Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kautusan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kautusan. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Enero 28, 2015

Ang Katarungan at Katuwiran ng Diyos


Sa nakaraang araw ng Panginoon, tuwirang sinagot ng ating Katesismo ang kabaluktutan ng kaisipan ng natural na tao: "Hindi ba’t Diyos ang dapat sisihin sapagkat ginawa Niya ang tao ng ganoong kalagayan?" Hindi! Sapagkat, itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na mabuti. Hindi maaaring ibaling ng tao sa Diyos ang sisi para sa kaniyang kasawian sapagkat tanging tao lamang ang marapat na sisihin sa kaniyang pagkalugmok at mga kasalanan.

Kung sakali mang makita niyang wala siyang kawala rito, maaari nga niya itong aminin. Subalit sa kaniyang katampalasan ay kaniyang pag-aalinlangan ang katarungan ng Diyos: “Oo nga, ako nga ay maituturing na gayon katulad niyan. Subalit, maaari bang  panagutin ng Diyos ang tao sa katulad na responsibilidad na hindi naman niya kayang tuparin? Hindi ba’t para itong pagpapalipad sa isang tao na kagaya ng isang ibon kahit na ito ay hindi na saklaw ng kaniyang kakayahan? Hindi ba’t ito ay hindi makatarungan?”

Makatarungan ba ang Diyos sa paghingi sa atin ng isang bagay na hindi natin kaya, sa isang bagay na hindi natin maibibigay?

Tunay na makatarungan ang Diyos sa kadahilanang ginawa Niya ang tao na may kakayahan upang tuparin ang mga kahilingan ng Kaniyang Kautusan. Tanging sa tao lamang ang pagkukulang sapagkat naiwala niya ang lubusang kakayahang ito dahil sa kaniyang pagkasala. Pinili ng ating mga naunang magulang ang sumuway sa Diyos. Sabihin nating binigyan ka ng iyong mga magulang ng pera upang makapag-aral sa kolehiyo subalit nilustay mo lamang ang pera sa walang kabuluhan. Ikaw ay lumapit sa iyong mga magulang at sinabing hindi mo na kayang makapag-aral dahil sa nagawa mong iyon. Hindi ba’t makatarungan kung magagalit ang iyong mga magulang at bigyan ka ng naaangkop na kaparusahan sa iyong nagawa? Hindi ba't makatarungan na panagutin ka ng iyong mga magulang at hilingin sa iyo ang nauna nilang tinuran? Tunay nga! Ang Diyos ay lubusang makatarungan sa paghingi sa atin ng ganap na pagkamasunurin na kaya nating sundin bago ang tao ay nahulog sa pagkasala.

Lilitaw na naman ang isang tanong: “Kung gayon, eh, hindi ba’t makabubuting baguhin na lamang Diyos ang kanyang hinihingi? Hindi ba pwedeng padaliin na lang Niya ang kanyang kahilingan dahil sa kahinaan natin?”

Hindi! Sa katunayan, kung hindi hihilingin ng Diyos sa tao ang Kanyang ibinigay na tungkulin, lalabas na hindi makatarungan ang Diyos. At bakit? Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang tipan na binigay Niya sa tao. Sa kung papaanong tapat Siya sa tao sa kanyang tipan dito, tapat rin Siya sa kanyang sarili "sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili" (2 Timoteo 2:13). Marapat lamang na maging makatuwiran din ang Diyos sa kaniyang sarili at sa ganoong kadahilanan, hindi kailangang magbago ang mga hinihiling ng tipan.


Maaari namang sabihin ng isa, “O siya, siya. Subalit hindi ba’t mahabagin naman ang Diyos? Siguro naman ay kakaligtaan na lamang Niya ang ating mga kasalanan.”

Subalit, dahil ang Diyos ay tapat sa kaniyang tipan (at sa hindi nagbabagong katangian nito), tapat din ang Diyos sa kaukulang parusa sa paglabag sa tipan na ito. "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng Kautusang ito upang gawin" (Deuteronomio 27:26). Kung tayong mga tao ay hindi pinalalagpas ang mga mabibigat na bagay na nagawa laban sa atin, papaano pa kaya ang Diyos na Banal at Makatarungan? Ang bigat ng ating pagkakasala ay isang pagtataksil, isang pagsalansang sa ating nagpupunong Hari. Hindi Siya nalulugod dito at ang mga ito ay kasuklam-suklam sa Kaniya.

Walang lusot ang tao! Saan siya ngayon tutungo? Tayo ay bumalik sa sinasabi ng ating Katesismo: “Ang Diyos ay maawain at makatarungan.” Ang katarungan at pagkamaawain ng Diyos ay nagtagpo sa katauhan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Hindi palalagpasin ng Diyos ang ating mga kasalanan at ang kanyang galit ay Kaniyang ibubuhos sa mga makasalanan. Subalit, sa halip na galit ay nakatanggap tayo ng kapatawaran. Inangkin ni Kristo ang galit ng Diyos para sa atin. Inangkin Niya ang kaparusahan at ang sumpa ng ating kasalanan. “Ngayon ay wala nang kahatulan sa mga na kay Kristo Hesus.” (Roma 8:1)


Ang kahilingan ng Kautusan na ganap na pagsunod ay hindi natin maibibigay. Subalit may Isa na siyang tumupad sa kahilingang ito, si Hesu-Kristo na bumaba sa lupa bilang ang pangalawang Adan na siyang sumunod sa Kautusan ng Diyos ng ganap at lubusan.

Ating natanggap ang Kaniyang pagkamatuwid, na tila ba’y naisakatuparan natin ang hinihiling ng tipan ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya (Roma 5:18-19). Ito ang ating kaaliwan bilang mga mananampalataya.

Linggo, Enero 11, 2015

Ang Pagkabatid sa Ating Kapighatian



"May balita ako sa 'yo, ano'ng gusto mong mauna? Good news o bad news?"
"Hmm... Siguro 'yung bad news muna."

Madalas ay ganiyan ang ating tugon sa tuwing makatatanggap tayo ng balita mula sa ating kakilala o kaibigan. Marahil ay alam niyo na kung bakit: alam nating may kaaliwang ihahatid ang mabuting balitang maisasambit pagkatapos nating malaman ang masamang balita.

Ayon sa sagot ng pangalawang tanong ng Katesismong Heidelberg, ang mga bagay na kinakailangan nating malaman para sa ating tunay na kaaliwan ay kinapapabilangan ng mga sumusunod: una, ang kaalaman patungkol sa "kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at ang ating kapighatian. Pangalawa, kung paano tayo iniligtas mula sa ating mga kasalanan at kapighatian.Pangatlo, kung paano tayo dapat magpasalamat sa Diyos na nagligtas sa akin." Kapighatian? Papaano ang kaalaman nito ay magbibigay sa atin ng kaaliwan? Makapaghahatid ba ang kaalamang ito ng kaaliwan sa akin? Hindi. Hindi kailanman makapagbibigay ng kaaliwan sa isang lubos na makasalanan ang Kautusan bagkus ay makapagbibigay lamang sa isa ng kahabagan sa sarili. Subalit, papaano nating nasabi na ito ay kailangan para sa ating kaaliwan? Tulad ng ating halimbawa sa itaas, mas mapapahalagahan natin ang mabuting balitang ating maririnig kapag nalaman natin ang masamang balita.

Upang mapagpatibay ang kaalaman ng kaaliwang ito, marapat na malaman muna natin kung gaano kalubha ang kalagayan natin. Ang tunay na kaaliwan ay dumarating lamang sa isa na nangangailangan nito tulad ng isang maysakit na maghahanap ng manggagamot o lunas sa oras na malaman niya ang kaniyang malubhang karamdaman.

Ang kaalaman ng kasawiang ito ay inilalahad ng Kautusan ng Diyos, "sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan" (Roma 3:20). Sa puntong ito, ating dapat isaisip na ang problema ay hindi ang Kautusan sapagkat ito ay "mabuti" (1 Timoteo 1:8). Ang suliranin ay nasa sa atin. Hindi natin lubusang nasusunod ang Kautusan, "sapagkat [tayo] ay likas na namumuhi sa Diyos at pati na sa aking kapwa" (sagot 5).

Ano nga ba ang hinihingi sa atin ng Kautusan? Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesu-Kristo ang kabuuan nito: "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng buo mong puso, ng buo mong kaluluwa, ng buo mong pag-iisip, ng buo mong lakas at mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng sa iyong sarili."

"Ayun lang pala. Mahalin lang pala ang Diyos at ang aking kapwa."

Subalit, hindi iyan ganiyan kadali. Mahalagang malaman na noong sinabi ng ating Panginoon iyan, isa sa mga nakikinig sa kanya ay ang mga Pariseo at mga eskriba na siyang naglista ng mga karagdagang mga kautusan upang maging masusi ang isa sa pagsunod sa banal na mga alituntunin. Sinasabi ni Hesus na hindi ang pagsunod punto por punto sa listahang ito ang pagtupad sa Kautusan subalit mas higit pa.

Sino nga ba ang nagmahal sa Diyos ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas niya? Sino na ba ang ipinakatangi Siyang lubusan kaysa sa iba pang mabubuting bagay? Sino na nga ba ang sa Kanya lamang kumuha ng kaligayahan at nagbigay ng tiwala sa Kanya? Sino na nga ba ang naghangad na ang lahat ng kanyang mga gawain ay para lamang sa kaluwalhatian ng Pangalan Niya? Sino na nga ba ang nagmahal sa kanyang kapwa ng walang halong kasakiman o anumang pansariling interes?

Narito ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa atin: "Walang matuwid, wala, wala kahit isa" (Roma 3:10) at ang "lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23). Ang ating mga "puso ay mandaraya kaysa sa lahat ng bagay at lubhang napakasama" (Jeremias 17:9).

Kung susukatin tayo ayon sa Kautusan, lalabas na tayo ay tinimbang ngunit kulang "sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat" (Santiago 2:10). Hindi natin makakamit ang pamantayan ng katuwiran na hinihingi ng Kautusan.

Gayon na lamang ang mataas na kahilingan ng Kautusan na matapos marinig ng propetang si Isaias na "banal, banal, banal ang PANGINOON" ay naibulalas niya ang mga salitang "Kahabag-habag ako!" (Isaias 6:3, 5)

At narito ang masamang balita: "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin." (Deuteronomio 27:26). Hindi natin nagawa ang lahat ng kautusan. Samakatuwid, tayo ay nahaharap sa kahatulan. Napakasamang balita.

Ngunit hindi natatapos sa masamang balita ang kalagayan ng tao. Ipinagkaloob ng Diyos ang kaaliwan ng Mabuting Balita na sa atin ay ipinahayag: "Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin" (Galacia 3:13). Nakatanggap tayo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan dahil kay Hesu-Kristo, ang ating Tagapamagitan, ang Anak ng Diyos na siyang nagmahal sa Diyos ng buo Niyang puso, kaluluwa, isip, at kalakasan at siyang tumupad sa lahat ng katuwiran na hinihiling ng Kautusan.


Panuto: Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay ginawa ng Diyos ang sinumang iniligtas Niya na "taos-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kanya" (Katesismong Heidelberg, Sagot 1). Ang papel ng Kautusan sa buhay ng mga mananampalataya ay bibigyang-pansin sa Araw ng Panginoon 32.

Ang larawan sa itaas ay pinta ni Rembrandt na Moses Breaking the Tables of the Law