Bakit kailangang maging tao ng ating magiging tagapamagitan? Una, sapagkat tao ang nagkasala ay dapat din na tao rin ang magbayad-pinsala. Pangalawa, upang siya, sa kalikasang tao, ay mamatay upang maging kabayaran sa hatol na iginawad sa sangkatauhan. Panghuli, upang mapangatawanan niya ang tao at bilang ang pangalawang Adan ay kaniyang tuparin ang tungkulin na hindi nagawa ni Adan.
Narito ang ating suliranin: ang ating pagsalansang sa Diyos ay sukdulan! Kung papaanong ang ating kasalanan ay kapalastanganan sa mata ng Diyos, kinakailangan na masapatan ang sukdulan na ito. Ngunit papaano iyon masasapatan ng tao kung ang tao ay may hangganan? Imposible, hindi ba? Kung tayo ay haharap sa Diyos, tayo ay maglalaho sa isang iglap.
Mahusay na isinalarawan ni John Calvin sa kanyang Institutes of the Christian Religion (2.7.2-3) ang buod ng mga gawa at pagkatao ng ating natatanging Tagapamagitan:
“...higit na kinakailangan para sa ganitong mga kadahilanan na Siyang ating Tagapagligtas ay dapat na maging tunay na Diyos at tao. Tanging sa kaniya lamang ang pagwaksi sa kamatayan, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang siyang Buhay mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang paglupig sa kasalanan, sapagkat sino pa bang makakagawa nito kundi ang siyang Katuwiran mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang pag-gupi sa mga kapangyarihan ng mundo, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang Makapangyarihang Isa na mas nakahihigit dito? Ngunit sino ba siyang nagtataglay ng buhay at katuwiran, at ang paghahari at pamamahala ng langit, ngunit ang Diyos lamang? Samakatuwid, ang Diyos, na siyang nagpasyang iligtas tayo dahil sa kaniyang hindi-masusukat na awa, ay naging ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng kaniyang Bugtong na Anak.
Ang isa pang punong bahagi ng ating pagkakasundo sa Diyos— ang tao, na siyang nagligaw sa kaniyang sarili sa kaniyang pagsuway, ay marapat na pasiyahan ang katarungan ng Diyos, at pagbayaran ang parusa ng kasalanan sa anumang kaparaanan. Samakatuwid, ang ating Panginoon ay dumating bilang isang tao at pinangatawanan ang kabuuan ni Adan upang magsilbing kahalili na siyang taos-puso't lubusang susunod sa kalooban ng Ama; upang kaniyang maihandog ang ating pagka-laman bilang halaga ng kabayaran sa makatuwirang paghatol ng Diyos, at sa parehong laman ay mabayaran ang parusa na ating natamo. Panghuli, dahil bilang Diyos, hindi siya maaaring magdusa ni mapuksa, at dahil ang tao ay hindi makakayang mapagtagumpayan ang kamatayan, pinag-isa niya ang kalikasan ng tao at ang pagiging Diyos, na maaaring niyang maiharap ang kahinaan ng pagka-Tao sa kamatayan bilang kaparusahan ng kasalanan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagka-Diyos, siyang nakipagbaka sa kamatayan, kaniyang natamo ang tagumpay para sa atin.”
Tunay nga, kailangan natin ng isang Tagapamagitan na hindi lamang tao subalit ay Diyos. Ang Mabuting Balita ay dumarating sa atin na nagsasabing tayo ay makakaharap sa Diyos bilang kaniyang mga anak dahil sa ating Tagapamagitang ito. Sino ito? Walang iba kundi ang ating Panginoong Hesu-Kristo, ang Salitang nagkatawang-tao.
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento