"At dahil naman dito kami ay nagpapasalamat na walang patid sa Diyos, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Diyos, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya." (1 Tesalonica 2:13)
Ating natanggap ang kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, ang siyang ginagamit ng Diyos bilang instrumento upang tayo ay maging kabahagi Niya. Mahalagang bigyang-diin sa puntong ito na ang pananampalataya natin ay kasangkapan lamang at hindi ang saligan ni ang dahilan ng ating pagkamatuwid sa mata ng Diyos sapagkat ang natatanging dahilan lamang ng ating pagiging matuwid sa harapan Niya ay ang pagkamatuwid ni Hesu-Kristo. Higit sa lahat, ang pananampalatayang ito ay hindi galing sa ating sarili bagkus ay isang regalong ipinagkaloob ng Diyos sa atin (Efeso 2:8). Ang biyayang ito ng kaligtasan ay inihandog lamang sa mga tunay na mananampalataya na nananalig at yumayakap sa mga kasaganaan na na kay Kristo; silang mga lubusang nakakaalam ng di-sana-nararapat na awa ng Diyos at silang mga nagtitiwala na sila ay Kaniyang papanatilihin hanggang sa walang-hanggan. Subalit, ano nga ba ang tunay na pananampalataya?
Isa sa mga bagay na binigyang-pansin ng mga Protestante ay ang pagbibigay-kahulugan sa kung ano ang tunay na pananampalataya. Ayon sa kanila, ang Bibliya ay nagbibigay ng larawan ng tunay na pananampalataya na kung saan ay kinapapalooban ng tatlong aspeto: notitia, assensus, at fiducia.
Ang notitia sa wikang Tagalog ay maihahalintulad sa salitang "pagkabatid" o kaalaman sa isang bagay. Sa ating konteksto, ito ay tumutukoy sa intelektuwal na aspeto ng tunay na pananampalataya— ang nilalaman ng ating pananampalataya, ang mga bagay na ating pinaniniwalaan. Ito ay ang tiyak na kaalaman ng mga pangako ng Diyos at ang mga bagay na Kaniyang ipinahayag sa Kanyang Banal na Kasulatan. Marapat lamang na tayong mga mananampalataya ay magkaroon ng kaalaman sa mga bagay patungkol sa Diyos at sa ating kaligtasan sapagkat ang pananampalataya ay dapat na may panampalatayanan. Habang ito ay hindi kinakailangang maging malawak, marapat naman na ito ay nagtataglay ng sapat na kaalaman sa mga bagay patungkol sa Mabuting Balita.
Subalit maaaring maunawaan ng isa ang mga bagay na ating pinaniniwalaan. "Oo, alam ko na nilalang ng Diyos ang langit at lupa." "Oo, marahil nga na magaling na guro si Hesus." "Subalit wala naman akong pakialam doon, may pagkakaiba ba kung hindi ako naniniwala?" Dito papasok ang isang aspeto ng pananampalataya, ang assensus o sa madaling sabi ay "pagsang-ayon." Ito ang emosyonal na aspeto ng pananampalataya na kung saan tayo ay may lubusang katiyakan at paniniwala na ang mga bagay na ating pinanampalatayanan na nakalahad sa Salita ng Diyos ay tunay at totoo.
Panghuli ay ang fiducia na siyang puso ng tunay na pananampalataya. Kung wala nito, tayo ay walang pinagkaiba sa mga demonyo (Santiago 2:19). Ito ay tumutukoy sa pananalig at taos-pusong pagtitiwala kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas na kung saan ang tao, sa pagkaalam patungkol sa kaniyang sarili, ay tumatanggap na siya ay isang makasalanan at ang tangi lamang Niyang kaligtasan ay tanging kay Kristo lamang masusumpungan.
Tunay nga na ang pananampalataya ay yinayakap ang kabuuan ng Salita ng Diyos at lubusang naniniwala dito sa gana ng Banal na Espiritu. Ang tunay na pananampalataya ay may pinapatungkulan— ang Mabuting Balita na siyang paksa ng ating pananampalataya. Kung gayon, ano naman ang mga bagay na ating dapat na panampalatayanan? Ang suma total at kabuuang diwa ng Mabuting Balita ay ipinangaral ng Apostol Pablo sa 1 Corinto 15 na ating makikitang inilahad sa Kredo ng mga Apostol (Apostles’ Creed), ang buod ng pananampalatayang Kristiyano, ang mga bagay na ating pinaniniwalaan.
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento