Miyerkules, Enero 28, 2015

Ang Katarungan at Katuwiran ng Diyos


Sa nakaraang araw ng Panginoon, tuwirang sinagot ng ating Katesismo ang kabaluktutan ng kaisipan ng natural na tao: "Hindi ba’t Diyos ang dapat sisihin sapagkat ginawa Niya ang tao ng ganoong kalagayan?" Hindi! Sapagkat, itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na mabuti. Hindi maaaring ibaling ng tao sa Diyos ang sisi para sa kaniyang kasawian sapagkat tanging tao lamang ang marapat na sisihin sa kaniyang pagkalugmok at mga kasalanan.

Kung sakali mang makita niyang wala siyang kawala rito, maaari nga niya itong aminin. Subalit sa kaniyang katampalasan ay kaniyang pag-aalinlangan ang katarungan ng Diyos: “Oo nga, ako nga ay maituturing na gayon katulad niyan. Subalit, maaari bang  panagutin ng Diyos ang tao sa katulad na responsibilidad na hindi naman niya kayang tuparin? Hindi ba’t para itong pagpapalipad sa isang tao na kagaya ng isang ibon kahit na ito ay hindi na saklaw ng kaniyang kakayahan? Hindi ba’t ito ay hindi makatarungan?”

Makatarungan ba ang Diyos sa paghingi sa atin ng isang bagay na hindi natin kaya, sa isang bagay na hindi natin maibibigay?

Tunay na makatarungan ang Diyos sa kadahilanang ginawa Niya ang tao na may kakayahan upang tuparin ang mga kahilingan ng Kaniyang Kautusan. Tanging sa tao lamang ang pagkukulang sapagkat naiwala niya ang lubusang kakayahang ito dahil sa kaniyang pagkasala. Pinili ng ating mga naunang magulang ang sumuway sa Diyos. Sabihin nating binigyan ka ng iyong mga magulang ng pera upang makapag-aral sa kolehiyo subalit nilustay mo lamang ang pera sa walang kabuluhan. Ikaw ay lumapit sa iyong mga magulang at sinabing hindi mo na kayang makapag-aral dahil sa nagawa mong iyon. Hindi ba’t makatarungan kung magagalit ang iyong mga magulang at bigyan ka ng naaangkop na kaparusahan sa iyong nagawa? Hindi ba't makatarungan na panagutin ka ng iyong mga magulang at hilingin sa iyo ang nauna nilang tinuran? Tunay nga! Ang Diyos ay lubusang makatarungan sa paghingi sa atin ng ganap na pagkamasunurin na kaya nating sundin bago ang tao ay nahulog sa pagkasala.

Lilitaw na naman ang isang tanong: “Kung gayon, eh, hindi ba’t makabubuting baguhin na lamang Diyos ang kanyang hinihingi? Hindi ba pwedeng padaliin na lang Niya ang kanyang kahilingan dahil sa kahinaan natin?”

Hindi! Sa katunayan, kung hindi hihilingin ng Diyos sa tao ang Kanyang ibinigay na tungkulin, lalabas na hindi makatarungan ang Diyos. At bakit? Sapagkat tapat ang Diyos sa kanyang tipan na binigay Niya sa tao. Sa kung papaanong tapat Siya sa tao sa kanyang tipan dito, tapat rin Siya sa kanyang sarili "sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili" (2 Timoteo 2:13). Marapat lamang na maging makatuwiran din ang Diyos sa kaniyang sarili at sa ganoong kadahilanan, hindi kailangang magbago ang mga hinihiling ng tipan.


Maaari namang sabihin ng isa, “O siya, siya. Subalit hindi ba’t mahabagin naman ang Diyos? Siguro naman ay kakaligtaan na lamang Niya ang ating mga kasalanan.”

Subalit, dahil ang Diyos ay tapat sa kaniyang tipan (at sa hindi nagbabagong katangian nito), tapat din ang Diyos sa kaukulang parusa sa paglabag sa tipan na ito. "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng Kautusang ito upang gawin" (Deuteronomio 27:26). Kung tayong mga tao ay hindi pinalalagpas ang mga mabibigat na bagay na nagawa laban sa atin, papaano pa kaya ang Diyos na Banal at Makatarungan? Ang bigat ng ating pagkakasala ay isang pagtataksil, isang pagsalansang sa ating nagpupunong Hari. Hindi Siya nalulugod dito at ang mga ito ay kasuklam-suklam sa Kaniya.

Walang lusot ang tao! Saan siya ngayon tutungo? Tayo ay bumalik sa sinasabi ng ating Katesismo: “Ang Diyos ay maawain at makatarungan.” Ang katarungan at pagkamaawain ng Diyos ay nagtagpo sa katauhan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Hindi palalagpasin ng Diyos ang ating mga kasalanan at ang kanyang galit ay Kaniyang ibubuhos sa mga makasalanan. Subalit, sa halip na galit ay nakatanggap tayo ng kapatawaran. Inangkin ni Kristo ang galit ng Diyos para sa atin. Inangkin Niya ang kaparusahan at ang sumpa ng ating kasalanan. “Ngayon ay wala nang kahatulan sa mga na kay Kristo Hesus.” (Roma 8:1)


Ang kahilingan ng Kautusan na ganap na pagsunod ay hindi natin maibibigay. Subalit may Isa na siyang tumupad sa kahilingang ito, si Hesu-Kristo na bumaba sa lupa bilang ang pangalawang Adan na siyang sumunod sa Kautusan ng Diyos ng ganap at lubusan.

Ating natanggap ang Kaniyang pagkamatuwid, na tila ba’y naisakatuparan natin ang hinihiling ng tipan ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya (Roma 5:18-19). Ito ang ating kaaliwan bilang mga mananampalataya.

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento