Napakatamis nga ng salitang kalayaan. Hindi ba’t ang
salitang ito ang nagbigay ng daan sa pagkakasulat ng maraming tula, kanta, at
nobela? Hindi ba’t ang salitang ito ang naghahatid ng luha sa mga mata at ngiti
sa mga labi sa bayang dati ay lugmok sa pagkaalipin? Tunay ngang kasingtamis
ito ng pulot at kasing-ganda ng bukang-liwayway. Ngunit wala ng mas tatamis pa
sa kalayaan na nakamit natin dahil kay Hesu-Kristo.
Anu-ano ang mga bagay na nabibilang sa kalayaang ito?
Magbibigay ako ng ilang mga halimbawa mula sa hindi-mabilang na kasaganaan na
mayroon ang pag-ibig ng Diyos:
Dahil kay Kristo na siyang Salitang nagkatawang-tao, ating
nakilala ang Ama at tayong mga dating alipin ng kasalanan (Juan 8:34) ay
nakakita ng liwanag at nalaman “ang
katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (v. 32) sapagkat
tayo ay pinalaya ng Anak (v. 36) na siyang Katotohanan mismo (Juan 14:6).
Dahil kay Kristo na siyang bugtong na Anak, tayo ay inampon
upang maging mga anak ng Diyos na may kalayaang lumapit sa Kaniya sa panalangin
bilang isang Ama na dumidinig sa mga panaghoy ng Kaniyang mga anak. Tayo rin
ay tiwalang lubos at walang-pag-aalinlangan na ipagkakaloob Niya sa atin ang
lahat ng bagay na kailangan ng ating katawan at kaluluwa at gagamitin rin Niya
para sa ating ikabubuti ang anumang pagsubok na ipapadala Niya sa atin sa
mapighating buhay na ito (Katesismong Heidelberg 26). “Sapagkat hindi [tayo] tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang
muling matakot, kundi tumanggap [tayo] ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito’y
tumatawag tayo, Abba! Ama!” (Roma 8:15).
Dahil kay Kristo na siyang walang kasalanan na naging
kasalanan para sa atin, tayo ngayon ay napalaya sa paghahari ng kasalanan at sa
pag-uusig ng kaaway. Noon tayo ay “mga
patay sa [ating] mga pagsalangsang at mga kasalanan, na dati [nating]
nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito” at “dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na
ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong
mga anak ng kapootan” (Efeso 2:1-3). Ngunit dahil sa kayamanan ng awa ng
Diyos at sa Kaniyang pag-ibig sa atin, “binuhay Niya tayo kay Kristo” (v. 5) at sa pamamagitan ng kaniyang mahalagang dugo,
tayo ay Kaniyang itinubos at pinalaya mula sa lahat ng kapangyarihan ng Diyablo
upang gawing Kaniyang sariling pag-aari (Katesismong Heidelberg 34).
Dahil kay Kristo na siyang Kordero na namatay, ang kamatayan
ay nalupig at tayo ay naging malaya mula sa kapangyarihan at kapighatian nito (Roma
8:1-2). Ang ating kamatayan ay hindi isang bagay na dapat katakutan sapagkat
wala na itong kapangyarihan. "O
kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong
pasakit? Ang pasakit ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng
kasalanan ay ang kautusan. Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng
pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (1
Corinto 15:55-57). Ang kamatayan, para sa ating mga mananampalataya, ay isa ng
yugto patungo sa kaluwalhatian at sa kaligayahan ng pakikipagniig sa Diyos (Katesismong
Heidelberg 42).
Dahil kay Kristo na siyang ating Punong Saserdote na patuloy
na namamagitan para sa atin, tayo ay malayang "lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng
pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang
budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig" (Hebreo
10:21-22) sapagkat tayo ay mayroong pagtitiwala na makapapasok “sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni
Jesus, na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buhay na daan, sa
pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa Kaniyang laman" (v. 19-20).
Dahil kay Kristo na siyang ating katuwiran, tayo ay
inaring-ganap ng Diyos at ngayon ay malayang mamuhay ng isang buhay na
nakalulugod sa paningin Niya. Dahil sa ginawa ng ating Panginoon, sa Kaniya ay “makalalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob
at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kaniya” (Efeso
3:12).
Tunay nga, ngayon, “ang
Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon,
mayroong kalayaan” (2 Corinto 3:17). Samakatuwid, tayo ngayon ay “mamuhay nang tulad sa taong malalaya,
ngunit huwag [nating] gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi
bilang mga alipin ng Diyos” (1 Pedro 2:16).
Walang komento :
Mag-post ng isang Komento