Huwebes, Enero 1, 2015

Ang Tangi Nating Kaaliwan na Hindi Matitinag


Tayo ay may kaaliwan na hindi tayo pag-aari ng ating mga sarili, sa halip, tayo ay sa Panginoong Hesu-Kristo. Subalit, papaano nga ba nating masasabi na ang ating kaaliwan na ito ay hindi kailanman matitinag?

Tayo ay may kaaliwan na kasing-tatag ng kahit na anumang moog na naitayo, na hindi mapaparam ng kamatayan ni kahit anuman, sapagkat “mabuhay man tayo o mamatay, tayo’y sa Panginoon” (Roma 14:8). At “sino ba ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo?” Wala. Wala. Wala (Roma 8:25-39).

Ngunit sa buhay na ito, patuloy na nanunukso at sumasalungat ang ating kaaway – ang diyablong si Satanas. Sa kanyang komentaryo ng Katesismong Heidelberg, nagbigay ng mga sagot si Zacharias Ursinus laban sa pag-aakusa nito.

“Ikaw ay isang makasalanan.”

At narito, ang aking tanging kaaliwan ay sumasagot – binayarang lubos ni Hesu-Kristo ang aking mga pagkakasala, at Kanya niya akong tinubos sa pamamagitan ng Kanyang mahalagang dugo, kaya’t hindi na ako pag-aari ng aking sarili bagkus ako ay sa Kanya na.

“Subalit ikaw ay isang anak ng kapootan at isang kaaway ng Diyos.”

Sagot: Ako nga, sa katunayan, ay ganyan sa aking kalikasan at bago ng aking pakikipagsundo sa Kanya, subalit ako ay naipagkasundo na sa Diyos at natanggap na sa Kanyang kalugdan sa pamamagitan ni Kristo.

 “Subalit ikaw ay siguradong mamamatay.”

Sagot: Inihango ako ni Kristo mula sa pagkakasakop ng kamatayan at nalalaman ko na dahil sa Kanya ako ay napalaya mula sa sumpa ng kamatayan patungo sa buhay na walang-hanggan.

     “Subalit maraming mga kapighatian ay sa iyo, o ikaw na matuwid, darating sa buhay na ito.”

Sagot: Gayon nga, subalit ako ay ipinagsasanggalang at kinukupkop ng aking Panginoon at ginagawa Niya ang lahat ng mga bagay na ito na maipagtugma-tugma para sa aking ikabubuti.

 “Subalit papaano kung ikaw ay mawala sa grasya ni Kristo? Sapagkat maaari kang magkasala, at mapanghinaan ng loob, sapagkat ang daan na patungo sa Langit ay mahaba at mahirap."

Sagot: Hindi lamang ipinagkaloob ni Kristo sa akin ang lahat ng Kanyang natamong mga biyaya, Kanya rin akong pinapanatili sa ilalim nila at binibigyan ako ng kasigasigan nang hindi ako mapanghinaan ni mahulog mula sa Kanyang grasya.

 “Ngunit paano kung ang kanyang grasya ay hindi pumaabot sa iyo, at ikaw ay hindi kasama sa bilang ng mga taong kabilang sa Panginoon?”

Sagot: Ngunit alam ko na ako ay kabilang sa lawig ng Kanyang grasya at ako ay kay Kristo, dahil ang Banal na Espiritu ay nagbibigay-saksi sa aking espiritu na ako ay isang anak ng Diyos at mayroon akong tunay na pananampalataya, sapagkat ang pangako ay para sa lahat ng sumasampalataya.

“Ngunit papaano kung ang iyong pananampalataya ay hindi pala tunay?”

Sagot: Alam ko na mayroon akong tunay na pananampalataya dahil mayroon akong budhi na may kapayapaan sa Diyos at may taos-pusong pagnanais at kagustuhan na manampalataya at sumunod sa Panginoon.

“Ngunit ang pananampalataya mo ay mahina at hindi lubos ang iyong pagsisisi.”

Sagot: Mahina man at hindi lubos, gayunpaman, ito ay tunay at walang pakunwari, at ako ay may katiyakan na  “sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay” “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!” (Lucas 19:26; Marcos 9:24)

Ito ang kaaliwan nating mga Kristiyano, ang kaaliwang hindi matitinag: na sa kabila ng mga kahirapan sa mundong ito,  si Kristo, at ang lahat ng Kaniyang mga biyaya, ay natatamo natin. Tayo ay mga tunay na anak ng Diyos.

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento