Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Puso na Handa at Tapat, Puso na Nakahanap ng Kapahingahan



“Cor meum tibi offero, Domine, prompte et sincere”

“Inihahandog ko sa Iyo, o Panginoon, ang aking puso na handa at may katapatan.”

Makikita sa selyong ginamit ni John Calvin sa kaniyang mga sulat ang isang larawan ng kamay na may hawak na puso at itinataas ito sa langit. Nakapalibot ang mga salitang nakasulat sa itaas; isang patunay na ang mga araw niya ay kaniyang isinabuhay para lamang sa ikaluluwalhati ng pangalan ng ating Panginoon. Sa kabila ng kaguluhan sa mga panahong iyon, isabay pa ang kalagayan ng kaniyang kalusugan, siya ay nagpatuloy at hindi tumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita at pagtuturo ng Kaniyang Banal na Salita.

Isa rin sa mga higante sa pananampalataya ang nagsabi, “nilikha Mo kami para sa Iyong sarili at ang aming mga puso ay walang kapahingahan hanggang ang mga ito ay makasumpong ng kapahingahan sa Iyo.” Ang mga layaw ng mundong ito na sa tingin ng karamihan ay makakapagpanatag sa kanilang mga puso ay naranasan ni Augustine. Katalinuhan? Ipinagkaloob siya ng magaling na kaisipan. Karangyaan? Nakamit niya ito kasabay ng kaniyang kasikatan. Kapangyarihan? Aba’y, sa kaniyang angking kakayahan at katanyagan, siya ay nakakuha ng mga tagasunod. Subalit, siya ay nakaramdam ng kalungkutan, panlulumong hindi masapatan na para bang sa mga anino siya nananakbuhan. Kaniyang natagpuan ang kapayapaan sa Panginoon, “sapagkat sa tuwing kita’y hinahangad, aking Diyos, aking hinahangad ang masayang buhay.”

Ano nga ba ang mayroon ang puso na ito na sinasabing kaniyang inaalay ng “handa at may katapatan”? Isang pusong handa na nangangahulugan na nais niyang ibigay ito ng walang anumang pag-aalinlangan o pagdadalawang-isip. Isang pusong may katapatan na ibig sabihin ay tunay at tiyak na naghahangad na paluguran ang Panginoon.

Ano pa nga ba kundi isang puso na nakahanap ng kapanatagan sa Diyos na Maylalang at Tagapanatili ng lahat ng mga bagay. Isang puso na handang ilaan ang anumang kinakailangan para sa Kaniyang kaluwalhatian. Isang puso na mapagpakumbaba at nagtitiwala sa Kaniyang Salita. Tayo ay hindi sa ating sarili, kaya’t ating iniaalay sa Diyos ang ating puso bilang isang hain na nakalulugod sa kaniya. Tunay nga! Isang pusong nakasumpong ng kapahingahan sa Panginoon!

Marapat na ating alalahanin na bagamat maituturing na bahagi ng ating "makatuwirang paglilingkod" (Roma 12:1) ang ganitong uri ng pananabik sa Panginoon, ang pangunahing pinagmulan ng ating kagalakang ito ay ang Diyos. Sa aklat ni John Calvin na Institutes of the Christian Religion (3.1.3), kaniyang sinabi na ang Banal na Espiritu ang siyang “nagpapaalab sa ating mga puso ng pag-ibig ng Diyos at ng masiglang debosyon.”  Sa “pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu,” ang sabi sa sagot sa unang katanungan ng Katesismong Heidelberg, “ay binibigyan rin Niya ako ng katiyakan ng buhay na walang hanggan” at tayo ay “ginagawa [Niyang] taus-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kaniya.”

Ang ating pagkabukal-na-puso ay nanggaling sa bukal ng kasaganaan ng grasya ng Diyos.  Tayong mga mananampalataya ay pinagkalooban ng isang binagong-puso na nakahanap ng kapahingahan, at ngayon ay isa ng puso na handa at tapat na magsilbi para sa Panginoon. Nawa’y tayo ay manampalataya kay Kristo na siyang pinagmumulan ng lahat ng biyaya at kaluwalhatian at sa Kaniya’y ating masumpungan ang tunay na kapanatagan.

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento