang tanawin na iyon. Sa kaniyang
komentaryo sa Mga Awit, sinabi ni John Calvin na ang “buong mundo ay ang tanghalan ng kaluwalhatian ng Diyos” na kung
saan tayo ay Kaniyang inaanyayahan upang magnilay-nilay sa Kaniyang kabaitan,
karunungan, katarungan, at kapangyarihan.
Sa unang mga salita ng Bibliya ay matatagpuan na "nang pasimula, nilikha ng Diyos ang
langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Isa sa mga pangunahing kapahayagan
ng pananampalatayang Kristiyano ang nagsimula sa linyang "Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan-sa-lahat na
lumalang ng langit at lupa" (Kredo ng mga Apostol). Ang paglalang ng
Diyos sa lahat ng bagay ay isa sa mga paniniwalang Kristiyano na ating lubusang
tinatanggap na tunay. Ang katotohanang ito ang nagsasabi sa atin na ang Diyos
na siyang Makapangyarihan-sa-Lahat ay ang panimula ng lahat ng mga bagay.
Tatlong bagay ang dapat nating isaalang-alang sa puntong
ito:
Una, ginawa ng Diyos Ama ang lahat ng mga bagay sa
pamamagitan ng Anak (Juan 1:3) at ng Banal na Espiritu na siyang sa atin ay
maylalang, at ang hininga na nagbibigay sa atin ng buhay (Genesis 1:2; Job
33:4).
Pangalawa, nilikha Niya
ang lahat ng bagay "ex nihilo," o sa ating wika ay "galing
sa wala," sa pamamagitan lamang ng Kaniyang makapangyarihang Salita, sa loob ng anim na
araw at ang lahat ng ito ay mabuti.
At panghuli, ang paglikha ng lahat ng mga bagay, nakikita
at di-nakikita, ay ginawa ng Diyos bilang isang malayang gawa, ayon lamang sa
kaniyang pasiya at kalooban (Efeso 1:11; Apocalipsis 4:11); sapagkat hindi Niya
kinakailangan ang anumang mga bagay. taliwas ito sa sinasabi ng karamihan na
nilikha Niya ang sanlibutan dahil sa malungkot Siya o kaya’y nakita Niya na
mamahalin siya ng mga taong lilikhain niya.
Subalit kung papaano ang mundo at ang kaayusan nito ay
hindi basta na lamang umusbong sa gana nitong sarili, hindi rin nito kayang
panatilihin ang sarili. Mabuti na ating isaisip na ang buong kinapal ay hindi
bahagi ng Diyos at umiiral na kaiba sa Kaniya (kontra sa pantheism na nagtuturong
ang Diyos ay ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay Diyos). Subalit ito ay
hindi magpapatuloy sa pag-iral na hiwalay sa mga kamay Niya (kontra sa deism na
nagtuturong ang Diyos ay nilikha ang lahat ng bagay at iniwanan na lamang ito
sa gana nitong sarili).
Ang ating Diyos, na hindi katulad sa kalimitang ginagamit
na analohiya patungkol sa pag-iral ng Diyos na maylikha ng relo na iniwan sa
lansangan, ay hindi basta na lamang iniwanan ang Kaniyang nilikha bagkus ay
patuloy na kumikilos at umaalalay para sa pagpapanatili nito. Ating makikita sa
Banal na Kasulatan na sa kaniyang pangangalaga, ang Diyos ay patuloy na
pinapanatili at nahahawakang sama-sama ang lahat ng mga bagay (Awit 136:25;
145:15; Nehemias 9:6; Gawa 17:28; Colosas 1:17; Hebreo 1:3).
Kung sa gayon, papaano ba kumikilos ang Diyos? Siya ba ay
kumikilos ng tuwiran? Hindi sa lahat ng pagkakataon, kadalasan ay gumagamit
Siya ng mga di-tuwirang kasangkapan (o sa Ingles ay tinatawag na "secondary
causes"). Pinapakilos ng Diyos ang lahat ng mga bagay at pangyayari ayon
sa Kaniyang kalooban (Deuteronomio 8:18; Awit 104:20, 21,30; Amos 3:6; Mateo
6:45; 10:29; Gawa 14:17; Filipos 2:13).
Tunay nga na ang kaalaman ng paglalang ng Diyos sa lahat
ng mga bagay galing sa wala ay naghahatid sa atin ng kaaliwan. Bakit? Sapagkat
kung Kaniyang nagawa ang lahat gamit ang Kaniyang kapangyarihan, kaya rin
Niyang panatilihin tayo at pakaingatan laban sa masasama. Sa katulad na kadahilanan,
ang kaalaman naman ng pangangalaga ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan
na ang lahat ng mga bagay ay nasa ilalim ng mapatnubay at mapag-arugang mga
kamay ng ating Ama. Ang Diyos na siyang Maylalang ng lahat ng mga bagay at
siyang Tagapanatili nito ay siya ring lumikha sa atin at Siya ring naging ating
Ama na sa atin ay nagmamalasakit. Dahil kay Kristo, tayo ay inampon Niya bilang
isang anak at nakatanggap ng "espiritu
ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba, Ama!"
(Roma 8:15).
Sa Kaniya, tayo ay tiwalang lubos kung kaya’t wala tayong
pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng
ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang
pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito. Makatitiyak
tayo na kaya Niyang gawin ito dahil Siya ay ang makapangyarihang Diyos at nagnanais
Siya na gawin ito dahil sa Siya’y isang matapat na Ama (Katesismong Heidelberg
26).
Ating purihin ang Diyos na siyang Maylalang sa karingalan
ng kanyang mga gawa (Awit 104)! Papuri sa ating "Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at
tayo'y para sa kaniya, at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo, na sa
pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya"
(1 Corinto 8:6)!
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento