Lunes, Pebrero 2, 2015

Ang Katubusan ay Hindi sa Ating mga Sarili


Sa bisa ng hindi pagbigay ng kaukulang pagtupad sa hinihiling ng Kautusan ng Diyos, ang sangkatauhan ay nasadlak sa kaparusahan ng walang-hanggang kamatayan. Upang maitubos ng tao ang kaniyang sarili sa kaniyang pagkakautang, kailangan niyang maglaan ng karampatang kabayaran na kaayon sa Kautusan at sa katarungan ng Diyos. Hindi lamang iyon, kailangan din niyang tanggapin ang kabuuan ng kahatulan na nararapat sa kasalanan na nagawa.

Kaya ba nating bayaran ito? Marami ang nagsasabi na kung mamumuhay lamang tayo ng mabuti at kaaya-aya sa paningin ng iba at mamahalin natin ang Diyos sa ilang mga aspeto ng ating mga buhay, tayo ay maituturing na mabuti sa mata ng Panginoon. “Kung gagawin ko lang ang lahat ng aking makakaya, sa tingin ko naman ay pwede na iyan sa Diyos. Siya naman na ang bahala sa iba.” Maaaring sapat na iyan.

Subalit ang sagot ay hindi, isang sagot na ayaw nating marinig. Katulad tayo ng mayamang binata sa Mateo 19:16-22 na nagsabing “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito” at nag-akalang sapat na ang kaniyang mga ginawa subalit nang itinimbang ay kulang. Ang ating problema— ang Diyos ay maikatlong-ulit na banal. Ang mga serapin sa langit ay mga nangatakip ng kanilang mga mukha at paa habang umaawit ng "Banal, banal, banal. Banal ang Panginoon!" (Isaias 6:2-3) sa presensya ng Diyos. Bilang isang makatarungang Diyos ay hindi niya palalagpasin ang anumang kakulangan at hindi Niya ipagsasawalang-bahala maging ang nauukol na parusa sa kasalanan.

Wala tayong maiaambag upang maibsan ang ating pagkakautang. Hindi natin mababayaran ito sa pamamagitan ng ating pagsunod, sapagkat utang natin ang lahat ng ating mabubuting gawa sa Diyos at ang mga ito ay kasalukuyang obligasyon din natin sa Kanya. Kapag nagawa natin ang lahat ng mga bagay na iniutos sa atin, atin lamang masasabi na "kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan" (Lucas 17:10). Sa gayon, nananatiling imposible sa atin ang bayaran ang ating mga nagawang kamalian.


Kung titingnan pa ang kalagayan ng tao, kalunus-lunos nga itong maituturing. Napakalaki na ng utang natin sa Panginoong Diyos matapos na sumuway ang ating mga magulang na sina Adan at Eba. Bukod pa rito, araw-araw pa nga nating nadaragdagan ang ating pagkakautang. Patuloy tayong nagkakasala sa tuwina. Kung papaanong hindi mababayaran ng isa ang kanyang inutang sa pagkakaroon ng karagdagan pang mga utang, tayo rin ay hindi makasasapat sa kabayaran sapagkat patuloy tayong nagkukulang.


Sa puntong ito, maghahanap ang isa ng iba na makakasapat para sa kaniya. Kung ang tao ay hindi mababayaran ang kanyang pagkakautang, maaari ba siyang maitubos ng ibang nilalang? Hindi ito maaari sapagkat hindi maaaring parusahan ng Diyos ang kasalanan ng tao sa ibang nilalang. "Ang taong nagkasala ay mamamatay" (Ezekiel 18:20). At kung papaanong ang tao ay hindi kayang tanggapin ang kabuuan ng walang-hanggang galit ng Diyos sa kasalanan, gayundin na hindi kaya ng ibang nilalang ang kaparusahan na ito.

Ngunit saan na tutungo ang tao? Hindi natin kayang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos at kailangan natin ng iba na siyang maglalaan ng kasapatan. Sa kadahilanang tao ang nagkasala at dapat na tao rin ang magbayad, kailangang tao rin ang siyang magsapat. 

Upang masapatan ang hinihiling ng kautusan, kailangan din na siya ay walang pagkakautang, walang kasalanan. 
At hindi lamang iyan, sa kadahilanang kailangan niyang matanggap ng lubusan ang galit ng Diyos sa kasalanan ng hindi mapupuksa, kailangang siya rin ay Diyos. Sino ang ating magiging tagapamagitan? Walang iba, kundi ang ating Panginoong si Hesu-Kristo.

Binanggit sa Artikulo 19 ng Kapahayagang Belhiko ang hiwaga ng ating Tagapamagitan na ito: "kaya aming ipinapahayag na Siya ay tunay na Diyos at tunay na tao; tunay na Diyos na taglay ang kapangyarihang lupigin ang kamatayan; at tunay na tao para Siya’y mamatay ayon sa kahinaan ng Kanyang katawan."


Tunay nga at "walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan: Siyang nahayag sa laman, pinatunayang matuwid sa espiritu, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga bansa, sinampalatayanan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian" (1 Timoteo 3:16).

Ito ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagkamatuwid ng Iba.
Kaya ating itapon ang anumang tiwala sa ating mga sarili na natitira sa atin, sa kung papaanong nagbihis sina Adan at Eba ng mga dahon para takpan ang kanilang kahubdan. Bagkus, tayo ay manampalataya sa ating Panginoong Hesu-Kristo na siyang ating naging malinis na kasuotan. Siya ang ating kapahingahan (Mateo 11:30).


1 komento :

  1. Paano ko nakuha ang aking Xmas at utang sa negosyo.

    Ang pangalan ko ay si Margaret Shirley, isang nag-iisang ina mula sa Turkey, Instanbul. Masaya ako at nagpapasalamat sa kumpanya ng pondo ng pautang sa mataas na klase sa tulong ni G. Margaret sa pagbibigay sa akin ng isang Xmas / Pautang sa Negosyo sa 3% na rate ng interes sa ika-1 ngOctober2019 . Iniligtas nila ako mula sa pag-loose at refinance ng aking namamatay na negosyo pati na rin .Ang mensahe na ito ay maaaring maging malaking kahalagahan sa iyo mula doon na naghahanap ng isang tunay na pautang para sa Pasko o layunin ng negosyo. Sa iba pa para hindi ka mahulog sa maling mga kamay, ang aking adviceto youis na makipag-ugnay ang kumpanyang ito sa pamamagitan ng email: highclassloanfund@gmail.com Maraming salamat

    TumugonBurahin