Lunes, Hunyo 15, 2015

Kunin at Basahin: The Confessions of St. Augustine


“Ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang sa sila ay makapahinga sa Iyo.” – Augustine

Pamilyar na pamilyar sa atin ang mga salitang ito mula sa bantog na aklat na “The Confessions of St. Augustine” anupamat kayang-kaya nating sambitin ang mga linyang ito mula sa memorya ng napakadali. Subalit, sino nga ba sa atin ang tunay na nakapagbasa na o nakakaalam ng iba pa niyang mga sinabi sa aklat na iyon?

Sa puntong ito, tingnan muna natin ang isang maikling introduksyon upang ating makilala ang may-akda. Si Aurelius Augustinus, o mas kilala sa tawag na Augustine of Hippo, ay ipinanganak sa bayan ng Thagaste na ngayon ay isang lugar (Souk Ahras) na malapit sa silanganang bahagi ng bansang Algeria ngayon. Sa kapanahunan niya, ang pook na ito ay isa sa mga naging lugar na kung saan may pagkakahalo ng kultura ng iba’t ibang mga grupo –ang mga Griyego, Romano, at maging mga Hudyo ay minsan nang nakipagkalakalan, o nanakop, sa mga lupain dito.  Sa ganitong uri ng kapaligiran, siya ay lumaki sa isang pamilya na may pulitikal at relihiyosong pagkakakilanlan: ang kaniyang ama na si Patricius ay isang konsehal habang ang kaniyang inang si Monnica ay kilala sa mga Kristiyanong pamayanan sa lugar na iyon.

Lumaki ang batang si Augustine ng may angkin na katalinuhan. Sa kaniyang murang edad ay nakakitaan na siya ng potensyal. Sa edad na labing-isa, siya ay ipinadala sa Romanong lungsod ng Madaurus, tinaguriang kuta ng paganismo noong panahon na iyon, upang mag-aral ng Latin at ng mga paganong literatura at maaaring doon ay nakapagbasa siya ng ilang mga gawa ng mga pilosopong si Plato at Cicero. Bumalik siya sa kanila dahil sa kakulangan ng ipansasapat sa mga gastusin subalit may nag-alok ng suporta upang makapag-aral siya sa mga paaralan ng retorika sa Carthage.

Mababasa sa kaniyang aklat na siya ay nasadlak sa karumihan sa kaniyang pamamalagi sa Carthage. Siya ay naging mapusok sa mga kababaihan na siyang humantong sa pagkakaroon ng anak na labas sa kasal. Sa panahon ring iyon ay naging kasapi siya sa isang grupo na tinatawag na mga Manichaean. Hindi naglaon ay nabighani naman siya sa mga pilosopiya ng mga Griyego, partikular ng kay Plotinus.

Pumunta siya sa Roma upang magturo, sapagkat ang mga kabataan sa Carthage ay mga madadaya na hindi nagbabayad ng pasahod para sa kaniyang serbisyo, at dito ay nagsimulang umusbong ang kaniyang kaalaman tungkol sa pananampalatayang Kristiyano sa impluwensya ng obispo ng Milan na si Ambrose.

Patuloy na binagabag ng kaniyang mga sariling kaisipan si Augustine, siya ay nawalan ng kapahingahan. Ngunit dahil sa probidensiya ng Panginoon, sa rurok ng kaniyang pagkabalisa at kalasingan, kaniyang narinig ang tinig ng isang bata na nagsasabing “Kunin mo at ikaw ay magbasa. Kunin mo at ikaw ay magbasa.” Binuklat niya ang Bibliya na nasa kaniyang tabi at nabasa roon ang mga salita na nasa Roma 13:13-14: “Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho. Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.” Sinabi niya na matapos niyang basahin ang naturang teksto ay nakadama siya ng kapayapaan sa kaniyang puso at ang kadiliman ng pag-aalinlangan ay naiwaksi (Confessions, 8.12.19).

Siya ay binautismuhan ni Ambrose noong Pasko ng Pagkabuhay, taong 387. Naging isa siyang mahusay na tagapagturo at tagapagtanggol ng pananampalataya laban sa mga Manichaean, na dating mga kasamahan niya, sa mga Donatist na nagtuturo na hindi dapat magbautismo o bautismuhan at tanggapin sa iglesya ang mga dating tumiwalag dahil sa malawakang pag-uusig, at sa mga Pelagian na nagtuturong ang tao, sa kaniyang pagkahulog, ay likas na nanatiling walang kasalanan. Siya ay itinalaga bilang Obispo ng Hippo Regius sa hilagang Aprika noong 395.

Nasaksihan ni Augustine ang unti-unting pagbagsak ng Roma sa kamay ng mga barbaro na siyang nag-udyok sa kaniyang isulat ang “City of God.” Namatay si Augustine habang ang mga manlulupig na mga Vandal ay nananalakay sa bayan ng Hippo. 

Hindi matatawaran ang kaniyang ginawang serbisyo para sa iglesya na maging parehong sangay ng Romano Katolisismo at Protestantismo ay nakikinabang sa impluwensya ng kaniyang mga naisulat.

Ngayon, tayo ay tutungo sa mismong akda. Ito ay nasa anyong patalambuhay, siya nga, isang paglalahad ng sariling karanasan. Sa kaniyang mga pagtatapat ng kasalanan, inisa-isa ni Augustine ang mga ito, maging intelektuwal man o moral na pagkakasala laban sa Diyos. Kabilang na riyan ang mga pagkakasala ng pagsunod sa layaw ng katawan, ng kayabangan at ambisyon, ng pagpapakasasa at kawalang-kabuluhan, ng kawalang-pasasalamat, ng pananakit sa kapwa, pandaraya, at pagsisinungaling. Isinulat niya maging ang kaniyang mga maling paniniwala na inakala niyang tunay na karunungan. Kahit na pagmamalabis man kung maituturing, wala atang sinuman ang kasingtapat sa pag-amin ng mga kasalanan na tulad ng ginawa ni Augustine sa pagsulat nito (maging ang kaniyang pag-aamin at pagsusumikap na magbago ay kaniyang itinanong kung may bahid ba ng pagkakasala ng pagkamayabang o pagtitiwala-sa-sarili!).

Ayon sa isang Romano Katolikong teologo na si John K. Ryan, marapat na ating pansinin ang pamagat nito upang lalong mabigyan ng halaga ang aklat na ito. Bagamat ang pag-aamin ng mga kasalanan ay ang prominenteng daloy ng aklat, hindi lamang ito ang pangunahing layunin nito. Ito rin ay isang pagsambit ng pananampalataya at awit ng papuri sa Panginoon. Ang lahat ng nalaman niya tungkol sa kaniyang sarili at sa lahat ng bagay na natagpuan niya sa kaniyang sarili ay nagpapatunay sa pag-iral ng Diyos. Ang lahat naman ng kaniyang nagawa, maging ang kaniyang mga kasalanan,  at ang lahat ng mga bagay na ginawa sa kaniya ay nagpapahayag ng kapangyarihan at probidensya ng Panginoon. Sa hindi-sana-nararapat na kahabagan ng Diyos ay kaniyang nakita at naging kaniig ang Diyos. Hindi lamang siya nagtapat ng kaniyang mga kasalanan, siya rin ay nagtapat ng kaniyang pananampalataya, pasasalamat, at papuri sa Diyos na sa kaniya ay nagligtas.

Ang mga pagbubulay-bulay sa aklat na ito, na lilitaw sa blog na ito, ay hindi isang gawa ng isang dalubhasa kay Augustine kundi ng isa lamang pangkaraniwang mambabasa na nagnanais na minahan ng ginto ang kayamanan na makikita niya sa bawat pahina nito. Samahan niyo akong "kunin at basahin" ang napakahusay na aklat na ito.

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento