"May balita ako sa 'yo, ano'ng gusto mong mauna? Good news o bad news?"
"Hmm... Siguro 'yung bad news muna."
Madalas ay ganiyan ang ating tugon sa tuwing makatatanggap tayo ng balita mula sa ating kakilala o kaibigan. Marahil ay alam niyo na kung bakit: alam nating may kaaliwang ihahatid ang mabuting balitang maisasambit pagkatapos nating malaman ang masamang balita.
Ayon sa sagot ng pangalawang tanong ng Katesismong Heidelberg, ang mga bagay na kinakailangan nating malaman para sa ating tunay na kaaliwan ay kinapapabilangan ng mga sumusunod: una, ang kaalaman patungkol sa "kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at ang ating kapighatian. Pangalawa, kung paano tayo iniligtas mula sa ating mga kasalanan at kapighatian.Pangatlo, kung paano tayo dapat magpasalamat sa Diyos na nagligtas sa akin." Kapighatian? Papaano ang kaalaman nito ay magbibigay sa atin ng kaaliwan? Makapaghahatid ba ang kaalamang ito ng kaaliwan sa akin? Hindi. Hindi kailanman makapagbibigay ng kaaliwan sa isang lubos na makasalanan ang Kautusan bagkus ay makapagbibigay lamang sa isa ng kahabagan sa sarili. Subalit, papaano nating nasabi na ito ay kailangan para sa ating kaaliwan? Tulad ng ating halimbawa sa itaas, mas mapapahalagahan natin ang mabuting balitang ating maririnig kapag nalaman natin ang masamang balita.
Upang mapagpatibay ang kaalaman ng kaaliwang ito, marapat na malaman muna natin kung gaano kalubha ang kalagayan natin. Ang tunay na kaaliwan ay dumarating lamang sa isa na nangangailangan nito tulad ng isang maysakit na maghahanap ng manggagamot o lunas sa oras na malaman niya ang kaniyang malubhang karamdaman.
Ang kaalaman ng kasawiang ito ay inilalahad ng Kautusan ng Diyos, "sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan" (Roma 3:20). Sa puntong ito, ating dapat isaisip na ang problema ay hindi ang Kautusan sapagkat ito ay "mabuti" (1 Timoteo 1:8). Ang suliranin ay nasa sa atin. Hindi natin lubusang nasusunod ang Kautusan, "sapagkat [tayo] ay likas na namumuhi sa Diyos at pati na sa aking kapwa" (sagot 5).
Ano nga ba ang hinihingi sa atin ng Kautusan? Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesu-Kristo ang kabuuan nito: "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng buo mong puso, ng buo mong kaluluwa, ng buo mong pag-iisip, ng buo mong lakas at mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng sa iyong sarili."
"Ayun lang pala. Mahalin lang pala ang Diyos at ang aking kapwa."
Subalit, hindi iyan ganiyan kadali. Mahalagang malaman na noong sinabi ng ating Panginoon iyan, isa sa mga nakikinig sa kanya ay ang mga Pariseo at mga eskriba na siyang naglista ng mga karagdagang mga kautusan upang maging masusi ang isa sa pagsunod sa banal na mga alituntunin. Sinasabi ni Hesus na hindi ang pagsunod punto por punto sa listahang ito ang pagtupad sa Kautusan subalit mas higit pa.
Sino nga ba ang nagmahal sa Diyos ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas niya? Sino na ba ang ipinakatangi Siyang lubusan kaysa sa iba pang mabubuting bagay? Sino na nga ba ang sa Kanya lamang kumuha ng kaligayahan at nagbigay ng tiwala sa Kanya? Sino na nga ba ang naghangad na ang lahat ng kanyang mga gawain ay para lamang sa kaluwalhatian ng Pangalan Niya? Sino na nga ba ang nagmahal sa kanyang kapwa ng walang halong kasakiman o anumang pansariling interes?
Narito ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa atin: "Walang matuwid, wala, wala kahit isa" (Roma 3:10) at ang "lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23). Ang ating mga "puso ay mandaraya kaysa sa lahat ng bagay at lubhang napakasama" (Jeremias 17:9).
Kung susukatin tayo ayon sa Kautusan, lalabas na tayo ay tinimbang ngunit kulang "sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat" (Santiago 2:10). Hindi natin makakamit ang pamantayan ng katuwiran na hinihingi ng Kautusan.
Gayon na lamang ang mataas na kahilingan ng Kautusan na matapos marinig ng propetang si Isaias na "banal, banal, banal ang PANGINOON" ay naibulalas niya ang mga salitang "Kahabag-habag ako!" (Isaias 6:3, 5)
At narito ang masamang balita: "Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin." (Deuteronomio 27:26). Hindi natin nagawa ang lahat ng kautusan. Samakatuwid, tayo ay nahaharap sa kahatulan. Napakasamang balita.
Ngunit hindi natatapos sa masamang balita ang kalagayan ng tao. Ipinagkaloob ng Diyos ang kaaliwan ng Mabuting Balita na sa atin ay ipinahayag: "Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin" (Galacia 3:13). Nakatanggap tayo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan dahil kay Hesu-Kristo, ang ating Tagapamagitan, ang Anak ng Diyos na siyang nagmahal sa Diyos ng buo Niyang puso, kaluluwa, isip, at kalakasan at siyang tumupad sa lahat ng katuwiran na hinihiling ng Kautusan.
Panuto: Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay ginawa ng Diyos ang sinumang iniligtas Niya na "taos-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kanya" (Katesismong Heidelberg, Sagot 1). Ang papel ng Kautusan sa buhay ng mga mananampalataya ay bibigyang-pansin sa Araw ng Panginoon 32.
Ang larawan sa itaas ay pinta ni Rembrandt na “Moses Breaking the Tables of the Law”
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento