Lunes, Mayo 11, 2015

Ang Hangarin ng Isang Manunulat



“Itinuturing ko ang aking sarili na kabilang sa mga nagsusulat habang sila ay natututo at natututo habang sila ay nagsusulat.” — Augustine

Kamakailan lamang ay nakatanggap ang may-akda ng blog na ito ng ilang mga mabubuting komento patungkol sa mga nakasulat dito. Ang mga ganitong bagay, hindi-inaasahan at napakapayak man kung maituturing, ay nakakataba ng puso at nakakapaghatid ng kagalakan sa isa. Siya ngayon ay nagsulat upang magsilbing pasasalamat sa mga mambabasa at pagpapanumbalik sa hangarin na mayroon siya noon.

Sa puntong ito, dalawang bagay ang nais niyang sabihin. Tunay nga na may panganib sa mga papuri na galing sa ibang tao ngunit ito ay dahil sa kalabisan at kasinungalingan ng ilan, at sa pagiging mapanlinlang ng ating mga puso. Subalit, ang pag-abuso sa isang bagay ay hindi dahilan upang iwaksi natin ang tamang paggamit nito.

Hindi ba’t may lugar ang pagsasambit ng mabubuting bagay patungkol sa isa? (Kawikaan 27:2; Roma 14:19; 1 Tesalonica 5:11). Hindi ba’t ang mga Reformers ay nagbigay ng kani-kaniyang mga komendasyon para sa isa’t-isa?

Hindi rin masama ang magsulat ng mga bagay na patungkol sa sarili maliban lamang kung ito ay para lamang sa sariling kaluwalhatian. Hindi ba’t si apostol Pablo ay nagbanggit ng mga bagay na patungkol sa kaniyang sarili sa kaniyang mga liham? Hindi ba’t ang mga paborito nating mga may-akda ay nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa kanilang mga aklat? Sino nga ba ang hindi pa pamilyar sa Confessions ni Augustine? Nawa’y ang pagmumuni-muni na ito ay magkaroon ng kabuluhan sa mambabasa.

Maraming mga bagay pa ang maaaring mabanggit patungkol sa mga ito subalit ang mga iyon ay nangangailangan ng hiwalay na mga blog entry.

Nang dahil sa mga mabubuting puna na nanggaling sa ilang mga kapatid, kaniyang binalikan ang blog na ito. Isa sa mga layunin ng pagkakatatag ng blog na ito ay maihatid ang pananampalatayang Kristiyanismo sa wikang naiintindihan ng nakararami sa lugar na ito. Ang pagnanais na ito ay nagmula sa kaniyang karanasan bilang isang dating mag-aaral ng mga Saksi ni Jehovah bago siya naging Kristiyano sa isang megachurch. Nakita niya kung papaanong lubos na mabisa ang paghatid ng kaalaman sa pananalitang alam ng payak na mamamayan. Alam natin na hindi lahat ay may kakayahang makaunawa sa Ingles, at maging tayo man minsan ay nagkukulang sa pagkaunawa sa ilang mga bagay. Dala na rin marahil ng pagkasabik sa pamamahagi ng salita ng Diyos sa kaninuman ang nagbigay ng inspirasyon sa kaniya.

Tunay nga na isa itong malaking tunguhin at hindi rin biro ang maisalin ang ilan sa mga isinulat ng mga banyagang mga kapatid sa pananampalataya ng hindi nawawala ang kanilang pakahulugan at intensyon.

Nakalulungkot isipin na, sa paglipas ng mga araw, ang tunguhing ito ay nakalimutan ng may-ari ng blog na ito. Dalawang bagay ang dahilan, una ay ang kawalan ng panahon. Pangalawa ay ang pagkatakot na walang nagbabasa ng kaniyang mga kinatha.

Subalit ang mga komento ng ilang mga kapatid ay siyang kahit papaano ay nagsilbing patunay na may iilan na tumangkilik sa kung anuman ang maihahandog ng blog na ito. Naalala rin ng may-akda na siya rin ay minsang nakatagpo ng isang blog article na hindi naman gaano kasikat subalit iyon ang naging daan upang siya ay mabigyan ng introduksyon sa mga bagay na pinanampalatayanan niya ngayon. Tayo ay hindi gumagawa ng mga bagay para sa Diyos para sa ikatatanyag natin subalit para sa ikaluluwalhati ng Pangalan Niya.

Lalong nagpatibay sa kaniya ay ang pagkatuklas na hindi lamang siya ang nagkaroon ng ganoong suliranin. Bagama’t hitik ang kaniyang panulat, minsan na ring nahirapan ang bantog na Protestante na si John Calvin sa kaniyang pagsulat. Sa aklat ni Jean Fran├žois Gilmon na John Calvin and the Printed Book, kaniyang sinabi na siya [si Calvin] mismo ay nahirapang magbigay ng panahon sa pagsulat ng kaniyang mga komentaryo dahil na rin sa ilan niyang mga responsibilidad. Subalit siya ay nagpatuloy bagama't may karamdaman. Sa tawag ng pangangailangan at ng kaniyang tungkulin, higit sa lahat ay ang pagbibigay ng kaluwalhatian sa Panginoon, siya ay naglaan ng mga pagkakataon upang magpatuloy sa pagsulat. Naging inspirasyon ang Reformer na ito, na siyang “patuloy na nagbasa, at nagsulat, at nagdasal kahit na ang iba ay natutulog o kaya’y naglilibang,” ayon kay John T. McNeill; siya ay nagpagal para sa ikalalago ng iglesya at sa ikapupuri ng pangalan ng Diyos.

Magandang balikan sa puntong ito ang sinulat ni Calvin sa kaniyang liham para sa mambabasa ng Institutes of the Christian Religion, na siya ring nais ng manunulat ng blog na ito— ang kaniyang tunguhin sa pagsulat ay “ihanda at turuan ang mga [mananampalataya] sa pagbasa ng banal na Salita at lumago rito ng hindi natitisod o naliligaw ng landas.” Tulad ng kaniyang pagbati sa dulo ng liham, nais din ng manunulat na ito na ang mambabasa ay “makinabang sa lahat ng kaniyang gawa, at tulungan siya sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin sa Diyos na ating Ama.”

Tulad ng siniping kasabihan ni Augustine sa unahan ng sanaysay na ito, ang hangarin ng manunulat na ito ay ipamahagi ang kaniyang natututunan sa pamamagitan ng pagsulat at sa gayunding kaparaanan, siya ay magsumikap na matuto habang siya ay nagsusulat.

Nawa’y maging kasangkapan ng Diyos ang blog na ito, pati ang may-akda na Kaniyang mapagpakumbabang lingkod, sa pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa “buhay na walang hanggan, na [ang PANGINOON] ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo” (Juan 17:3).

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento