Huwebes, Mayo 21, 2015

Ang Natatanging Layunin ng Teolohiya



Panandalian ka munang mag-isip sa pagkakataong ito.

Ano ang dahilan mo upang mag-aral ng teolohiya?

Sana’y maging tapat ka sa isasagot mo.

Ikaw ba ay nagsusumikap upang masapatan ang anumang sa tingin mo ay kakulangan sa iyong sarili? Ikaw ba ay nagnanais na makisabay o kaya’y malamangan ang isa na sa tingin mo ay mas magaling sa iyo? Ikaw ba ay naglalayon dito para gumawa ng pangalan? Upang humusay sa pakikipagtalastasan? Upang umani ng papuri sa iba?

O kaya marahil ikaw ay naghahanda upang makapagbigay ng sagot sa sinumang magtatanong (1 Pedro 3:15)? O kaya’y gusto mong maging mas mahusay na tagapagsilbi para sa ikalalago ng iglesya? O kaya’y ikaw ay nagnanais na ibigay sa Diyos ang kaukulang karangalan para sa Kaniya?

Kung ikaw ay naniniwala na ang kasalanan ay nananatiling mapanlinlang sa isang mananampalataya, malamang ay sasabayan mo ako sa pagbigkas ng "Oo" bilang sagot sa mga naunang tanong.

Subalit sa kabilang banda naman ay ang katotohanang tayo ay tinubos ni Kristo mula sa kasalanan at ng dahil sa Kaniya, tayo ay hindi na nasa ilalim ng paghahari nito. Tayo ay binagong-puso at patuloy na pinapabanal sa tulong ng Banal na Espiritu na siyang nagpapakilos sa atin. Narito ang Mabuting Balita na nagsasabi sa atin na sa halip na tayo ay mawalan ng pag-asa at patuloy na magtaka kung tayo ba ay nagagalak sa Kaniya, tayo ay may kompiyansang makalalapit sa Kaniya.

Subalit ano nga ba ang layunin ng teolohiya?

Ating balikan ang sagot sa unang tanong ng Katesismong Westminster: ano ang pangunahing layunin ng tao? Ang pangunahing layunin ng tao ay ang papurihan at kagalakan ang Diyos magpasawalang-hanggan.

Ngunit, ano ang koneksyon nito sa ating pagtahak ng pagsulong sa karunungan na patungkol sa Diyos? Ang lahat ng ating ginagawa at gagawin ay marapat na nakatuon sa ating pinakalayon. Samakatuwid, ang ating paglago sa kaalaman ay para sa pagluwalhati at pagkagalak sa Kaniya.

Narito ang sinabi ni John Calvin sa kaniyang Institutes of the Christian Religion (1.2.1): Ang kaalaman patungkol sa Diyos ay “hindi lamang para ating maisip na mayroong isang Diyos subalit upang atin ding maunawaan kung ano ang kapakinabangan nito sa atin upang maglaan ng kaaya-ayang mga bagay para sa kaluwalhatian Niya.”

Kung papaanong sinabi ni Thomas Aquinas na ang teolohiya ay “nagtuturo tungkol sa Diyos, itinuturo ng Diyos, naghahatid patungo sa Diyos,” sinabi rin ni Calvin na hindi natin dapat sabihin na nakilala ng isa ang Diyos (o natuto patungkol sa Kaniya) kung walang kaangkop na pamumuhay para sa Kaniya. Sinasabi niya rito na anuman ang ating malaman patungkol sa Kaniya ay para sa ating paglilingkod sa Kaniya. Maaari tayong maging sabik o uhaw sa mga bagay na ito pero manatiling matamlay sa pagsamba sa Kaniya at sa pagmamahal sa kaniyang iglesya. Ayon kay Calvin, hindi maaari ito, sapagkat ang tunguhin ng teolohiya ay hindi kaalaman lamang subalit pagsamba sa Diyos.

Hindi ba’t ito ang ating makikita sa apostol na si Pablo? Kung ating titingnan ang kaniyang liham para sa mga taga-Roma, na itinuturing ng ilan bilang ang kaniyang “systematic theology,” parehong mensahe ang ating makukuha. Matapos na siya ay magbitaw ng sunod-sunod na mga kaalaman patungkol sa Diyos, sa tao, at sa kaniyang kaligtasan sa naunang labing-isang kabanata, hinikayat ng apostol sa mga mananampalataya na “ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod” (Roma 12:1) alang-alang sa mga nalaman nila patungkol sa Diyos.

At sa mga naunang mga talata ay napasambit siya ng papuri sa Diyos: “O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kaniyang mga daan! Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? O sino ang kaniyang naging tagapayo? O sino ang nakapagbigay na sa kaniya, at siya’y mababayaran? Sapgkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at para sa kaniya ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen” (Roma 11:33-36). Ang ating kaalaman ay inihahatid tayo sa pagpuri sa Kaniya!

Nawa'y sa ating paglago sa kaalaman sa ating Panginoon, ating isapuso ang tinuran ni William Ames, isang Puritan: "ang teolohiya ay nagtuturo sa atin na mamuhay para sa Diyos."

Biyernes, Mayo 15, 2015

Siya na Lumalang, Siya na Ating Ama



Nitong mga huling araw ay nawili ako sa pagkuha ng mga litrato ng mga ulap. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na kunin ang aking mobile phone upang kunan ng larawan ang magagandang tanawin na iyon. Sa kaniyang komentaryo sa Mga Awit, sinabi ni John Calvin na ang “buong mundo ay ang tanghalan ng kaluwalhatian ng Diyos” na kung saan tayo ay Kaniyang inaanyayahan upang magnilay-nilay sa Kaniyang kabaitan, karunungan, katarungan, at kapangyarihan.

Sa unang mga salita ng Bibliya ay matatagpuan na "nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Isa sa mga pangunahing kapahayagan ng pananampalatayang Kristiyano ang nagsimula sa linyang "Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan-sa-lahat na lumalang ng langit at lupa" (Kredo ng mga Apostol). Ang paglalang ng Diyos sa lahat ng bagay ay isa sa mga paniniwalang Kristiyano na ating lubusang tinatanggap na tunay. Ang katotohanang ito ang nagsasabi sa atin na ang Diyos na siyang Makapangyarihan-sa-Lahat ay ang panimula ng lahat ng mga bagay.

Tatlong bagay ang dapat nating isaalang-alang sa puntong ito:

Una, ginawa ng Diyos Ama ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng Anak (Juan 1:3) at ng Banal na Espiritu na siyang sa atin ay maylalang, at ang hininga na nagbibigay sa atin ng buhay (Genesis 1:2; Job 33:4).

Pangalawa, nilikha Niya  ang lahat ng bagay "ex nihilo," o sa ating wika ay "galing sa wala," sa pamamagitan lamang ng Kaniyang  makapangyarihang Salita, sa loob ng anim na araw at ang lahat ng ito ay mabuti.

At panghuli, ang paglikha ng lahat ng mga bagay, nakikita at di-nakikita, ay ginawa ng Diyos bilang isang malayang gawa, ayon lamang sa kaniyang pasiya at kalooban (Efeso 1:11; Apocalipsis 4:11); sapagkat hindi Niya kinakailangan ang anumang mga bagay. taliwas ito sa sinasabi ng karamihan na nilikha Niya ang sanlibutan dahil sa malungkot Siya o kaya’y nakita Niya na mamahalin siya ng mga taong lilikhain niya.

Subalit kung papaano ang mundo at ang kaayusan nito ay hindi basta na lamang umusbong sa gana nitong sarili, hindi rin nito kayang panatilihin ang sarili. Mabuti na ating isaisip na ang buong kinapal ay hindi bahagi ng Diyos at umiiral na kaiba sa Kaniya (kontra sa pantheism na nagtuturong ang Diyos ay ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay Diyos). Subalit ito ay hindi magpapatuloy sa pag-iral na hiwalay sa mga kamay Niya (kontra sa deism na nagtuturong ang Diyos ay nilikha ang lahat ng bagay at iniwanan na lamang ito sa gana nitong sarili).

Ang ating Diyos, na hindi katulad sa kalimitang ginagamit na analohiya patungkol sa pag-iral ng Diyos na maylikha ng relo na iniwan sa lansangan, ay hindi basta na lamang iniwanan ang Kaniyang nilikha bagkus ay patuloy na kumikilos at umaalalay para sa pagpapanatili nito. Ating makikita sa Banal na Kasulatan na sa kaniyang pangangalaga, ang Diyos ay patuloy na pinapanatili at nahahawakang sama-sama ang lahat ng mga bagay (Awit 136:25; 145:15; Nehemias 9:6; Gawa 17:28; Colosas 1:17; Hebreo 1:3).

Kung sa gayon, papaano ba kumikilos ang Diyos? Siya ba ay kumikilos ng tuwiran? Hindi sa lahat ng pagkakataon, kadalasan ay gumagamit Siya ng mga di-tuwirang kasangkapan (o sa Ingles ay tinatawag na "secondary causes"). Pinapakilos ng Diyos ang lahat ng mga bagay at pangyayari ayon sa Kaniyang kalooban (Deuteronomio 8:18; Awit 104:20, 21,30; Amos 3:6; Mateo 6:45; 10:29; Gawa 14:17; Filipos 2:13).

Tunay nga na ang kaalaman ng paglalang ng Diyos sa lahat ng mga bagay galing sa wala ay naghahatid sa atin ng kaaliwan. Bakit? Sapagkat kung Kaniyang nagawa ang lahat gamit ang Kaniyang kapangyarihan, kaya rin Niyang panatilihin tayo at pakaingatan laban sa masasama. Sa katulad na kadahilanan, ang kaalaman naman ng pangangalaga ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan na ang lahat ng mga bagay ay nasa ilalim ng mapatnubay at mapag-arugang mga kamay ng ating Ama. Ang Diyos na siyang Maylalang ng lahat ng mga bagay at siyang Tagapanatili nito ay siya ring lumikha sa atin at Siya ring naging ating Ama na sa atin ay nagmamalasakit. Dahil kay Kristo, tayo ay inampon Niya bilang isang anak at nakatanggap ng "espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba, Ama!" (Roma 8:15).

Sa Kaniya, tayo ay tiwalang lubos kung kaya’t wala tayong pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito. Makatitiyak tayo na kaya Niyang gawin ito dahil Siya ay ang makapangyarihang Diyos at nagnanais Siya na gawin ito dahil sa Siya’y isang matapat na Ama (Katesismong Heidelberg 26).


Ating purihin ang Diyos na siyang Maylalang sa karingalan ng kanyang mga gawa (Awit 104)! Papuri sa ating "Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kaniya, at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya" (1 Corinto 8:6)!

Lunes, Mayo 11, 2015

Ang Hangarin ng Isang Manunulat



“Itinuturing ko ang aking sarili na kabilang sa mga nagsusulat habang sila ay natututo at natututo habang sila ay nagsusulat.” — Augustine

Kamakailan lamang ay nakatanggap ang may-akda ng blog na ito ng ilang mga mabubuting komento patungkol sa mga nakasulat dito. Ang mga ganitong bagay, hindi-inaasahan at napakapayak man kung maituturing, ay nakakataba ng puso at nakakapaghatid ng kagalakan sa isa. Siya ngayon ay nagsulat upang magsilbing pasasalamat sa mga mambabasa at pagpapanumbalik sa hangarin na mayroon siya noon.

Sa puntong ito, dalawang bagay ang nais niyang sabihin. Tunay nga na may panganib sa mga papuri na galing sa ibang tao ngunit ito ay dahil sa kalabisan at kasinungalingan ng ilan, at sa pagiging mapanlinlang ng ating mga puso. Subalit, ang pag-abuso sa isang bagay ay hindi dahilan upang iwaksi natin ang tamang paggamit nito.

Hindi ba’t may lugar ang pagsasambit ng mabubuting bagay patungkol sa isa? (Kawikaan 27:2; Roma 14:19; 1 Tesalonica 5:11). Hindi ba’t ang mga Reformers ay nagbigay ng kani-kaniyang mga komendasyon para sa isa’t-isa?

Hindi rin masama ang magsulat ng mga bagay na patungkol sa sarili maliban lamang kung ito ay para lamang sa sariling kaluwalhatian. Hindi ba’t si apostol Pablo ay nagbanggit ng mga bagay na patungkol sa kaniyang sarili sa kaniyang mga liham? Hindi ba’t ang mga paborito nating mga may-akda ay nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa kanilang mga aklat? Sino nga ba ang hindi pa pamilyar sa Confessions ni Augustine? Nawa’y ang pagmumuni-muni na ito ay magkaroon ng kabuluhan sa mambabasa.

Maraming mga bagay pa ang maaaring mabanggit patungkol sa mga ito subalit ang mga iyon ay nangangailangan ng hiwalay na mga blog entry.

Nang dahil sa mga mabubuting puna na nanggaling sa ilang mga kapatid, kaniyang binalikan ang blog na ito. Isa sa mga layunin ng pagkakatatag ng blog na ito ay maihatid ang pananampalatayang Kristiyanismo sa wikang naiintindihan ng nakararami sa lugar na ito. Ang pagnanais na ito ay nagmula sa kaniyang karanasan bilang isang dating mag-aaral ng mga Saksi ni Jehovah bago siya naging Kristiyano sa isang megachurch. Nakita niya kung papaanong lubos na mabisa ang paghatid ng kaalaman sa pananalitang alam ng payak na mamamayan. Alam natin na hindi lahat ay may kakayahang makaunawa sa Ingles, at maging tayo man minsan ay nagkukulang sa pagkaunawa sa ilang mga bagay. Dala na rin marahil ng pagkasabik sa pamamahagi ng salita ng Diyos sa kaninuman ang nagbigay ng inspirasyon sa kaniya.

Tunay nga na isa itong malaking tunguhin at hindi rin biro ang maisalin ang ilan sa mga isinulat ng mga banyagang mga kapatid sa pananampalataya ng hindi nawawala ang kanilang pakahulugan at intensyon.

Nakalulungkot isipin na, sa paglipas ng mga araw, ang tunguhing ito ay nakalimutan ng may-ari ng blog na ito. Dalawang bagay ang dahilan, una ay ang kawalan ng panahon. Pangalawa ay ang pagkatakot na walang nagbabasa ng kaniyang mga kinatha.

Subalit ang mga komento ng ilang mga kapatid ay siyang kahit papaano ay nagsilbing patunay na may iilan na tumangkilik sa kung anuman ang maihahandog ng blog na ito. Naalala rin ng may-akda na siya rin ay minsang nakatagpo ng isang blog article na hindi naman gaano kasikat subalit iyon ang naging daan upang siya ay mabigyan ng introduksyon sa mga bagay na pinanampalatayanan niya ngayon. Tayo ay hindi gumagawa ng mga bagay para sa Diyos para sa ikatatanyag natin subalit para sa ikaluluwalhati ng Pangalan Niya.

Lalong nagpatibay sa kaniya ay ang pagkatuklas na hindi lamang siya ang nagkaroon ng ganoong suliranin. Bagama’t hitik ang kaniyang panulat, minsan na ring nahirapan ang bantog na Protestante na si John Calvin sa kaniyang pagsulat. Sa aklat ni Jean François Gilmon na John Calvin and the Printed Book, kaniyang sinabi na siya [si Calvin] mismo ay nahirapang magbigay ng panahon sa pagsulat ng kaniyang mga komentaryo dahil na rin sa ilan niyang mga responsibilidad. Subalit siya ay nagpatuloy bagama't may karamdaman. Sa tawag ng pangangailangan at ng kaniyang tungkulin, higit sa lahat ay ang pagbibigay ng kaluwalhatian sa Panginoon, siya ay naglaan ng mga pagkakataon upang magpatuloy sa pagsulat. Naging inspirasyon ang Reformer na ito, na siyang “patuloy na nagbasa, at nagsulat, at nagdasal kahit na ang iba ay natutulog o kaya’y naglilibang,” ayon kay John T. McNeill; siya ay nagpagal para sa ikalalago ng iglesya at sa ikapupuri ng pangalan ng Diyos.

Magandang balikan sa puntong ito ang sinulat ni Calvin sa kaniyang liham para sa mambabasa ng Institutes of the Christian Religion, na siya ring nais ng manunulat ng blog na ito— ang kaniyang tunguhin sa pagsulat ay “ihanda at turuan ang mga [mananampalataya] sa pagbasa ng banal na Salita at lumago rito ng hindi natitisod o naliligaw ng landas.” Tulad ng kaniyang pagbati sa dulo ng liham, nais din ng manunulat na ito na ang mambabasa ay “makinabang sa lahat ng kaniyang gawa, at tulungan siya sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin sa Diyos na ating Ama.”

Tulad ng siniping kasabihan ni Augustine sa unahan ng sanaysay na ito, ang hangarin ng manunulat na ito ay ipamahagi ang kaniyang natututunan sa pamamagitan ng pagsulat at sa gayunding kaparaanan, siya ay magsumikap na matuto habang siya ay nagsusulat.

Nawa’y maging kasangkapan ng Diyos ang blog na ito, pati ang may-akda na Kaniyang mapagpakumbabang lingkod, sa pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa “buhay na walang hanggan, na [ang PANGINOON] ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo” (Juan 17:3).

Huwebes, Marso 26, 2015

Higit na Dapat Naisin Kaysa Ginto

“Ang kautusan ng PANGINOON ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng PANGINOON ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.

Ang mga tuntunin ng PANGINOON ay matuwid,

na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng PANGINOON ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.

Ang pagkatakot sa PANGINOON ay totoo at lubos na makatuwiran.

Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot at sa pulot-pukyutang tumutulo.”

Awit 19:7-11 

Huwebes, Marso 19, 2015

Sa Iyong Kanang Kamay ay mga Kasayahan Magpakailanman

“Ang PANGINOON ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
Oo, ako’y may mabuting mana.
Aking pupurihin ang PANGINOON na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinanatili ang PANGINOON sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
Kaya’t ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
Sapagkat ang aking kaluluwa sa Sheol ay di mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
Iyong ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.”

— Awit 16:5-11