Tinaguriang "Lungsod ng Ginintuang Pagkakaibigan," ang Cagayan de Oro sa Misamis Oriental, Mindanao ay tunay na maipagmamalaki ang kaniyang mga magigiliw at masiyahing mga Kagay-anon. At sa isang pagkakataong ipinagkaloob ng Panginoon, napatunayan nga na sa dakong iyon ay may pagkakaibigan na tila nangagdaan sa apoy subalit sa kalaunan ay naging pinagtibay na ginto.
Narito ang iilan sa mga pumasok sa aking isipan habang kami ay nandoon:
1. Nasaksihan ko ang isa sa mga gawain ng isa naming kaibigang pastor na si Rev. Stephen t' Hart ng Free Reformed Church of Baldivis, Australia doon. Nagturo siya ng isang klase patungkol sa doktrina ng iglesya (ecclesiology) sa nag-iisang Kristiyanong kongregasyon sa isang malapit na komunidad doon. At ito ang isa pang bagay na nakakataba ng puso, isinasalin ng kanilang pastor ang lahat ng sinasabi ni Rev. t' Hart sa wikang Cebuano— ang pangkaraniwang wika sa lugar. Makikita mo kung papaano napukaw ang atensyon ng mga kapatid sa pakikinig ng mga bagay na patungkol sa Diyos at sa Kaniyang iglesya. Mararamdaman mo rin ang kanilang pagkapanabik sa pagkaalam ng katotohanan ng Kaniyang Mabuting Balita na matatagpuan sa Kaniyang Banal na Salita.
Kung ating babalikan, laban sa pag-aangkin ng Iglesyang Romano Katolika, dalawang bagay ang binigyang-halaga ng mga Protestante noong ikalabing-anim na siglo—ang autoridad at kalinawan ng Banal na Kasulatan. Nariyan ang Sola Scriptura na nagsasabing ang Banal na Kasulatan ang tanging banal at huling autoridad para sa pananampalataya at buhay-Kristiyano, hindi ang Simbahan na siyang dapat ay tagapagsilbi lamang para sa Salita. Ipinaglaban din ng mga Reformer na ang Bibliya ay malinaw na naglalahad ng mga bagay na patungkol sa Diyos, sa ating sarili, at sa ating kaligtasan na maging ang pangkaraniwang tao ay mauunawaan at matututo sa pagkabasa nito.
Lubusang nakita ng mga Reformers ang kahalagahan ng pagkagamit ng wikang naiintindihan ng mga nakararami anupama't kakikitaan ito sa mga kapahayagang Reformed. Ayon sa Westminster Confession of Faith (1.8), sa kadahilanang "ang mga Kasulatan ay naisulat sa mga orihinal na mga wika na hindi alam ng nakararami, na siyang may karapatan at interes sa Banal na kasulatan, marapat lamang na sila ay isalin sa wikang nauunawaan ng karamihan." Para sa anong kadahilanan? "Upang ang Diyos ay kanilang sambahin sa paraang nakalulugod sa Kaniya at sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan mula sa Bibliya ay magkaroon sila ng pag-asa"
Hindi ba't ang mga Reformer ay nagsulat sa kanilang mga sariling wika tulad ni Martin Luther (Aleman) at John Calvin (Pranses)? Hindi nga ba't sila rin ay nagsalin ng Bibliya sa wika na maiintindihan ng mga ordinaryong mamamayan? Nawa'y ating maipamahagi ang Mabuting Balita sa mga kaparaanang mauunawaan ng ating mga tagapakinig, anuman ang estado ng kaniyang buhay. Tayo ay may tiwala sa Diyos na sa kabila ng kapayakan ng ating mga gawa, alam natin na Siya ay palaging kumikilos upang "ang pananampalataya ay [manggaling] sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo" (Roma 10:17).
2. Nakakapagbigay ng kasiyahan ang katotohanan na sa kabila ng pagkakaiba sa kultura at pananalita ay nagagawa nating magkaisa at makipagsalamuha sa kapwa mananampalataya kay Kristo. Walang banyaga sapagkat ang lahat ay nagsasalita ng iisang wika— si Hesu-Kristo! "Walang Hudyo, o Griyego, [o kung idadagdag ko man, walang Filipino, o Amerikano], walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus" (Galacia 3:28)!
3. Nagkaroon ako ng ilang mga pagkakataon upang magtanong kay Rev. Richard Bout ng mga bagay patungkol sa misyon, buhay-seminaryo, at iba pa kaugnay sa iglesya. Ayon sa kaniya, nakakatakot isipin na maaari tayong masanay sa ating pag-iisa bilang mga iglesya ng hindi natin nalalaman. Para tayong nakakubli at kuntento sa ating mumunting mga liwanag. Madalas na tayo ay lubusang nakatuon sa sariling nating mga ministeryo anupama't nakakalimutan nating abutin ang mga naliligaw.
Mahalaga na pagtibayin ang pagkakabuklod-buklod ng kapatiran sa loob ng iglesya sa pamamagitan ng mga madalas na pagtitipon-tipon, maging sa panalangin man o sa mga maliliit na Bible study groups. Ngunit, mahalaga rin na tayo ay lumabas kahit ng kaunti sa ating mga iglesya. Tayo nga ba ay nakakapamahagi ng mga bagay patungkol sa Kaniya sa ating mga kaibigan, pamilya, katrabaho, at kaklase? Maaari tayong matuto ng lubusan sa lahat ng bagay patungkol sa kaligtasan (soteriology) subalit kung ang mga iyon ay hindi nagiging realidad sa ating mga buhay at sa pakikitungo natin sa mga hindi pa nakakakilala sa Kaniya, makapagbibigay ba ito ng kapurihan sa Pangalan Niya?
Matapos ang ilang mga pag-uusap sa buhay-iglesya ay naharap naman kami sa sitwasyon na kasalukuyang dinadanas ng mga iglesya dito sa Pilipinas partikular dito sa Mindanao. Tila mga Hudyong nangagkalat sa Dispersiya, ang mga maliliit na mga kongregasyon na ito ay naghahanap ng mga pastol na magpapalago sa kawan ng Panginoon sa lugar na iyon. Nawa'y sa mapagpalang kamay ng Diyos, kung Kaniyang pagkakaloobin, ay makapaglaan Siya ng mga manggagawa sa Kaniyang bukirin. At Siya rin nawa ang magbibigay ng karagdagan.
4. Nakakalungkot din na mabatid ang mga kuwento ng paghihirap at pagtutuligsa sa ating mga kapatid na naninirahan sa isang lugar na ang nakararami ay hindi-mananampalataya. Tayong mga nakararanas ng kalayaan at katiwasayan sa pangangaral ng Mabuting Balita ay maaaring mahulog sa kaisipan na atin ng maipagsawalang-bahala na ang bagay na ating tinatamasa ngayon. Tunay ngang ang ating mga kapatid sa malayo ay nagsisilbing kapita-pitagan na mga saksi sa isang bayan na hindi kinikilala ang Panginoon. Nawa'y sila ay bigyan ng kalakasan ng Banal na Espiritu sa kanilang pagpursige para sa gawa ng pagpapalawak ng kaharian ng Diyos. Nawa'y kanilang mahanap ang kaaliwan sa Mabuting Balita ng ating Panginoon na si Hesu-Kristo. Nawa'y tulad nila, tayo rin ay maging masigasig upang ipangaral ang Mabuting Balita sa mga hindi pa nakakakilala sa Kaniya!
Maraming salamat sa Panginoon sa bawat pagkakataong Kaniyang ibinibigay. Nawa'y ang bawat tunguhin ay maging para lamang sa kaluwalhatian ng Kaniyang Pangalan at sa ikalalago ng Kaniyang iglesya. Maraming salamat sa ating mga kapatid sa Mindanao, kayo ang aming kalakasan at kasiyahan.
Sa kanunay nagapasalamat kami sa Dios tungod kaninyong tanan, iniglakip namo kaninyo sa among mga pag-ampo!
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento