Nitong mga nakaraang araw lang ay nakapanood ako ng isang pelikula tungkol sa isa sa mga magigiting na bayaning Pilipino. Ginugol ko ang mga sumunod na araw sa pagbabasa ng mga aklat patungkol sa kasaysayan ng ating mga bayani at maging ng ating bansa. Simula pa ng ako'y bata pa lamang ay napukaw na ang aking kagustuhan sa mga personalidad at mga kaganapan sa nakaraan. Tunay nga na ako ay maituturing na mahilig sa anumang bagay na may relasyon sa kasaysayan.
Minsan ay naturan ng isa sa aking mga kapatid sa pananampalataya, na isa ring mahilig sa anumang usaping historikal, ang katotohanan na kumikilos ang Diyos sa ating panahon. Sa probidensya ng Diyos, ang pagkasakop ng Pilipinas ng mga dayuhang Espanyol sa loob ng mahigit tatlong-daang taon ay nagsilbing paghahanda sa kawan ng Diyos sa dakong ito patungo sa kaalaman ng kanyang Mabuting Balita na inihatid ng mga misyonerong Amerikano. Kung hindi dahil sa pagkatuklas ni Fernando Magallanes sa mga islang ito sa Silangan, malamang tayo ay naging isang bansang Muslim o kaya'y isang bansa ng mga pagano.
May mga panahong dumarating na tayo ay napag-iisip: "Paano kaya kung hindi ito nangyari?" "Paano kaya kung ito naman ang nangyari imbis na ganito?" "Paano naman kung ito ang mangyari?"
Wala tayong kasiguraduhan sa mga sagot sa mga tanong na iyan. Subalit, mayroon tayong tiyak na kaalaman na ang Diyos ang nagtakda at nagpangyaring-ganap ng lahat ng mga bagay.
Sa kanyang talumpati sa mga tagapakinig sa Areopago (Gawa 17:21-31), ipinahayag ni Pablo ang katotohanan patungkol sa Diyos na Siyang "gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto" at Siyang "Panginoon ng langit at ng lupa." Siya rin ang "nagbibigay sa lahat ng buhay, ng hininga, at ng lahat ng mga bagay." Sa Kaniyang paglikha ay sinimulan ng Diyos ang ating kasaysayan. Nilikha Niya ang tao upang Siya ay "papurihan at kagalakan magpasawalang-hanggan" (Maikling Katesismong Westminster). Subalit nahulog sa kasalanan ang ating mga ninuno kaya't ang "buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin" (Roma 8:22). Napasinayaan ang Mabuting Balita matapos na magkasala ang tao nang ipinangako ng Diyos ang isang binhi na dudurog sa binhi ng serpiyente (Genesis 3:15) at siyang magpapanumbalik ng karingalan ng nilikha Niya. Sa kanyang aklat na City of God, sinabi ni Augustine na ang kasaysayan sa ating panahon ay nahati sa dalawang binhi na ito, ang dalawang lungsod na kung saan "ang makamundong lungsod ay pinamumunuan ng pag-ibig sa sarili at pagkasuklam sa Diyos at ang makalangit na lungsod ay pinamumunuan ng pag-ibig sa Diyos at pagkasuklam sa sarili" (XIV.28) Sa napakabuting karunungan ng Diyos ay Kaniyang minagaling na ang dalawang lungsod na ito ay mamuhay ng magkasabay sa mundong ito ng minsan ay may kapayapaan subalit madalas may pagkakatuligsa. Lumago ang dalawang binhing ito maging ang kabihasnan ng tao at nangalat sila sa lupa (matapos ng Malaking Baha). Sa puntong ito ay maaalala natin ang winika ni Pablo na "ginawa Niya sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan" (Gawa 17:26).
Sa mga sumunod na kabanata ng aklat ni Augustine ay nagbigay siya ng pagtalakay ng pagsulong ng kasaysayan ng daigdig mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Napakahusay nga ng pagbuklat ng bawat pahina ng kasaysayan at ating masasaksihan kung papaano yumabong ang bilang ng tao at sa kumpol na ito ay pumili ang Diyos ng isang bayan para sa Kaniyang Pangalan na kung saan Siya ay naghatid ng mga pangako una sa mga Hudyo at sa ngayon ay maging sa mga Hentil. At "nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak" (Galacia 4:4).
Sa mga sumunod na kabanata ng aklat ni Augustine ay nagbigay siya ng pagtalakay ng pagsulong ng kasaysayan ng daigdig mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Napakahusay nga ng pagbuklat ng bawat pahina ng kasaysayan at ating masasaksihan kung papaano yumabong ang bilang ng tao at sa kumpol na ito ay pumili ang Diyos ng isang bayan para sa Kaniyang Pangalan na kung saan Siya ay naghatid ng mga pangako una sa mga Hudyo at sa ngayon ay maging sa mga Hentil. At "nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak" (Galacia 4:4).
Kung babalikan si Pablo, ginawa ito ng Diyos upang "kanilang hanapin [Siya] baka sakaling maapuhap nila siya at Siya'y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin" (Gawa 17:28). Hitik na ang panahon at "ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Diyos; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos Niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako: sapagka't Siya'y nagtakda ng isang araw na Kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking Kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang Siya'y buhayin niyang muli sa mga patay" (Gawa 17:30-31).
Ang Diyos ay ang Simula at ang Huli at Siyang Panginoon ng kasaysayan. Simula sa pagkalikha ng mundo na nahulog sa pagkasala ng unang tao ay natamo ng kasaysayan ang rurok nito nang ipinanganak si Hesus na siyang Kristo, ang Salita na nagkatawang-tao, na namatay sa krus at muling-nabuhay. Pumanhik Siya sa langit at naupo sa kanan ng Ama at ngayo'y pinamumunuan ang Kaniyang iglesya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng Kaniyang Salita. At sa kaganapan ng lahat ng mga bagay, Siya ay babalik upang hatulan ang mundo sa Araw ng Paghuhukom at ihatid ang panibagong langit at lupa at ang buhay na walang-hanggan. Kung ang layunin ng Diyos ay matutupad, tunay nga at marapat lang na ang kabuuan ng kasaysayan ng mundo ay dapat nating tingnan ng may kaugnayan sa mga bagay na ito at sa kawalang-hanggan.
Subalit papaanong ang kaalaman na ito ay makatutulong sa atin? Ano ang kapakinabangan nito sa atin?
Sa kanyang aklat na Institutes of the Christian Religion, sinabi ni John Calvin na ang "paglikha [ng Diyos sa lahat ng bagay] at ang [Kaniyang] probidensya ay magkakabit at hindi-maipaghihiwalay" (I.xvi.1). Sa mga sumunod na mga talata rin ay pinagtibay ni Calvin na ang probidensyang tinutukoy niya ay nangangahulugan na "ang Diyos sa langit ay hindi lamang nakapanood sa lahat ng nangyayari sa lupa ng walang anumang ginagawa bagkus ay kaniyang ginagawang ganap ang lahat ng mga bagay" (I.xvi.4). Tunay nga na ang Diyos ay hindi naglikha at basta-basta na lamang iniwan ang Kaniyang gawa. Sa pagkalikha nga ng lahat ng mga bagay, sa simula ng kasaysayan, ay nasa likod na ang mga kamay ng Diyos. Ipinapakilos Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kaniyang hindi-malirip na karunungan para sa naaayon nitong tunguhin. Hindi ba't "sa Kaniya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa Kaniya ang ating pagkatao" (Gawa 17:28) at "inaalalayan Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng [Kaniyang] kapangyarihan" (Hebreo 1:3)?
Tangan-tangan ang kaalamang ito, tayong mga nabubuhay sa panahong ito ay makaaasa, na tulad ni Jose na anak ni Jacob, tayo ay magkakaroon ng pagtitiyaga at kapanatagan na kahit na may mangyaring masama sa atin, "inilagay ng Diyos [ang mga ito] para sa [ating] kabutihan" (Genesis 50:20). Tayo ay may katiyakan sa kinabukasan na darating sa atin na kahit na ang mundo ay tila isang barkong papalubog at ang mga kaganapan sa paligid ay hindi na kanais-nais, tayo ay may pastol na siyang kasama natin "bagaman [tayo'y] lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan" (Awit 23). Gayon na lamang ang tuwa ni Calvin sa pagkaalam ng probidensya ng Diyos at tinawag niya ito na "kaaliwan ng mga mananampalataya."
Wow, bro! Keep it up!
TumugonBurahinSalamat sa encouragement. Na-appreciate ko.
TumugonBurahin