Lunes, Agosto 31, 2015

Si Hesus na Siyang Kristo



Ngayong araw ng mga Bayani, maraming mga pangalan ang papasok sa ating mga isipan. Nariyan ang mga bantog na Filipino na minsan ay ipinaglaban ang ating kalayaan. Nariyan din ang mga tanyag na taguri sa kanila, ang "Supremo," "Gat," atbp. Nakakabit sa kanilang pangalan ang dangal na inihatid ng kanilang mga nagawa.

Ngunit, ano nga ba ang nasa pangalan ng isang tao? Malamang ay nakakita na kayo ng mga aklat na may listahan ng mga pangalan na ibinibigay sa mga bagong-panganak na sanggol. Ang aking magulang ay pinangalanan akong Ryan na nangangahulugang "maliit na hari". Nakatutuwang isipin na tanging ang pagiging maliit lamang ang aking nakuha sa kahulugan ng pangalan kong iyon.

Sa Bibliya, makikita natin ang kahalagahan ng pangalan na ibinibigay ng Diyos ayon sa kabuuan ng kasaysayan ng Kaniyang kaligtasan. Nariyan ang manunugis na si Saulo na naging ang apostol na si Pablo na siyang ginamit ang Griyegong katumbas ng kaniyang pangalan para sa kaniyang pangangaral ng Mabuting Balita sa mga Hentil. Sino rin nga ba ang makakalimot kay Abram (na sa wikang Semitiko ay nangangahulugang “iginagalang na ama”) na siyang naging Abraham na nangangahulugang “ama ng maraming bansa” (Genesis 17:5)? Alalahanin din na si Jacob na “mandaraya” ay siyang naging si Israel na “nakipagtagumpayan sa Diyos” (Genesis 32:27-28). Hindi rin mawawaglit sa isipan si Josue na siyang naging pinuno ng Israel pagkamatay ni Moises at siya ring naghatid sa bayang ito patungo sa ipinangakong lupa sa Canaan. Ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “si Yahweh ay ang kaligtasan.” Pansinin na siya ay isang larawan na nagtuturo sa Isa, na siyang magiging kaligtasan ng sinumang mananampalataya sa Kaniyaang ating Panginoong si Hesus.

Subalit huwag lamang tayo basta tumingin sa pagpapakahulugan ng pangalan bagkus ating ituon ang ating pansin sa Kaniyang gagampanan. Sa isang gabi, sinabi ng anghel kay Jose, na asawa ni Maria, “Siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Hesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:21).

Kung Siya lamang ang ating natatanging Tagapagligtas (Gawa 4:12, Juan 3:18, 1 Juan 5:11, 1 Timoteo 2:5 Isaias 43:11), marapat ba na tayo ay maghanap pa sa iba ng kaligtasan? May iilan na nagsasabing kanilang niluluwalhati ang Panginoong Hesus bilang Tagapagligtas subalit ibinabaling pa ang kanilang sarili sa mga santo, sa salaping-kaloob sa simbahan, sa mga gawa, sa mga pag-aayuno, pagdarasal, at pagbibigay ng tulong sa iba. Ating maitatanong kung tunay nga ba silang nananalig ng lubusan sa Kaniya bilang Tagapagligtas. Sa kabilang panig, tayo naman ay makakasagot ng oo! Tunay nga at Siya lamang natatangi!

Nakakatuwa na nakakalungkot ding isipin na marami sa atin na kapag narinig ang pangalang Hesu-Kristo, naniniwala sila na ang salitang “Kristo” ay ang kanyang apelyido na kung papaanong naniniwala rin ang ilan na ang "Caesar" sa dulo ng pangalan ni Augustus o ni Julius ay kanila ring mga apelyido. Ang pagpapakahulugan ng salitang Griyego na "Christos" (kung saan nakuha ang Tagalog na Kristo) ay makikita natin sa Lumang Tipan pa sa kahambing nitong salita sa Hebreo—"Messiah" o sa katumbas nito sa Tagalog na "ang Pinahiran".

Pinahiran? Anong ibig sabihin ng pinahiran? Noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga may mahahalagang tungkulin ay pinapahiran ng langis sa kanilang pagkakatalaga. Nariyan ang unang hari ng Israel na si Saulo na siyang pinahiran ng langis ng propetang si Samuel (1 Samuel 10:1) at gayundin ang tanyag na si Haring David (1 Samuel 16:13). Sa ganitong kaparaanan, ipinapakita ng Diyos na ang hari ng Israel ay Kaniyang pinili at biniyayaan. Makikita rin natin na ang mga saserdote at ang mga propeta ay pinahiran din ng langis sapagkat sila ay inihiwalay ng Diyos upang maging Kaniyang lingkod para sa Kaniyang layunin (Exodo 28:41, 1 Mga Hari 19:16).

Ipinangako ng Diyos sa mga Israelita ang isang Mesiyas na magliligtas sa kanila sa kanilang mga kasalanan. At ang Pinahirang ito ay mas higit pa sa mga propeta, saserdote, at hari ng Israel. Ayon sa Katesismong Heidelberg 31, siya ay tinawag na Kristo, “sapagkat Siya ay itinalaga ng Diyos Ama, at hinirang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na maging ating Punong Propeta at Guro na Siyang lubos na nagpahayag sa atin ng lihim na payo at kalooban ng Diyos tungkol sa ating katubusan; na maging ating tanging Punong Saserdote na Siyang nagtubos sa atin sa pamamagitan ng minsanang pag-alay ng Kanyang buhay bilang handog at Siyang nagpapatuloy na namamagitan para sa atin sa harapan ng Ama; at maging ating walang hanggang Hari na Siyang namamahala sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at Espiritu, at Siyang nagtatanggol at nag-iingat sa atin sa katubusang tinamo Niya para sa atin.”

Si Kristo ay ang ating Dakilang Propeta (Gawa 3:22) na siyang nagpakilala sa Ama (Juan 1:18) at siyang “tunay na larawan ng kanyang likas” (Hebreo 1:3). Siya na nagpahayag at nagpakita ng kalooban ng Diyos ay siya ring nagtupad nito para sa atin.

Si Kristo ang ating Punong Saserdote (Hebreo 7:17). Ang mga saserdote ng huli ay nag-aalay ng mga sakripisyo at pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa Araw ng Pagtubos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan. Subalit si Kristo ay pumasok na sa Dakong Banal at siyang naging alay (Hebreo 9:12, 25-26). Ginawa Niya ito “minsan magpakailanman nang kanyang inihandog ang kaniyang sarili” (Hebreo 7:27) at naupo na sa kanan ng Ama at doon ay patuloy na namamagitan para sa atin (Hebreo 10:11-18).

Si Kristo ang Namumunong Hari (Mateo 21:5) at ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay sa Kaniya. Ipinagpunyagi Niya tayo bilang kaniyang bayan laban sa kamatayan at sa kasalanan. Kaniyang ipinagtatanggol at pinamumunuan tayo bilang kaniyang Iglesia sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at Espiritu.

Bilang ating Nakatatandang Kapatid na kung saan tayo ay kabahagi Niya at unti-unting hinuhubog ayon sa kanyang larawan, tayo ay gumaganap din ng katulad na mga katungkulan bilang mga Kristiyano. Ating ipinapangaral ang katotohanan sa Diyos bilang mga propeta, iniaalay natin ang ating mga buhay bilang mga saserdote, at ipinagpupunyagi natin ang pananampalataya laban sa kasalanan at sa kaaway at pinapamunuan ang buong nilikha bilang mga hari.

Lunes, Hulyo 6, 2015

Hindi Magwawagi Laban sa Kaniyang Iglesya


Sa mga nakaraang mga araw ay tila dinaanan ng bagyo ang karamihan ng mga Kristiyano sa mga kaganapan sa Estados Unidos at maging sa Gitnang Silangan. Marami ang nagbigay ng kani-kanilang mga pahayag upang ipagtanggol ang katotohanan at nagwika ng mga salita ng pag-asa sa kalagitnaan ng napipintong pag-uusig. Sa halip na ulitin o makibahagi sa mga nasabi ng ilan—tunay na mga mahuhusay na lathalain patungkol sa mga isyu, nais kong magdagdag lamang ng maikling mensahe para sa ating kaaliwan. Saan ba masusumpungan ito? Marapat na tumungo tayo sa winika ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa Bibliya, partikular sa Mateo 28:18-20.
Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon."
Kilalang-kilala ng lahat ng mga Kristiyano sa daigdig ang tekstong ito na tinatawag na “The Great Commission.” Ito ang isa sa mga kadalasang maririnig kapag may mga evangelical meetings o kaya’y mga pagpupulong tungkol sa pagmimisyon. Tunay nga na ibinigay ng ating Panginoong Hesu-Kristo ang tungkulin ng Iglesya–ang gumawa ng mga alagad, bautismuhan sila sa pangalan ng Banal na Trinidad, at turuan sila ng mga bagay na itinuro Niya. Subalit, may dalawang bagay na nakapaloob sa bantog na mga tekstong ito na siyang nagbibigay ng katiyakan at kaaliwan sa iglesyang nasa gitna ng sanlibutan ang hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng karamihan.

Pansinin na sa panimula ni Kristo sa utos na ito ay kaniyang sinabi, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin” (Mateo 28:18). Sa dulo na naman ay kaniyang tinapos ito sa pagwikang “ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (v.20). 

Narito, ang siyang nagbigay ng utos ay ang Nagpupunong Hari na Makapangyarihan-sa-Lahat at siya ring kasa-kasama natin magpasawalang-hanggan.

Sino pa nga ba ang panghihinaan na gawin ang naiatas sa kaniya kung ang nagbigay nito ay ang Pinuno ng langit at ng lupa? Tunay nga na sapat na dahilan upang magkaroon ng sigasig sa kabila ng anumang mga balakid.

Ano'ng katiyakan nga ang mayroon tayo? Tiyak na tiyak! Tayo ay may kumpiyansang magpatuloy sa gawain ng Kaniyang Kaharian. Sa loob ng maraming siglo, ang Iglesya ay makailang ulit na humarap sa kaguluhan, digmaan, maling katuruan, at mga kapighatian. Subalit, patuloy itong nakatayo at lalo pang nagpapatibay sa pananampalataya sa Kaniyang Mabuting Balita sa lahat ng panahon sapagkat ang siyang nagwika na Hari at Kasama nito ay siya ring Tapat at Totoo. Hindi ba’t ang Panginoon ang siya mismong nagtayo ng iglesyang ito ay nagsabing maging ang “mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya” (Mateo 16:18)?

Magbago man ang sanlibutan, lumala man ang mga kaganapan, tayo ay may pag-asa na si Kristo, ang ating nagpupunong Hari na kasa-kasama natin, ay babalik sa panahon na kung saan kaniyang gagawing ganap ang lahat ng pangako ng Diyos at “ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya’y maninirahang kasama nila, at siya’y magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man” (Apocalipsis 21:3-4).

Tayo ay makakaawit ng tulad sa mga linya ng himnong "The Church's One Foundation":

"Sa gitna ng paghihirap at pasakit,
at sa kaguluhan ng kaniyang pakikidigma,
kaniyang inaasam ang katuparan
ng kapayapaan magpasawalang-hanggan
Hanggang sa, na may maluwalhating pagtanaw,
ang kaniyang nananabik na mga mata ay mabiyayaan
At ang dakilang Iglesyang nagpupunyagi
ay maging ang Iglesyang nasa kapahingahan."

Lunes, Hunyo 15, 2015

Kunin at Basahin: The Confessions of St. Augustine


“Ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang sa sila ay makapahinga sa Iyo.” – Augustine

Pamilyar na pamilyar sa atin ang mga salitang ito mula sa bantog na aklat na “The Confessions of St. Augustine” anupamat kayang-kaya nating sambitin ang mga linyang ito mula sa memorya ng napakadali. Subalit, sino nga ba sa atin ang tunay na nakapagbasa na o nakakaalam ng iba pa niyang mga sinabi sa aklat na iyon?

Sa puntong ito, tingnan muna natin ang isang maikling introduksyon upang ating makilala ang may-akda. Si Aurelius Augustinus, o mas kilala sa tawag na Augustine of Hippo, ay ipinanganak sa bayan ng Thagaste na ngayon ay isang lugar (Souk Ahras) na malapit sa silanganang bahagi ng bansang Algeria ngayon. Sa kapanahunan niya, ang pook na ito ay isa sa mga naging lugar na kung saan may pagkakahalo ng kultura ng iba’t ibang mga grupo –ang mga Griyego, Romano, at maging mga Hudyo ay minsan nang nakipagkalakalan, o nanakop, sa mga lupain dito.  Sa ganitong uri ng kapaligiran, siya ay lumaki sa isang pamilya na may pulitikal at relihiyosong pagkakakilanlan: ang kaniyang ama na si Patricius ay isang konsehal habang ang kaniyang inang si Monnica ay kilala sa mga Kristiyanong pamayanan sa lugar na iyon.

Lumaki ang batang si Augustine ng may angkin na katalinuhan. Sa kaniyang murang edad ay nakakitaan na siya ng potensyal. Sa edad na labing-isa, siya ay ipinadala sa Romanong lungsod ng Madaurus, tinaguriang kuta ng paganismo noong panahon na iyon, upang mag-aral ng Latin at ng mga paganong literatura at maaaring doon ay nakapagbasa siya ng ilang mga gawa ng mga pilosopong si Plato at Cicero. Bumalik siya sa kanila dahil sa kakulangan ng ipansasapat sa mga gastusin subalit may nag-alok ng suporta upang makapag-aral siya sa mga paaralan ng retorika sa Carthage.

Mababasa sa kaniyang aklat na siya ay nasadlak sa karumihan sa kaniyang pamamalagi sa Carthage. Siya ay naging mapusok sa mga kababaihan na siyang humantong sa pagkakaroon ng anak na labas sa kasal. Sa panahon ring iyon ay naging kasapi siya sa isang grupo na tinatawag na mga Manichaean. Hindi naglaon ay nabighani naman siya sa mga pilosopiya ng mga Griyego, partikular ng kay Plotinus.

Pumunta siya sa Roma upang magturo, sapagkat ang mga kabataan sa Carthage ay mga madadaya na hindi nagbabayad ng pasahod para sa kaniyang serbisyo, at dito ay nagsimulang umusbong ang kaniyang kaalaman tungkol sa pananampalatayang Kristiyano sa impluwensya ng obispo ng Milan na si Ambrose.

Patuloy na binagabag ng kaniyang mga sariling kaisipan si Augustine, siya ay nawalan ng kapahingahan. Ngunit dahil sa probidensiya ng Panginoon, sa rurok ng kaniyang pagkabalisa at kalasingan, kaniyang narinig ang tinig ng isang bata na nagsasabing “Kunin mo at ikaw ay magbasa. Kunin mo at ikaw ay magbasa.” Binuklat niya ang Bibliya na nasa kaniyang tabi at nabasa roon ang mga salita na nasa Roma 13:13-14: “Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho. Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.” Sinabi niya na matapos niyang basahin ang naturang teksto ay nakadama siya ng kapayapaan sa kaniyang puso at ang kadiliman ng pag-aalinlangan ay naiwaksi (Confessions, 8.12.19).

Siya ay binautismuhan ni Ambrose noong Pasko ng Pagkabuhay, taong 387. Naging isa siyang mahusay na tagapagturo at tagapagtanggol ng pananampalataya laban sa mga Manichaean, na dating mga kasamahan niya, sa mga Donatist na nagtuturo na hindi dapat magbautismo o bautismuhan at tanggapin sa iglesya ang mga dating tumiwalag dahil sa malawakang pag-uusig, at sa mga Pelagian na nagtuturong ang tao, sa kaniyang pagkahulog, ay likas na nanatiling walang kasalanan. Siya ay itinalaga bilang Obispo ng Hippo Regius sa hilagang Aprika noong 395.

Nasaksihan ni Augustine ang unti-unting pagbagsak ng Roma sa kamay ng mga barbaro na siyang nag-udyok sa kaniyang isulat ang “City of God.” Namatay si Augustine habang ang mga manlulupig na mga Vandal ay nananalakay sa bayan ng Hippo. 

Hindi matatawaran ang kaniyang ginawang serbisyo para sa iglesya na maging parehong sangay ng Romano Katolisismo at Protestantismo ay nakikinabang sa impluwensya ng kaniyang mga naisulat.

Ngayon, tayo ay tutungo sa mismong akda. Ito ay nasa anyong patalambuhay, siya nga, isang paglalahad ng sariling karanasan. Sa kaniyang mga pagtatapat ng kasalanan, inisa-isa ni Augustine ang mga ito, maging intelektuwal man o moral na pagkakasala laban sa Diyos. Kabilang na riyan ang mga pagkakasala ng pagsunod sa layaw ng katawan, ng kayabangan at ambisyon, ng pagpapakasasa at kawalang-kabuluhan, ng kawalang-pasasalamat, ng pananakit sa kapwa, pandaraya, at pagsisinungaling. Isinulat niya maging ang kaniyang mga maling paniniwala na inakala niyang tunay na karunungan. Kahit na pagmamalabis man kung maituturing, wala atang sinuman ang kasingtapat sa pag-amin ng mga kasalanan na tulad ng ginawa ni Augustine sa pagsulat nito (maging ang kaniyang pag-aamin at pagsusumikap na magbago ay kaniyang itinanong kung may bahid ba ng pagkakasala ng pagkamayabang o pagtitiwala-sa-sarili!).

Ayon sa isang Romano Katolikong teologo na si John K. Ryan, marapat na ating pansinin ang pamagat nito upang lalong mabigyan ng halaga ang aklat na ito. Bagamat ang pag-aamin ng mga kasalanan ay ang prominenteng daloy ng aklat, hindi lamang ito ang pangunahing layunin nito. Ito rin ay isang pagsambit ng pananampalataya at awit ng papuri sa Panginoon. Ang lahat ng nalaman niya tungkol sa kaniyang sarili at sa lahat ng bagay na natagpuan niya sa kaniyang sarili ay nagpapatunay sa pag-iral ng Diyos. Ang lahat naman ng kaniyang nagawa, maging ang kaniyang mga kasalanan,  at ang lahat ng mga bagay na ginawa sa kaniya ay nagpapahayag ng kapangyarihan at probidensya ng Panginoon. Sa hindi-sana-nararapat na kahabagan ng Diyos ay kaniyang nakita at naging kaniig ang Diyos. Hindi lamang siya nagtapat ng kaniyang mga kasalanan, siya rin ay nagtapat ng kaniyang pananampalataya, pasasalamat, at papuri sa Diyos na sa kaniya ay nagligtas.

Ang mga pagbubulay-bulay sa aklat na ito, na lilitaw sa blog na ito, ay hindi isang gawa ng isang dalubhasa kay Augustine kundi ng isa lamang pangkaraniwang mambabasa na nagnanais na minahan ng ginto ang kayamanan na makikita niya sa bawat pahina nito. Samahan niyo akong "kunin at basahin" ang napakahusay na aklat na ito.

Biyernes, Hunyo 12, 2015

Kay Kristo ay May Kalayaan


Napakatamis nga ng salitang kalayaan. Hindi ba’t ang salitang ito ang nagbigay ng daan sa pagkakasulat ng maraming tula, kanta, at nobela? Hindi ba’t ang salitang ito ang naghahatid ng luha sa mga mata at ngiti sa mga labi sa bayang dati ay lugmok sa pagkaalipin? Tunay ngang kasingtamis ito ng pulot at kasing-ganda ng bukang-liwayway. Ngunit wala ng mas tatamis pa sa kalayaan na nakamit natin dahil kay Hesu-Kristo.

Anu-ano ang mga bagay na nabibilang sa kalayaang ito? Magbibigay ako ng ilang mga halimbawa mula sa hindi-mabilang na kasaganaan na mayroon ang pag-ibig ng Diyos:

Dahil kay Kristo na siyang Salitang nagkatawang-tao, ating nakilala ang Ama at tayong mga dating alipin ng kasalanan (Juan 8:34) ay nakakita ng liwanag at nalaman “ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (v. 32) sapagkat tayo ay pinalaya ng Anak (v. 36) na siyang Katotohanan mismo (Juan 14:6).

Dahil kay Kristo na siyang bugtong na Anak, tayo ay inampon upang maging mga anak ng Diyos na may kalayaang lumapit sa Kaniya sa panalangin bilang isang Ama na dumidinig sa mga panaghoy ng Kaniyang mga anak. Tayo rin ay tiwalang lubos at walang-pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito (Katesismong Heidelberg 26). “Sapagkat hindi [tayo] tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap [tayo] ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito’y tumatawag tayo, Abba! Ama!” (Roma 8:15).

Dahil kay Kristo na siyang walang kasalanan na naging kasalanan para sa atin, tayo ngayon ay napalaya sa paghahari ng kasalanan at sa pag-uusig ng kaaway. Noon tayo ay “mga patay sa [ating] mga pagsalangsang at mga kasalanan, na dati [nating] nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito” at “dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kapootan” (Efeso 2:1-3). Ngunit dahil sa kayamanan ng awa ng Diyos at sa Kaniyang pag-ibig sa atin, “binuhay Niya tayo kay Kristo” (v. 5) at sa pamamagitan ng kaniyang mahalagang dugo, tayo ay Kaniyang itinubos at pinalaya mula sa lahat ng kapangyarihan ng Diyablo upang gawing Kaniyang sariling pag-aari (Katesismong Heidelberg 34).

Dahil kay Kristo na siyang Kordero na namatay, ang kamatayan ay nalupig at tayo ay naging malaya mula sa kapangyarihan at kapighatian nito (Roma 8:1-2). Ang ating kamatayan ay hindi isang bagay na dapat katakutan sapagkat wala na itong kapangyarihan. "O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong pasakit? Ang pasakit ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (1 Corinto 15:55-57). Ang kamatayan, para sa ating mga mananampalataya, ay isa ng yugto patungo sa kaluwalhatian at sa kaligayahan ng pakikipagniig sa Diyos (Katesismong Heidelberg 42).

Dahil kay Kristo na siyang ating Punong Saserdote na patuloy na namamagitan para sa atin, tayo ay malayang "lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig" (Hebreo 10:21-22) sapagkat tayo ay mayroong pagtitiwala na makapapasok “sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buhay na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa Kaniyang laman" (v. 19-20).

Dahil kay Kristo na siyang ating katuwiran, tayo ay inaring-ganap ng Diyos at ngayon ay malayang mamuhay ng isang buhay na nakalulugod sa paningin Niya. Dahil sa ginawa ng ating Panginoon, sa Kaniya ay “makalalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kaniya” (Efeso 3:12).


Tunay nga, ngayon, “ang Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan” (2 Corinto 3:17). Samakatuwid, tayo ngayon ay “mamuhay nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag [nating] gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos” (1 Pedro 2:16).

Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Puso na Handa at Tapat, Puso na Nakahanap ng Kapahingahan



“Cor meum tibi offero, Domine, prompte et sincere”

“Inihahandog ko sa Iyo, o Panginoon, ang aking puso na handa at may katapatan.”

Makikita sa selyong ginamit ni John Calvin sa kaniyang mga sulat ang isang larawan ng kamay na may hawak na puso at itinataas ito sa langit. Nakapalibot ang mga salitang nakasulat sa itaas; isang patunay na ang mga araw niya ay kaniyang isinabuhay para lamang sa ikaluluwalhati ng pangalan ng ating Panginoon. Sa kabila ng kaguluhan sa mga panahong iyon, isabay pa ang kalagayan ng kaniyang kalusugan, siya ay nagpatuloy at hindi tumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita at pagtuturo ng Kaniyang Banal na Salita.

Isa rin sa mga higante sa pananampalataya ang nagsabi, “nilikha Mo kami para sa Iyong sarili at ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang ang mga ito ay makasumpong ng kapahingahan sa Iyo.” Ang mga layaw ng mundong ito na sa tingin ng karamihan ay makakapagpanatag sa kanilang mga puso ay naranasan ni Augustine. Katalinuhan? Ipinagkaloob siya ng magaling na kaisipan. Karangyaan? Nakamit niya ito kasabay ng kaniyang kasikatan. Kapangyarihan? Aba’y, sa kaniyang angking kakayahan at katanyagan, siya ay nakakuha ng mga tagasunod. Subalit, siya ay nakaramdam ng kalungkutan, panlulumong hindi masapatan na para bang sa mga anino siya nananakbuhan. Kaniyang natagpuan ang kapayapaan sa Panginoon, “sapagkat sa tuwing kita’y hinahangad, aking Diyos, aking hinahangad ang masayang buhay.”

Ano nga ba ang mayroon ang puso na ito na sinasabing kaniyang inaalay ng “handa at may katapatan”? Isang pusong handa na nangangahulugan na nais niyang ibigay ito ng walang anumang pag-aalinlangan o pagdadalawang-isip. Isang pusong may katapatan na ibig sabihin ay tunay at tiyak na naghahangad na paluguran ang Panginoon.

Ano pa nga ba kundi isang puso na nakahanap ng kapanatagan sa Diyos na Maylalang at Tagapanatili ng lahat ng mga bagay. Isang puso na handang ilaan ang anumang kinakailangan para sa Kaniyang kaluwalhatian. Isang puso na mapagpakumbaba at nagtitiwala sa Kaniyang Salita. Tayo ay hindi sa ating sarili, kaya’t ating iniaalay sa Diyos ang ating puso bilang isang hain na nakalulugod sa kaniya. Tunay nga! Isang pusong nakasumpong ng kapahingahan sa Panginoon!

Marapat na ating alalahanin na bagamat maituturing na bahagi ng ating "makatuwirang paglilingkod" (Roma 12:1) ang ganitong uri ng pananabik sa Panginoon, ang pangunahing pinagmulan ng ating kagalakang ito ay ang Diyos. Sa aklat ni John Calvin na Institutes of the Christian Religion (3.1.3), kaniyang sinabi na ang Banal na Espiritu ang siyang “nagpapaalab sa ating mga puso ng pag-ibig ng Diyos at ng masiglang debosyon.”  Sa “pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu,” ang sabi sa sagot sa unang katanungan ng Katesismong Heidelberg, “ay binibigyan rin Niya ako ng katiyakan ng buhay na walang hanggan” at tayo ay “ginagawa [Niyang] taus-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kaniya.”

Ang ating pagkabukal-na-puso ay nanggaling sa bukal ng kasaganaan ng grasya ng Diyos.  Tayong mga mananampalataya ay pinagkalooban ng isang binagong-puso na nakahanap ng kapahingahan, at ngayon ay isa ng puso na handa at tapat na magsilbi para sa Panginoon. Nawa’y tayo ay manampalataya kay Kristo na siyang pinagmumulan ng lahat ng biyaya at kaluwalhatian at sa Kaniya’y ating masumpungan ang tunay na kapanatagan.

Huwebes, Mayo 21, 2015

Ang Natatanging Layunin ng Teolohiya



Panandalian ka munang mag-isip sa pagkakataong ito.

Ano ang dahilan mo upang mag-aral ng teolohiya?

Sana’y maging tapat ka sa isasagot mo.

Ikaw ba ay nagsusumikap upang masapatan ang anumang sa tingin mo ay kakulangan sa iyong sarili? Ikaw ba ay nagnanais na makisabay o kaya’y malamangan ang isa na sa tingin mo ay mas magaling sa iyo? Ikaw ba ay naglalayon dito para gumawa ng pangalan? Upang humusay sa pakikipagtalastasan? Upang umani ng papuri sa iba?

O kaya marahil ikaw ay naghahanda upang makapagbigay ng sagot sa sinumang magtatanong (1 Pedro 3:15)? O kaya’y gusto mong maging mas mahusay na tagapagsilbi para sa ikalalago ng iglesya? O kaya’y ikaw ay nagnanais na ibigay sa Diyos ang kaukulang karangalan para sa Kaniya?

Kung ikaw ay naniniwala na ang kasalanan ay nananatiling mapanlinlang sa isang mananampalataya, malamang ay sasabayan mo ako sa pagbigkas ng "Oo" bilang sagot sa mga naunang tanong.

Subalit sa kabilang banda naman ay ang katotohanang tayo ay tinubos ni Kristo mula sa kasalanan at ng dahil sa Kaniya, tayo ay hindi na nasa ilalim ng paghahari nito. Tayo ay binagong-puso at patuloy na pinapabanal sa tulong ng Banal na Espiritu na siyang nagpapakilos sa atin. Narito ang Mabuting Balita na nagsasabi sa atin na sa halip na tayo ay mawalan ng pag-asa at patuloy na magtaka kung tayo ba ay nagagalak sa Kaniya, tayo ay may kompiyansang makalalapit sa Kaniya.

Subalit ano nga ba ang layunin ng teolohiya?

Ating balikan ang sagot sa unang tanong ng Katesismong Westminster: ano ang pangunahing layunin ng tao? Ang pangunahing layunin ng tao ay ang papurihan at kagalakan ang Diyos magpasawalang-hanggan.

Ngunit, ano ang koneksyon nito sa ating pagtahak ng pagsulong sa karunungan na patungkol sa Diyos? Ang lahat ng ating ginagawa at gagawin ay marapat na nakatuon sa ating pinakalayon. Samakatuwid, ang ating paglago sa kaalaman ay para sa pagluwalhati at pagkagalak sa Kaniya.

Narito ang sinabi ni John Calvin sa kaniyang Institutes of the Christian Religion (1.2.1): Ang kaalaman patungkol sa Diyos ay “hindi lamang para ating maisip na mayroong isang Diyos subalit upang atin ding maunawaan kung ano ang kapakinabangan nito sa atin upang maglaan ng kaaya-ayang mga bagay para sa kaluwalhatian Niya.”

Kung papaanong sinabi ni Thomas Aquinas na ang teolohiya ay “nagtuturo tungkol sa Diyos, itinuturo ng Diyos, naghahatid patungo sa Diyos,” sinabi rin ni Calvin na hindi natin dapat sabihin na nakilala ng isa ang Diyos (o natuto patungkol sa Kaniya) kung walang kaangkop na pamumuhay para sa Kaniya. Sinasabi niya rito na anuman ang ating malaman patungkol sa Kaniya ay para sa ating paglilingkod sa Kaniya. Maaari tayong maging sabik o uhaw sa mga bagay na ito pero manatiling matamlay sa pagsamba sa Kaniya at sa pagmamahal sa kaniyang iglesya. Ayon kay Calvin, hindi maaari ito, sapagkat ang tunguhin ng teolohiya ay hindi kaalaman lamang subalit pagsamba sa Diyos.

Hindi ba’t ito ang ating makikita sa apostol na si Pablo? Kung ating titingnan ang kaniyang liham para sa mga taga-Roma, na itinuturing ng ilan bilang ang kaniyang “systematic theology,” parehong mensahe ang ating makukuha. Matapos na siya ay magbitaw ng sunod-sunod na mga kaalaman patungkol sa Diyos, sa tao, at sa kaniyang kaligtasan sa naunang labing-isang kabanata, hinikayat ng apostol sa mga mananampalataya na “ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod” (Roma 12:1) alang-alang sa mga nalaman nila patungkol sa Diyos.

At sa mga naunang mga talata ay napasambit siya ng papuri sa Diyos: “O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kaniyang mga daan! Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? O sino ang kaniyang naging tagapayo? O sino ang nakapagbigay na sa kaniya, at siya’y mababayaran? Sapgkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at para sa kaniya ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen” (Roma 11:33-36). Ang ating kaalaman ay inihahatid tayo sa pagpuri sa Kaniya!

Nawa'y sa ating paglago sa kaalaman sa ating Panginoon, ating isapuso ang tinuran ni William Ames, isang Puritan: "ang teolohiya ay nagtuturo sa atin na mamuhay para sa Diyos."

Biyernes, Mayo 15, 2015

Siya na Lumalang, Siya na Ating Ama



Nitong mga huling araw ay nawili ako sa pagkuha ng mga litrato ng mga ulap. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na kunin ang aking mobile phone upang kunan ng larawan ang magagandang tanawin na iyon. Sa kaniyang komentaryo sa Mga Awit, sinabi ni John Calvin na ang “buong mundo ay ang tanghalan ng kaluwalhatian ng Diyos” na kung saan tayo ay Kaniyang inaanyayahan upang magnilay-nilay sa Kaniyang kabaitan, karunungan, katarungan, at kapangyarihan.

Sa unang mga salita ng Bibliya ay matatagpuan na "nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" (Genesis 1:1). Isa sa mga pangunahing kapahayagan ng pananampalatayang Kristiyano ang nagsimula sa linyang "Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan-sa-lahat na lumalang ng langit at lupa" (Kredo ng mga Apostol). Ang paglalang ng Diyos sa lahat ng bagay ay isa sa mga paniniwalang Kristiyano na ating lubusang tinatanggap na tunay. Ang katotohanang ito ang nagsasabi sa atin na ang Diyos na siyang Makapangyarihan-sa-Lahat ay ang panimula ng lahat ng mga bagay.

Tatlong bagay ang dapat nating isaalang-alang sa puntong ito:

Una, ginawa ng Diyos Ama ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng Anak (Juan 1:3) at ng Banal na Espiritu na siyang sa atin ay maylalang, at ang hininga na nagbibigay sa atin ng buhay (Genesis 1:2; Job 33:4).

Pangalawa, nilikha Niya  ang lahat ng bagay "ex nihilo," o sa ating wika ay "galing sa wala," sa pamamagitan lamang ng Kaniyang  makapangyarihang Salita, sa loob ng anim na araw at ang lahat ng ito ay mabuti.

At panghuli, ang paglikha ng lahat ng mga bagay, nakikita at di-nakikita, ay ginawa ng Diyos bilang isang malayang gawa, ayon lamang sa kaniyang pasiya at kalooban (Efeso 1:11; Apocalipsis 4:11); sapagkat hindi Niya kinakailangan ang anumang mga bagay. taliwas ito sa sinasabi ng karamihan na nilikha Niya ang sanlibutan dahil sa malungkot Siya o kaya’y nakita Niya na mamahalin siya ng mga taong lilikhain niya.

Subalit kung papaano ang mundo at ang kaayusan nito ay hindi basta na lamang umusbong sa gana nitong sarili, hindi rin nito kayang panatilihin ang sarili. Mabuti na ating isaisip na ang buong kinapal ay hindi bahagi ng Diyos at umiiral na kaiba sa Kaniya (kontra sa pantheism na nagtuturong ang Diyos ay ang lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay Diyos). Subalit ito ay hindi magpapatuloy sa pag-iral na hiwalay sa mga kamay Niya (kontra sa deism na nagtuturong ang Diyos ay nilikha ang lahat ng bagay at iniwanan na lamang ito sa gana nitong sarili).

Ang ating Diyos, na hindi katulad sa kalimitang ginagamit na analohiya patungkol sa pag-iral ng Diyos na maylikha ng relo na iniwan sa lansangan, ay hindi basta na lamang iniwanan ang Kaniyang nilikha bagkus ay patuloy na kumikilos at umaalalay para sa pagpapanatili nito. Ating makikita sa Banal na Kasulatan na sa kaniyang pangangalaga, ang Diyos ay patuloy na pinapanatili at nahahawakang sama-sama ang lahat ng mga bagay (Awit 136:25; 145:15; Nehemias 9:6; Gawa 17:28; Colosas 1:17; Hebreo 1:3).

Kung sa gayon, papaano ba kumikilos ang Diyos? Siya ba ay kumikilos ng tuwiran? Hindi sa lahat ng pagkakataon, kadalasan ay gumagamit Siya ng mga di-tuwirang kasangkapan (o sa Ingles ay tinatawag na "secondary causes"). Pinapakilos ng Diyos ang lahat ng mga bagay at pangyayari ayon sa Kaniyang kalooban (Deuteronomio 8:18; Awit 104:20, 21,30; Amos 3:6; Mateo 6:45; 10:29; Gawa 14:17; Filipos 2:13).

Tunay nga na ang kaalaman ng paglalang ng Diyos sa lahat ng mga bagay galing sa wala ay naghahatid sa atin ng kaaliwan. Bakit? Sapagkat kung Kaniyang nagawa ang lahat gamit ang Kaniyang kapangyarihan, kaya rin Niyang panatilihin tayo at pakaingatan laban sa masasama. Sa katulad na kadahilanan, ang kaalaman naman ng pangangalaga ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan na ang lahat ng mga bagay ay nasa ilalim ng mapatnubay at mapag-arugang mga kamay ng ating Ama. Ang Diyos na siyang Maylalang ng lahat ng mga bagay at siyang Tagapanatili nito ay siya ring lumikha sa atin at Siya ring naging ating Ama na sa atin ay nagmamalasakit. Dahil kay Kristo, tayo ay inampon Niya bilang isang anak at nakatanggap ng "espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba, Ama!" (Roma 8:15).

Sa Kaniya, tayo ay tiwalang lubos kung kaya’t wala tayong pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa mapighating buhay na ito. Makatitiyak tayo na kaya Niyang gawin ito dahil Siya ay ang makapangyarihang Diyos at nagnanais Siya na gawin ito dahil sa Siya’y isang matapat na Ama (Katesismong Heidelberg 26).


Ating purihin ang Diyos na siyang Maylalang sa karingalan ng kanyang mga gawa (Awit 104)! Papuri sa ating "Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kaniya, at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya" (1 Corinto 8:6)!

Lunes, Mayo 11, 2015

Ang Hangarin ng Isang Manunulat



“Itinuturing ko ang aking sarili na kabilang sa mga nagsusulat habang sila ay natututo at natututo habang sila ay nagsusulat.” — Augustine

Kamakailan lamang ay nakatanggap ang may-akda ng blog na ito ng ilang mga mabubuting komento patungkol sa mga nakasulat dito. Ang mga ganitong bagay, hindi-inaasahan at napakapayak man kung maituturing, ay nakakataba ng puso at nakakapaghatid ng kagalakan sa isa. Siya ngayon ay nagsulat upang magsilbing pasasalamat sa mga mambabasa at pagpapanumbalik sa hangarin na mayroon siya noon.

Sa puntong ito, dalawang bagay ang nais niyang sabihin. Tunay nga na may panganib sa mga papuri na galing sa ibang tao ngunit ito ay dahil sa kalabisan at kasinungalingan ng ilan, at sa pagiging mapanlinlang ng ating mga puso. Subalit, ang pag-abuso sa isang bagay ay hindi dahilan upang iwaksi natin ang tamang paggamit nito.

Hindi ba’t may lugar ang pagsasambit ng mabubuting bagay patungkol sa isa? (Kawikaan 27:2; Roma 14:19; 1 Tesalonica 5:11). Hindi ba’t ang mga Reformers ay nagbigay ng kani-kaniyang mga komendasyon para sa isa’t-isa?

Hindi rin masama ang magsulat ng mga bagay na patungkol sa sarili maliban lamang kung ito ay para lamang sa sariling kaluwalhatian. Hindi ba’t si apostol Pablo ay nagbanggit ng mga bagay na patungkol sa kaniyang sarili sa kaniyang mga liham? Hindi ba’t ang mga paborito nating mga may-akda ay nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa kanilang mga aklat? Sino nga ba ang hindi pa pamilyar sa Confessions ni Augustine? Nawa’y ang pagmumuni-muni na ito ay magkaroon ng kabuluhan sa mambabasa.

Maraming mga bagay pa ang maaaring mabanggit patungkol sa mga ito subalit ang mga iyon ay nangangailangan ng hiwalay na mga blog entry.

Nang dahil sa mga mabubuting puna na nanggaling sa ilang mga kapatid, kaniyang binalikan ang blog na ito. Isa sa mga layunin ng pagkakatatag ng blog na ito ay maihatid ang pananampalatayang Kristiyanismo sa wikang naiintindihan ng nakararami sa lugar na ito. Ang pagnanais na ito ay nagmula sa kaniyang karanasan bilang isang dating mag-aaral ng mga Saksi ni Jehovah bago siya naging Kristiyano sa isang megachurch. Nakita niya kung papaanong lubos na mabisa ang paghatid ng kaalaman sa pananalitang alam ng payak na mamamayan. Alam natin na hindi lahat ay may kakayahang makaunawa sa Ingles, at maging tayo man minsan ay nagkukulang sa pagkaunawa sa ilang mga bagay. Dala na rin marahil ng pagkasabik sa pamamahagi ng salita ng Diyos sa kaninuman ang nagbigay ng inspirasyon sa kaniya.

Tunay nga na isa itong malaking tunguhin at hindi rin biro ang maisalin ang ilan sa mga isinulat ng mga banyagang mga kapatid sa pananampalataya ng hindi nawawala ang kanilang pakahulugan at intensyon.

Nakalulungkot isipin na, sa paglipas ng mga araw, ang tunguhing ito ay nakalimutan ng may-ari ng blog na ito. Dalawang bagay ang dahilan, una ay ang kawalan ng panahon. Pangalawa ay ang pagkatakot na walang nagbabasa ng kaniyang mga kinatha.

Subalit ang mga komento ng ilang mga kapatid ay siyang kahit papaano ay nagsilbing patunay na may iilan na tumangkilik sa kung anuman ang maihahandog ng blog na ito. Naalala rin ng may-akda na siya rin ay minsang nakatagpo ng isang blog article na hindi naman gaano kasikat subalit iyon ang naging daan upang siya ay mabigyan ng introduksyon sa mga bagay na pinanampalatayanan niya ngayon. Tayo ay hindi gumagawa ng mga bagay para sa Diyos para sa ikatatanyag natin subalit para sa ikaluluwalhati ng Pangalan Niya.

Lalong nagpatibay sa kaniya ay ang pagkatuklas na hindi lamang siya ang nagkaroon ng ganoong suliranin. Bagama’t hitik ang kaniyang panulat, minsan na ring nahirapan ang bantog na Protestante na si John Calvin sa kaniyang pagsulat. Sa aklat ni Jean François Gilmon na John Calvin and the Printed Book, kaniyang sinabi na siya [si Calvin] mismo ay nahirapang magbigay ng panahon sa pagsulat ng kaniyang mga komentaryo dahil na rin sa ilan niyang mga responsibilidad. Subalit siya ay nagpatuloy bagama't may karamdaman. Sa tawag ng pangangailangan at ng kaniyang tungkulin, higit sa lahat ay ang pagbibigay ng kaluwalhatian sa Panginoon, siya ay naglaan ng mga pagkakataon upang magpatuloy sa pagsulat. Naging inspirasyon ang Reformer na ito, na siyang “patuloy na nagbasa, at nagsulat, at nagdasal kahit na ang iba ay natutulog o kaya’y naglilibang,” ayon kay John T. McNeill; siya ay nagpagal para sa ikalalago ng iglesya at sa ikapupuri ng pangalan ng Diyos.

Magandang balikan sa puntong ito ang sinulat ni Calvin sa kaniyang liham para sa mambabasa ng Institutes of the Christian Religion, na siya ring nais ng manunulat ng blog na ito— ang kaniyang tunguhin sa pagsulat ay “ihanda at turuan ang mga [mananampalataya] sa pagbasa ng banal na Salita at lumago rito ng hindi natitisod o naliligaw ng landas.” Tulad ng kaniyang pagbati sa dulo ng liham, nais din ng manunulat na ito na ang mambabasa ay “makinabang sa lahat ng kaniyang gawa, at tulungan siya sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin sa Diyos na ating Ama.”

Tulad ng siniping kasabihan ni Augustine sa unahan ng sanaysay na ito, ang hangarin ng manunulat na ito ay ipamahagi ang kaniyang natututunan sa pamamagitan ng pagsulat at sa gayunding kaparaanan, siya ay magsumikap na matuto habang siya ay nagsusulat.

Nawa’y maging kasangkapan ng Diyos ang blog na ito, pati ang may-akda na Kaniyang mapagpakumbabang lingkod, sa pagpapalaganap ng kaalaman patungkol sa “buhay na walang hanggan, na [ang PANGINOON] ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo” (Juan 17:3).

Huwebes, Marso 26, 2015

Higit na Dapat Naisin Kaysa Ginto

“Ang kautusan ng PANGINOON ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng PANGINOON ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.

Ang mga tuntunin ng PANGINOON ay matuwid,

na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng PANGINOON ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.

Ang pagkatakot sa PANGINOON ay totoo at lubos na makatuwiran.

Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot at sa pulot-pukyutang tumutulo.”

Awit 19:7-11 

Huwebes, Marso 19, 2015

Sa Iyong Kanang Kamay ay mga Kasayahan Magpakailanman

“Ang PANGINOON ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
Oo, ako’y may mabuting mana.
Aking pupurihin ang PANGINOON na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinanatili ang PANGINOON sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
Kaya’t ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
Sapagkat ang aking kaluluwa sa Sheol ay di mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
Iyong ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.”

— Awit 16:5-11

Martes, Pebrero 17, 2015

Sumasampalataya Ako...



"At dahil naman dito kami ay nagpapasalamat na walang patid sa Diyos, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Diyos, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya." (1 Tesalonica 2:13)

Ating natanggap ang kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, ang siyang ginagamit ng Diyos bilang instrumento upang tayo ay maging kabahagi Niya. Mahalagang bigyang-diin sa puntong ito na ang pananampalataya natin ay kasangkapan lamang at hindi ang saligan ni ang dahilan ng ating pagkamatuwid sa mata ng Diyos sapagkat ang natatanging dahilan lamang ng ating pagiging matuwid sa harapan Niya ay ang pagkamatuwid ni Hesu-Kristo. Higit sa lahat, ang pananampalatayang ito ay hindi galing sa ating sarili bagkus ay isang regalong ipinagkaloob ng Diyos sa atin (Efeso 2:8). Ang biyayang ito ng kaligtasan ay inihandog lamang sa mga tunay na mananampalataya na nananalig at yumayakap sa mga kasaganaan na na kay Kristo; silang mga lubusang nakakaalam ng di-sana-nararapat na awa ng Diyos at silang mga nagtitiwala na sila ay Kaniyang papanatilihin hanggang sa walang-hanggan. Subalit, ano nga ba ang tunay na pananampalataya?

Isa sa mga bagay na binigyang-pansin ng mga Protestante ay ang pagbibigay-kahulugan sa kung ano ang tunay na pananampalataya. Ayon sa kanila, ang Bibliya ay nagbibigay ng larawan ng tunay na pananampalataya na kung saan ay kinapapalooban ng tatlong aspeto: notitia, assensus, at fiducia.

Ang notitia sa wikang Tagalog ay maihahalintulad sa salitang "pagkabatid" o kaalaman sa isang bagay. Sa ating konteksto, ito ay tumutukoy sa intelektuwal na aspeto ng tunay na pananampalataya— ang nilalaman ng ating pananampalataya, ang mga bagay na ating pinaniniwalaanIto ay ang tiyak na kaalaman ng mga pangako ng Diyos at ang mga bagay na Kaniyang ipinahayag sa Kanyang Banal na Kasulatan. Marapat lamang na tayong mga mananampalataya ay magkaroon ng kaalaman sa mga bagay patungkol sa Diyos at sa ating kaligtasan sapagkat ang pananampalataya ay dapat na may panampalatayanan. Habang ito ay hindi kinakailangang maging malawak, marapat naman na ito ay nagtataglay ng sapat na kaalaman sa mga bagay patungkol sa Mabuting Balita.

Subalit maaaring maunawaan ng isa ang mga bagay na ating pinaniniwalaan. "Oo, alam ko na nilalang ng Diyos ang langit at lupa." "Oo, marahil nga na magaling na guro si Hesus." "Subalit wala naman akong pakialam doon, may pagkakaiba ba kung hindi ako naniniwala?" Dito papasok ang isang aspeto ng pananampalataya, ang assensus o sa madaling sabi ay "pagsang-ayon." Ito ang emosyonal na aspeto ng pananampalataya na kung saan tayo ay may lubusang katiyakan at paniniwala na ang mga bagay na ating pinanampalatayanan na nakalahad sa Salita ng Diyos ay tunay at totoo. 

Panghuli ay ang fiducia na siyang puso ng tunay na pananampalataya. Kung wala nito, tayo ay walang pinagkaiba sa mga demonyo (Santiago 2:19). Ito ay tumutukoy sa pananalig at taos-pusong pagtitiwala kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas na kung saan ang tao, sa pagkaalam patungkol sa kaniyang sarili, ay tumatanggap na siya ay isang makasalanan at ang tangi lamang Niyang kaligtasan ay tanging kay Kristo lamang masusumpungan.

Tunay nga na ang pananampalataya ay yinayakap ang kabuuan ng Salita ng Diyos at lubusang naniniwala dito sa gana ng Banal na Espiritu. Ang tunay na pananampalataya ay may pinapatungkulan— ang Mabuting Balita na siyang paksa ng ating pananampalataya. Kung gayon, ano naman ang mga bagay na ating dapat na panampalatayanan? Ang suma total at kabuuang diwa ng Mabuting Balita ay ipinangaral ng Apostol Pablo sa 1 Corinto 15 na ating makikitang inilahad sa Kredo ng mga Apostol (Apostles’ Creed), ang buod ng pananampalatayang Kristiyano, ang  mga bagay na ating pinaniniwalaan.

Lunes, Pebrero 9, 2015

Tunay na Tao, Tunay na Diyos


Cur Deus Homo? Isa sa mga naging mahahalagang tanong noong Edad Medya ay kung bakit ang Diyos ay naging Tao. Laban sa umiiral na paniniwala ng panahon, na ang sangkatauhan ay may utang na dapat bayaran sa Diyablo, naglatag ang Simbahan ng pundasyon sa pagkaunawa ng ginawang pagbabayad-sala ng ating Panginoon na si Hesu-Kristo. Kabilang sa mga prominenteng teologo ng panahon na iyon ay si Anselm, ang arsobispo ng Canterbury sa Inglatera, na siyang sumagot sa tanong na "bakit kailangang maging tao ng Diyos?"

Bakit kailangang maging tao ng ating magiging tagapamagitan? Una, sapagkat tao ang nagkasala ay dapat din na tao rin ang magbayad-pinsala. Pangalawa, upang siya, sa kalikasang tao, ay mamatay upang maging kabayaran sa hatol na iginawad sa sangkatauhan. Panghuli, upang mapangatawanan niya ang tao at bilang ang pangalawang Adan ay kaniyang tuparin ang tungkulin na hindi nagawa ni Adan.

Narito ang ating suliranin: ang ating pagsalansang sa Diyos ay sukdulan! Kung papaanong ang ating kasalanan ay kapalastanganan sa mata ng Diyos, kinakailangan na masapatan ang sukdulan na ito. Ngunit papaano iyon masasapatan ng tao kung ang tao ay may hangganan? Imposible, hindi ba? Kung tayo ay haharap sa Diyos, tayo ay maglalaho sa isang iglap.

Mahusay na isinalarawan ni John Calvin sa kanyang Institutes of the Christian Religion (2.7.2-3) ang buod ng mga gawa at pagkatao ng ating natatanging Tagapamagitan:

“...higit na kinakailangan para sa ganitong mga kadahilanan na Siyang ating Tagapagligtas ay dapat na maging tunay na Diyos at tao. Tanging sa kaniya lamang ang pagwaksi sa kamatayan, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang siyang Buhay mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang paglupig sa kasalanan, sapagkat sino pa bang makakagawa nito kundi ang siyang Katuwiran mismo? Tanging sa Kaniya lamang ang pag-gupi sa mga kapangyarihan ng mundo, sapagkat sino pa nga ba ang makakagawa nito kundi ang Makapangyarihang Isa na mas nakahihigit dito? Ngunit sino ba siyang nagtataglay ng buhay at katuwiran, at ang paghahari at pamamahala ng langit, ngunit ang Diyos lamang? Samakatuwid, ang Diyos, na siyang nagpasyang iligtas tayo dahil sa kaniyang hindi-masusukat na awa, ay naging ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng kaniyang Bugtong na Anak.

Ang isa pang punong bahagi ng ating pagkakasundo sa Diyos ang tao, na siyang nagligaw sa kaniyang sarili sa kaniyang pagsuway, ay marapat na pasiyahan ang katarungan ng Diyos, at pagbayaran ang parusa ng kasalanan sa anumang kaparaanan. Samakatuwid, ang ating Panginoon ay dumating bilang isang tao at pinangatawanan ang kabuuan ni Adan upang magsilbing kahalili na siyang taos-puso't lubusang susunod sa kalooban ng Ama; upang kaniyang maihandog ang ating pagka-laman bilang halaga ng kabayaran sa makatuwirang paghatol ng Diyos, at sa parehong laman ay mabayaran ang parusa na ating natamo. Panghuli, dahil bilang Diyos, hindi siya maaaring magdusa ni mapuksa, at dahil ang tao ay hindi makakayang mapagtagumpayan ang kamatayan, pinag-isa niya ang kalikasan ng tao at ang pagiging Diyos, na maaaring niyang maiharap ang kahinaan ng pagka-Tao sa kamatayan bilang kaparusahan ng kasalanan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagka-Diyos, siyang nakipagbaka sa kamatayan, kaniyang natamo ang tagumpay para sa atin.”


Tunay nga, kailangan natin ng isang Tagapamagitan na hindi lamang tao subalit ay Diyos. Ang Mabuting Balita ay dumarating sa atin na nagsasabing tayo ay makakaharap sa Diyos bilang kaniyang mga anak dahil sa ating Tagapamagitang ito. Sino ito? Walang iba kundi ang ating Panginoong Hesu-Kristo, ang Salitang nagkatawang-tao.