Huwebes, Marso 26, 2015

Higit na Dapat Naisin Kaysa Ginto

“Ang kautusan ng PANGINOON ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng PANGINOON ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.

Ang mga tuntunin ng PANGINOON ay matuwid,

na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng PANGINOON ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.

Ang pagkatakot sa PANGINOON ay totoo at lubos na makatuwiran.

Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot at sa pulot-pukyutang tumutulo.”

Awit 19:7-11 

Huwebes, Marso 19, 2015

Sa Iyong Kanang Kamay ay mga Kasayahan Magpakailanman

“Ang PANGINOON ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
Oo, ako’y may mabuting mana.
Aking pupurihin ang PANGINOON na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinanatili ang PANGINOON sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
Kaya’t ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
Sapagkat ang aking kaluluwa sa Sheol ay di mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
Iyong ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.”

— Awit 16:5-11

Martes, Pebrero 17, 2015

Sumasampalataya Ako...



"At dahil naman dito kami ay nagpapasalamat na walang patid sa Diyos, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Diyos, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya." (1 Tesalonica 2:13)

Ating natanggap ang kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, ang siyang ginagamit ng Diyos bilang instrumento upang tayo ay maging kabahagi Niya. Mahalagang bigyang-diin sa puntong ito na ang pananampalataya natin ay kasangkapan lamang at hindi ang saligan ni ang dahilan ng ating pagkamatuwid sa mata ng Diyos sapagkat ang natatanging dahilan lamang ng ating pagiging matuwid sa harapan Niya ay ang pagkamatuwid ni Hesu-Kristo. Higit sa lahat, ang pananampalatayang ito ay hindi galing sa ating sarili bagkus ay isang regalong ipinagkaloob ng Diyos sa atin (Efeso 2:8). Ang biyayang ito ng kaligtasan ay inihandog lamang sa mga tunay na mananampalataya na nananalig at yumayakap sa mga kasaganaan na na kay Kristo; silang mga lubusang nakakaalam ng di-sana-nararapat na awa ng Diyos at silang mga nagtitiwala na sila ay Kaniyang papanatilihin hanggang sa walang-hanggan. Subalit, ano nga ba ang tunay na pananampalataya?

Isa sa mga bagay na binigyang-pansin ng mga Protestante ay ang pagbibigay-kahulugan sa kung ano ang tunay na pananampalataya. Ayon sa kanila, ang Bibliya ay nagbibigay ng larawan ng tunay na pananampalataya na kung saan ay kinapapalooban ng tatlong aspeto: notitia, assensus, at fiducia.

Ang notitia sa wikang Tagalog ay maihahalintulad sa salitang "pagkabatid" o kaalaman sa isang bagay. Sa ating konteksto, ito ay tumutukoy sa intelektuwal na aspeto ng tunay na pananampalataya— ang nilalaman ng ating pananampalataya, ang mga bagay na ating pinaniniwalaanIto ay ang tiyak na kaalaman ng mga pangako ng Diyos at ang mga bagay na Kaniyang ipinahayag sa Kanyang Banal na Kasulatan. Marapat lamang na tayong mga mananampalataya ay magkaroon ng kaalaman sa mga bagay patungkol sa Diyos at sa ating kaligtasan sapagkat ang pananampalataya ay dapat na may panampalatayanan. Habang ito ay hindi kinakailangang maging malawak, marapat naman na ito ay nagtataglay ng sapat na kaalaman sa mga bagay patungkol sa Mabuting Balita.

Subalit maaaring maunawaan ng isa ang mga bagay na ating pinaniniwalaan. "Oo, alam ko na nilalang ng Diyos ang langit at lupa." "Oo, marahil nga na magaling na guro si Hesus." "Subalit wala naman akong pakialam doon, may pagkakaiba ba kung hindi ako naniniwala?" Dito papasok ang isang aspeto ng pananampalataya, ang assensus o sa madaling sabi ay "pagsang-ayon." Ito ang emosyonal na aspeto ng pananampalataya na kung saan tayo ay may lubusang katiyakan at paniniwala na ang mga bagay na ating pinanampalatayanan na nakalahad sa Salita ng Diyos ay tunay at totoo. 

Panghuli ay ang fiducia na siyang puso ng tunay na pananampalataya. Kung wala nito, tayo ay walang pinagkaiba sa mga demonyo (Santiago 2:19). Ito ay tumutukoy sa pananalig at taos-pusong pagtitiwala kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas na kung saan ang tao, sa pagkaalam patungkol sa kaniyang sarili, ay tumatanggap na siya ay isang makasalanan at ang tangi lamang Niyang kaligtasan ay tanging kay Kristo lamang masusumpungan.

Tunay nga na ang pananampalataya ay yinayakap ang kabuuan ng Salita ng Diyos at lubusang naniniwala dito sa gana ng Banal na Espiritu. Ang tunay na pananampalataya ay may pinapatungkulan— ang Mabuting Balita na siyang paksa ng ating pananampalataya. Kung gayon, ano naman ang mga bagay na ating dapat na panampalatayanan? Ang suma total at kabuuang diwa ng Mabuting Balita ay ipinangaral ng Apostol Pablo sa 1 Corinto 15 na ating makikitang inilahad sa Kredo ng mga Apostol (Apostles’ Creed), ang buod ng pananampalatayang Kristiyano, ang  mga bagay na ating pinaniniwalaan.

Lunes, Pebrero 9, 2015

Tunay na Tao, Tunay na Diyos


Cur Deus Homo? Isa sa mga naging mahahalagang tanong noong Edad Medya ay kung bakit ang Diyos ay naging Tao. Laban sa umiiral na paniniwala ng panahon, na ang sangkatauhan ay may utang na dapat bayaran sa Diyablo, naglatag ang Simbahan ng pundasyon sa pagkaunawa ng ginawang pagbabayad-sala ng ating Panginoon na si Hesu-Kristo. Kabilang sa mga prominenteng teologo ng panahon na iyon ay si Anselm, ang arsobispo ng Canterbury sa Inglatera, na siyang sumagot sa tanong na "bakit kailangang maging tao ng Diyos?"

Bakit kailangang maging tao ng ating magiging tagapamagitan? Una, sapagkat tao ang nagkasala ay dapat din na tao rin ang magbayad-pinsala. Pangalawa, upang siya, sa kalikasang tao, ay mamatay upang maging kabayaran sa hatol na iginawad sa sangkatauhan. Panghuli, upang mapangatawanan niya ang tao at bilang ang pangalawang Adan ay kaniyang tuparin ang tungkulin na hindi nagawa ni Adan.

Narito ang ating suliranin: ang ating pagsalansang sa Diyos ay sukdulan! Kung papaanong ang ating kasalanan ay kapalastanganan sa mata ng Diyos, kinakailangan na masapatan ang sukdulan na ito. Ngunit papaano iyon masasapatan ng tao kung ang tao ay may hangganan? Imposible, hindi ba? Kung tayo ay haharap sa Diyos, tayo ay maglalaho sa isang iglap.

Mahusay na isinalarawan ni John Calvin sa kanyang Institutes of the Christian Religion (2.7.2-3) ang buod ng mga gawa at pagkatao ng ating natatanging Tagapamagitan:

“...higit na kinakailangan para sa ganitong mga kadahilanan na Siyang ating Tagapagligtas ay dapat na maging tunay na Diyos at tao. Tanging sa kaniya lamang ang pagwaksi sa kamatayan, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang siyang Buhay mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang paglupig sa kasalanan, sapagkat sino pa bang makakagawa nito kundi ang siyang Katuwiran mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang pag-gupi sa mga kapangyarihan ng mundo, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang Makapangyarihang Isa na mas nakahihigit dito? Ngunit sino ba siyang nagtataglay ng buhay at katuwiran, at ang paghahari at pamamahala ng langit, ngunit ang Diyos lamang? Samakatuwid, ang Diyos, na siyang nagpasyang iligtas tayo dahil sa kaniyang hindi-masusukat na awa, ay naging ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng kaniyang Bugtong na Anak.

Ang isa pang punong bahagi ng ating pagkakasundo sa Diyos ang tao, na siyang nagligaw sa kaniyang sarili sa kaniyang pagsuway, ay marapat na pasiyahan ang katarungan ng Diyos, at pagbayaran ang parusa ng kasalanan sa anumang kaparaanan. Samakatuwid, ang ating Panginoon ay dumating bilang isang tao at pinangatawanan ang kabuuan ni Adan upang magsilbing kahalili na siyang taos-puso't lubusang susunod sa kalooban ng Ama; upang kaniyang maihandog ang ating pagka-laman bilang halaga ng kabayaran sa makatuwirang paghatol ng Diyos, at sa parehong laman ay mabayaran ang parusa na ating natamo. Panghuli, dahil bilang Diyos, hindi siya maaaring magdusa ni mapuksa, at dahil ang tao ay hindi makakayang mapagtagumpayan ang kamatayan, pinag-isa niya ang kalikasan ng tao at ang pagiging Diyos, na maaaring niyang maiharap ang kahinaan ng pagka-Tao sa kamatayan bilang kaparusahan ng kasalanan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagka-Diyos, siyang nakipagbaka sa kamatayan, kaniyang natamo ang tagumpay para sa atin.”


Tunay nga, kailangan natin ng isang Tagapamagitan na hindi lamang tao subalit ay Diyos. Ang Mabuting Balita ay dumarating sa atin na nagsasabing tayo ay makakaharap sa Diyos bilang kaniyang mga anak dahil sa ating Tagapamagitang ito. Sino ito? Walang iba kundi ang ating Panginoong Hesu-Kristo, ang Salitang nagkatawang-tao.

Biyernes, Pebrero 6, 2015

Maikling mga Pagbubulay-bulay sa Cagayan de Oro

Tinaguriang "Lungsod ng Ginintuang Pagkakaibigan," ang Cagayan de Oro sa Misamis Oriental, Mindanao ay tunay na maipagmamalaki ang kaniyang mga magigiliw at masiyahing mga Kagay-anon. At sa isang pagkakataong ipinagkaloob ng Panginoon, napatunayan nga na sa dakong iyon ay may pagkakaibigan na tila nangagdaan sa apoy subalit sa kalaunan ay naging pinagtibay na ginto.

Kamakailan lamang ay tumungo kami ng aking pastor na si Rev. Nollie Malabuyo at Rev. Richard Bout, coordinator ng missions committee ng United Reformed Churches in North America (URCNA), upang tingnan at suriin ang kalagayan ng mga iglesyang Reformed sa ilang bahagi ng Mindanao, partikular ang Butuan, Cagayan de Oro, at Marawi. Dalawang araw lamang kami naglagi subalit hindi matatawaran ang aming kagalakan na makita at makasalamuha ang ating mga kapatid sa malalayong lugar.

Narito ang iilan sa mga pumasok sa aking isipan habang kami ay nandoon:

1. Nasaksihan ko ang isa sa mga gawain ng isa naming kaibigang pastor na si Rev. Stephen t' Hart ng Free Reformed Church of Baldivis, Australia doon. Nagturo siya ng isang klase patungkol sa doktrina ng iglesya (ecclesiology) sa nag-iisang Kristiyanong kongregasyon sa isang malapit na komunidad doon. At ito ang isa pang bagay na nakakataba ng puso, isinasalin ng kanilang pastor ang lahat ng sinasabi ni Rev. t' Hart sa wikang Cebuano— ang pangkaraniwang wika sa lugar. Makikita mo kung papaano napukaw ang atensyon ng mga kapatid sa pakikinig ng mga bagay na patungkol sa Diyos at sa Kaniyang iglesya. Mararamdaman mo rin ang kanilang pagkapanabik sa pagkaalam ng katotohanan ng Kaniyang Mabuting Balita na matatagpuan sa Kaniyang Banal na Salita.




Kung ating babalikan, laban sa pag-aangkin ng Iglesyang Romano Katolika, dalawang bagay ang binigyang-halaga ng mga Protestante noong ikalabing-anim na siglo—
ang autoridad at kalinawan ng Banal na Kasulatan. Nariyan ang Sola Scriptura na nagsasabing ang Banal na Kasulatan ang tanging banal at huling autoridad para sa pananampalataya at buhay-Kristiyano, hindi ang Simbahan na siyang dapat ay tagapagsilbi lamang para sa Salita. Ipinaglaban din ng mga Reformer na ang Bibliya ay malinaw na naglalahad ng mga bagay na patungkol sa Diyos, sa ating sarili, at sa ating kaligtasan na maging ang pangkaraniwang tao ay mauunawaan at matututo sa pagkabasa nito.

Lubusang nakita ng mga Reformers ang kahalagahan ng pagkagamit ng wikang naiintindihan ng mga nakararami anupama't kakikitaan ito sa mga kapahayagang Reformed. Ayon sa Westminster Confession of Faith (1.8), sa kadahilanang "ang mga Kasulatan ay naisulat sa mga orihinal na mga wika na hindi alam ng nakararami, na siyang may karapatan at interes sa Banal na kasulatan, marapat lamang na sila ay isalin sa wikang nauunawaan ng karamihan." Para sa anong kadahilanan? "Upang ang Diyos ay kanilang sambahin sa paraang nakalulugod sa Kaniya at sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan mula sa Bibliya ay magkaroon sila ng pag-asa"


Hindi ba't ang mga Reformer ay nagsulat sa kanilang mga sariling wika tulad ni Martin Luther (Aleman) at John Calvin (Pranses)? Hindi nga ba't sila rin ay nagsalin ng Bibliya sa wika na maiintindihan ng mga ordinaryong mamamayan? Nawa'y ating maipamahagi ang Mabuting Balita sa mga kaparaanang mauunawaan ng ating mga tagapakinig, anuman ang estado ng kaniyang buhay. Tayo ay may tiwala sa Diyos na sa kabila ng kapayakan ng ating mga gawa, alam natin na Siya ay palaging kumikilos upang "ang pananampalataya ay [manggaling] sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo" (Roma 10:17).


2. Nakakapagbigay ng kasiyahan ang katotohanan na sa kabila ng pagkakaiba sa kultura at pananalita ay nagagawa nating magkaisa at makipagsalamuha sa kapwa mananampalataya kay Kristo. Walang banyaga sapagkat ang lahat ay nagsasalita ng iisang wika— si Hesu-Kristo! "Walang Hudyo, o Griyego, [o kung idadagdag ko man, walang Filipino, o Amerikano], walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus" (Galacia 3:28)!





3. Nagkaroon ako ng ilang mga pagkakataon upang magtanong kay Rev. Richard Bout ng mga bagay patungkol sa misyon, buhay-seminaryo, at iba pa kaugnay sa iglesya. Ayon sa kaniya, nakakatakot isipin na maaari tayong masanay sa ating pag-iisa bilang mga iglesya ng hindi natin nalalaman. Para tayong nakakubli at kuntento sa ating mumunting mga liwanag. Madalas na tayo ay lubusang nakatuon sa sariling nating mga ministeryo anupama't nakakalimutan nating abutin ang mga naliligaw.


Mahalaga na pagtibayin ang pagkakabuklod-buklod ng kapatiran sa loob ng iglesya sa pamamagitan ng mga madalas na pagtitipon-tipon, maging sa panalangin man o sa mga maliliit na Bible study groups. Ngunit, mahalaga rin na tayo ay lumabas kahit ng kaunti sa ating mga iglesya. Tayo nga ba ay nakakapamahagi ng mga bagay patungkol sa Kaniya sa ating mga kaibigan, pamilya, katrabaho, at kaklase? Maaari tayong matuto ng lubusan sa lahat ng bagay patungkol sa kaligtasan (soteriology) subalit kung ang mga iyon ay hindi nagiging realidad sa ating mga buhay at sa pakikitungo natin sa mga hindi pa nakakakilala sa Kaniya, makapagbibigay ba ito ng kapurihan sa Pangalan Niya?


Matapos ang ilang mga pag-uusap sa buhay-iglesya ay naharap naman kami sa sitwasyon na kasalukuyang dinadanas ng mga iglesya dito sa Pilipinas partikular dito sa Mindanao. Tila mga Hudyong nangagkalat sa Dispersiya, ang mga maliliit na mga kongregasyon na ito ay naghahanap ng mga pastol na magpapalago sa kawan ng Panginoon sa lugar na iyon. Nawa'y sa mapagpalang kamay ng Diyos, kung Kaniyang pagkakaloobin, ay makapaglaan Siya ng mga manggagawa sa Kaniyang bukirin. At Siya rin nawa ang magbibigay ng karagdagan.


4. Nakakalungkot din na mabatid ang mga kuwento ng paghihirap at pagtutuligsa sa ating mga kapatid na naninirahan sa isang lugar na ang nakararami ay hindi-mananampalataya. Tayong mga nakararanas ng kalayaan at katiwasayan sa pangangaral ng Mabuting Balita ay maaaring mahulog sa kaisipan na atin ng maipagsawalang-bahala na ang bagay na ating tinatamasa ngayon. Tunay ngang ang ating mga kapatid sa malayo ay nagsisilbing kapita-pitagan na mga saksi sa isang bayan na hindi kinikilala ang Panginoon. Nawa'y sila ay bigyan ng kalakasan ng Banal na Espiritu sa kanilang pagpursige para sa gawa ng pagpapalawak ng kaharian ng Diyos. Nawa'y kanilang mahanap ang kaaliwan sa Mabuting Balita ng ating Panginoon na si Hesu-Kristo. Nawa'y tulad nila, tayo rin ay maging masigasig upang ipangaral ang Mabuting Balita sa mga hindi pa nakakakilala sa Kaniya!




Maraming salamat sa Panginoon sa bawat pagkakataong Kaniyang ibinibigay. Nawa'y ang bawat tunguhin ay maging para lamang sa kaluwalhatian ng Kaniyang Pangalan at sa ikalalago ng Kaniyang iglesya. Maraming salamat sa ating mga kapatid sa Mindanao, kayo ang aming kalakasan at kasiyahan.


Sa kanunay nagapasalamat kami sa Dios tungod kaninyong tanan, iniglakip namo kaninyo sa among mga pag-ampo!