Biyernes, Mayo 15, 2015

Siya na Lumalang, Siya na Ating Ama



Nitong mga huling araw ay nawili ako sa pagkuha ng mga litrato ng mga ulap. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na kunin ang aking mobile phone upang kunan ng larawan ang magagandang tanawin na iyon. Sa kaniyang komentaryo sa Mga Awit, sinabi ni John Calvin na ang “buong mundo ay ang tanghalan ng kaluwalhatian ng Diyos” na kung saan tayo ay Kaniyang inaanyayahan upang magnilay-nilay sa Kaniyang kabaitan, karunungan, katarungan, at kapangyarihan.

Sa unang mga salita ng Bibliya ay matatagpuan na "nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Isa sa mga pangunahing kapahayagan ng pananampalatayang Kristiyano ang nagsimula sa linyang "Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan-sa-lahat na lumalang ng langit at lupa" (Kredo ng mga Apostol). Ang paglalang ng Diyos sa lahat ng bagay ay isa sa mga paniniwalang Kristiyano na ating lubusang tinatanggap na tunay. Ang katotohanang ito ang nagsasabi sa atin na ang Diyos na siyang Makapangyarihan-sa-Lahat ay ang panimula ng lahat ng mga bagay.

Tatlong bagay ang dapat nating isaalang-alang sa puntong ito:

Una, ginawa ng Diyos Ama ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng Anak (Juan 1:3) at ng Banal na Espiritu na siyang sa atin ay maylalang, at ang hininga na nagbibigay sa atin ng buhay (Genesis 1:2; Job 33:4).

Pangalawa, nilikha Niya  ang lahat ng bagay "ex nihilo," o sa ating wika ay "galing sa wala," sa pamamagitan lamang ng Kaniyang  makapangyarihang Salita, sa loob ng anim na araw at ang lahat ng ito ay mabuti.

At panghuli, ang paglikha ng lahat ng mga bagay, nakikita at di-nakikita, ay ginawa ng Diyos bilang isang malayang gawa, ayon lamang sa kaniyang pasiya at kalooban (Efeso 1:11; Apocalipsis 4:11); sapagkat hindi Niya kinakailangan ang anumang mga bagay. taliwas ito sa sinasabi ng karamihan na nilikha Niya ang sanlibutan dahil sa malungkot Siya o kaya’y nakita Niya na mamahalin siya ng mga taong lilikhain niya.

Subalit kung papaano ang mundo at ang kaayusan nito ay hindi basta na lamang umusbong sa gana nitong sarili, hindi rin nito kayang panatilihin ang sarili. Mabuti na ating isaisip na ang buong kinapal ay hindi bahagi ng Diyos at umiiral na kaiba sa Kaniya (kontra sa pantheism na nagtuturong ang Diyos ay ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay Diyos). Subalit ito ay hindi magpapatuloy sa pag-iral na hiwalay sa mga kamay Niya (kontra sa deism na nagtuturong ang Diyos ay nilikha ang lahat ng bagay at iniwanan na lamang ito sa gana nitong sarili).

Ang ating Diyos, na hindi katulad sa kalimitang ginagamit na analohiya patungkol sa pag-iral ng Diyos na maylikha ng relo na iniwan sa lansangan, ay hindi basta na lamang iniwanan ang Kaniyang nilikha bagkus ay patuloy na kumikilos at umaalalay para sa pagpapanatili nito. Ating makikita sa Banal na Kasulatan na sa kaniyang pangangalaga, ang Diyos ay patuloy na pinapanatili at nahahawakang sama-sama ang lahat ng mga bagay (Awit 136:25; 145:15; Nehemias 9:6; Gawa 17:28; Colosas 1:17; Hebreo 1:3).

Kung sa gayon, papaano ba kumikilos ang Diyos? Siya ba ay kumikilos ng tuwiran? Hindi sa lahat ng pagkakataon, kadalasan ay gumagamit Siya ng mga di-tuwirang kasangkapan (o sa Ingles ay tinatawag na "secondary causes"). Pinapakilos ng Diyos ang lahat ng mga bagay at pangyayari ayon sa Kaniyang kalooban (Deuteronomio 8:18; Awit 104:20, 21,30; Amos 3:6; Mateo 6:45; 10:29; Gawa 14:17; Filipos 2:13).

Tunay nga na ang kaalaman ng paglalang ng Diyos sa lahat ng mga bagay galing sa wala ay naghahatid sa atin ng kaaliwan. Bakit? Sapagkat kung Kaniyang nagawa ang lahat gamit ang Kaniyang kapangyarihan, kaya rin Niyang panatilihin tayo at pakaingatan laban sa masasama. Sa katulad na kadahilanan, ang kaalaman naman ng pangangalaga ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan na ang lahat ng mga bagay ay nasa ilalim ng mapatnubay at mapag-arugang mga kamay ng ating Ama. Ang Diyos na siyang Maylalang ng lahat ng mga bagay at siyang Tagapanatili nito ay siya ring lumikha sa atin at Siya ring naging ating Ama na sa atin ay nagmamalasakit. Dahil kay Kristo, tayo ay inampon Niya bilang isang anak at nakatanggap ng "espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba, Ama!" (Roma 8:15).

Sa Kaniya, tayo ay tiwalang lubos kung kaya’t wala tayong pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito. Makatitiyak tayo na kaya Niyang gawin ito dahil Siya ay ang makapangyarihang Diyos at nagnanais Siya na gawin ito dahil sa Siya’y isang matapat na Ama (Katesismong Heidelberg 26).


Ating purihin ang Diyos na siyang Maylalang sa karingalan ng kanyang mga gawa (Awit 104)! Papuri sa ating "Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kaniya, at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya" (1 Corinto 8:6)!

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento