Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kasalanan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kasalanan. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Pebrero 2, 2015

Ang Katubusan ay Hindi sa Ating mga Sarili


Sa bisa ng hindi pagbigay ng kaukulang pagtupad sa hinihiling ng Kautusan ng Diyos, ang sangkatauhan ay nasadlak sa kaparusahan ng walang-hanggang kamatayan. Upang maitubos ng tao ang kaniyang sarili sa kaniyang pagkakautang, kailangan niyang maglaan ng karampatang kabayaran na kaayon sa Kautusan at sa katarungan ng Diyos. Hindi lamang iyon, kailangan din niyang tanggapin ang kabuuan ng kahatulan na nararapat sa kasalanan na nagawa.

Kaya ba nating bayaran ito? Marami ang nagsasabi na kung mamumuhay lamang tayo ng mabuti at kaaya-aya sa paningin ng iba at mamahalin natin ang Diyos sa ilang mga aspeto ng ating mga buhay, tayo ay maituturing na mabuti sa mata ng Panginoon. “Kung gagawin ko lang ang lahat ng aking makakaya, sa tingin ko naman ay pwede na iyan sa Diyos. Siya naman na ang bahala sa iba.” Maaaring sapat na iyan.

Subalit ang sagot ay hindi, isang sagot na ayaw nating marinig. Katulad tayo ng mayamang binata sa Mateo 19:16-22 na nagsabing “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito” at nag-akalang sapat na ang kaniyang mga ginawa subalit nang itinimbang ay kulang. Ang ating problema— ang Diyos ay maikatlong-ulit na banal. Ang mga serapin sa langit ay mga nangatakip ng kanilang mga mukha at paa habang umaawit ng "Banal, banal, banal. Banal ang Panginoon!" (Isaias 6:2-3) sa presensya ng Diyos. Bilang isang makatarungang Diyos ay hindi niya palalagpasin ang anumang kakulangan at hindi Niya ipagsasawalang-bahala maging ang nauukol na parusa sa kasalanan.

Wala tayong maiaambag upang maibsan ang ating pagkakautang. Hindi natin mababayaran ito sa pamamagitan ng ating pagsunod, sapagkat utang natin ang lahat ng ating mabubuting gawa sa Diyos at ang mga ito ay kasalukuyang obligasyon din natin sa Kanya. Kapag nagawa natin ang lahat ng mga bagay na iniutos sa atin, atin lamang masasabi na "kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan" (Lucas 17:10). Sa gayon, nananatiling imposible sa atin ang bayaran ang ating mga nagawang kamalian.


Kung titingnan pa ang kalagayan ng tao, kalunus-lunos nga itong maituturing. Napakalaki na ng utang natin sa Panginoong Diyos matapos na sumuway ang ating mga magulang na sina Adan at Eba. Bukod pa rito, araw-araw pa nga nating nadaragdagan ang ating pagkakautang. Patuloy tayong nagkakasala sa tuwina. Kung papaanong hindi mababayaran ng isa ang kanyang inutang sa pagkakaroon ng karagdagan pang mga utang, tayo rin ay hindi makasasapat sa kabayaran sapagkat patuloy tayong nagkukulang.


Sa puntong ito, maghahanap ang isa ng iba na makakasapat para sa kaniya. Kung ang tao ay hindi mababayaran ang kanyang pagkakautang, maaari ba siyang maitubos ng ibang nilalang? Hindi ito maaari sapagkat hindi maaaring parusahan ng Diyos ang kasalanan ng tao sa ibang nilalang. "Ang taong nagkasala ay mamamatay" (Ezekiel 18:20). At kung papaanong ang tao ay hindi kayang tanggapin ang kabuuan ng walang-hanggang galit ng Diyos sa kasalanan, gayundin na hindi kaya ng ibang nilalang ang kaparusahan na ito.

Ngunit saan na tutungo ang tao? Hindi natin kayang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos at kailangan natin ng iba na siyang maglalaan ng kasapatan. Sa kadahilanang tao ang nagkasala at dapat na tao rin ang magbayad, kailangang tao rin ang siyang magsapat. 

Upang masapatan ang hinihiling ng kautusan, kailangan din na siya ay walang pagkakautang, walang kasalanan. 
At hindi lamang iyan, sa kadahilanang kailangan niyang matanggap ng lubusan ang galit ng Diyos sa kasalanan ng hindi mapupuksa, kailangang siya rin ay Diyos. Sino ang ating magiging tagapamagitan? Walang iba, kundi ang ating Panginoong si Hesu-Kristo.

Binanggit sa Artikulo 19 ng Kapahayagang Belhiko ang hiwaga ng ating Tagapamagitan na ito: "kaya aming ipinapahayag na Siya ay tunay na Diyos at tunay na tao; tunay na Diyos na taglay ang kapangyarihang lupigin ang kamatayan; at tunay na tao para Siya’y mamatay ayon sa kahinaan ng Kanyang katawan."


Tunay nga at "walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan: Siyang nahayag sa laman, pinatunayang matuwid sa espiritu, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga bansa, sinampalatayanan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian" (1 Timoteo 3:16).

Ito ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagkamatuwid ng Iba.
Kaya ating itapon ang anumang tiwala sa ating mga sarili na natitira sa atin, sa kung papaanong nagbihis sina Adan at Eba ng mga dahon para takpan ang kanilang kahubdan. Bagkus, tayo ay manampalataya sa ating Panginoong Hesu-Kristo na siyang ating naging malinis na kasuotan. Siya ang ating kapahingahan (Mateo 11:30).


Lunes, Enero 19, 2015

Nilikhang Kawangis ng Kanyang Larawan


"Pasensya na, tao lang." "Tao lang, nagkakamali rin."

Pamilyar, hindi ba? Sino pa nga ba ang hindi pa nakakarinig sa katagang ito? Madalas nating marinig itong sabihin ng isa kapag siya ay nagkasala sa isa o kaya'y nagkamali sa kanyang mga gawa. Subalit, ang pagiging tao ba mismo ang dahilan ng ating kahinaan na ito?

Sa nakaraang araw ng Panginoon, ating nalaman ayon sa Katesismong Heidelberg na ang ating kasawian ay matutuklasan sa ating pagsuway sa Kautusan ng Diyos. Makatuwiran lamang na lumitaw ang isang tanong pagkatapos: “Ganito nga ba nilikha ng Diyos ang tao?" Sa katanungang ito ay mariing sumasagot ang ating Katesismo: HINDI.


Pansinin natin ang mga unang talata sa Genesis partikular sa ulat ni Moises patungkol sa paglalang ng Diyos. Ilang makaulit na sinabi sa ulat na ito na ang lahat ng nilalang ng Diyos ay “mabuti” (1:4, 10, 12, 18, 21, 25, 31). Kabilang diyan ang pinakatatangi Niya sa lahat ng Kaniyang mga nilalang – ang tao. At hindi lamang nilalang ng Diyos ang tao na “mabuti,” nilalang Niya rin ito na “kawangis ng Kanyang larawan” (Genesis 1:26-27).

Ganito isinalarawan ng Westminster Confession of Faith, sa ikaapat na Kabanata nito ("Tungkol sa Paglikha"), ang larawan ng Diyos na nasa tao:
“Pagkatapos likhain ng Diyos ang lahat, nilikha niya ang tao. Nilikha niya sila na lalaki at babae (Genesis 1:27) at binigyan niya sila ng katuwiran at walang kamatayang kaluluwa, (Gen. 2:7; Eclesiastes 12:7; Lucas 23:43; Mateo 10:28) at pinagkalooban Niya ng kalaaman, pagkamakatuwiran, at tunay na kabanalan – ang mga ito ay ang Kanyang wangis (Gen. 1:26; Colosas 3:10; Efeso 4:24). Ang Kautusan ng Diyos ay isinulat sa kanilang mga puso, (Roma 2:14-15. ) at mayroon silang kakayahang sundin ito (Gen. 2:17; Ecl. 7:29.). Gayon man, dahil sila ay may kalayaang gamitin ang kanilang malayang kalooban na maaring  magbago, maari silang magkasala (Gen. 3:6, 17). Bukod sa Kautusang ito na nakasulat sa kanilang mga puso, sila ay inutusan ng Diyos na huwag kumain ng bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Habang sila ay sumusunod sa utos na ito, sila ay maligaya sa kanilang pakikisama sa Diyos, (Gen. 2:17; Gen. 2:15-3:24) at gayon din sila ay magpapapatuloy sa kanilang pamamahala sa mga nilikha (Gen. 1:28; Gen. 1:29-30; Awit 8:6-8)."
Ang tao ay sakdal at may tunay na kaalaman patungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban at may kakayahan na malayang sundin ang Diyos sa lahat ng Kanyang Kautusan ng kaniyang puso at kalakasan. Ang tao ay nilikha sa pangunahing layunin na papurihan ang Diyos at sambahin Siya at tumawag sa Kaniyang Pangalan.

Subalit ano nga ba ang nangyari? “Ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan” (Eclesiastes 7:29). Pinili ng ating mga unang magulang na sumuway sa Diyos. Dahil kay Adan, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa sanlibutan (Roma 5:12-14; 1 Corinto 15:22). Ang lahat ng supling nina Adan at Eba ay nagmana ng kanilang kasalanan, kung sa gayon, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pagkahatol at kapangyarihan ng kasalanan at ng paghahari ng kamatayan (Roma 1:18, 19; 3:9, 19; 5:17, 21).

Sinabi ng apostol Pablo na ang tao, sa kanyang kalikasan, ay patay sa kaniyang “pagsalangsang at mga kasalanan” (Efeso 2:1). Sa ganitong kalagayan, ang tao "ay walang pag-asa at walang Diyos sa mundo" (Efeso 2:12). Nawala ang karingalan ng larawan ng Diyos na tinataglay ng tao. Bagama’t nananatili man sa atin ang larawang ito, tayo ay naging alipin ng kasalanan. Hindi natin lubusang maisasalamin ang kabanalan ng Diyos. Napakasamang balita. Subalit, ang ating Katesismo ay nagbibigay ng pag-asa.

Isa sa mga ipinagkaloob ng Diyos para sa ating kaligtasan ay ang pagbabago ng ating baluktot na kalikasan (o regeneration sa wikang Ingles) patungo sa pananampalataya. Ang pagbabagong-espirituwal ito ay hindi gawa ng tao, bagkus ay natatanging gawain ng Diyos lamang. Ang mga mananampalataya naman ay Kaniyang patuloy na ipinanunumbalik ang larawang ito sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesu-Kristo na siyang "naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan" (1 Corinto 1:30). Ang ating Panginoong Hesus naman, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay binabago tayo "sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian" (2 Corinto 3:18). Sa pagkilos Niya, tayo ay muling binuhay, samakatuwid ay isinilang-muli na may bagong pusong nagnanais na tumalima sa Diyos, galing sa ispirituwal na kamatayan patungo sa buhay na walang-hanggan.


Ang larawan sa itaas ay bahagi ng pinta ni Michaelangelo na "The Creation of Adam"